Kinupkop ng Babae ang Sanggol na Hindi Kaano-ano; Grabe Pala ang Magiging Bunga ng Ginawa Niyang Ito

Sanggol pa lamang noon si Salve nang sumakabilang buhay ang kaniyang ina. Pumanaw ito sa hirap sa panganganak at atake sa puso. Nabuntis kasi sa pagkadalaga ang babae at saka iniwan ng dating nobyo.

Nang mawala ang babae ay kinuha ng pamilya nito ang katawan ngunit iniwan ang sanggol sa pangangalaga ng komadronang nagpaanak dito noon, si Nanay Ida. Siya ang kumupkop sa kawawang sanggol nang itakwil ito ng sariling kadugo. Siya na rin ang kinagisnang ina ng bata.

Tuwing umuuwi galing paaralan noon si Salve, ang kaniyang Nanay Ida ang una niyang hinahanap.

“’Nay! Nandito na po ako!” masiglang bati ng bata.

“Nandito na pala ang mabait kong anak, e!” nakangiting sabi naman ng ginang.

Kahit na ilang oras lamang silang hindi nagkita ay tila ba sabik na sabik silang makita ang isa’t isa. Sobrang minahal ni Nanay Ida ang batang inampon noon. Puro at walang kapantay na pagmamahal ang ibinibigay nito.

Nang mag hayskul ay lalo pang pinagbuti ni Salve ang pag-aaral kaya’t nagtapos siya nang may mataas na karangalan. Sa ganoong paraan, makakaakyat ng entablado ang kaniyang kinalakihang ina upang magsabit ng medalya.

“Para sa’yo ito, inay!” sambit ni Salve habang isinasabit ang medalyang nakuha.

Advertisement

“Napakahusay talaga ng anak ko. Proud na proud si nanay sa’yo!” saad naman ni Nanay Ida.

Pangarap ni Salve na maging doctor balang-araw, ngunit hindi natupad iyon dahil sa hirap ng buhay. Kaya’t kumuha na lamang siya ng kursong dalawang taon lamang ay tapos na.

“Kahit hindi mo natupad ang pagiging doktor, nagtitiwala pa rin ako sa kakayahan mo anak. Alam kong may mas magandang plano ang Diyos para sa iyo. Magiging matagumpay ka sa buhay na ito,” sabi ng ginang sa umiiyak na anak habang yakap-yakap ito.

Nang makapagtrabaho ay kahit papano, nakakapagbigay na si Salve ng maliit na halaga sa ginang. Sa maliit na halaga ay tuwang-tuwa na ang ginang. Kung minsan ay nahihiya pa itong tanggapin.

“Aba, ay ano ito?” gulat na tanong ni Nanay Ida.

“Surprise, ‘nay!” masiglang sabi ni Salve habang hawak ang kahon na may lamang pulseras.

“Nako, anak, nakakahiya naman. Nag-abala ka pa,” naluluhang sabi ng matanda.

“Iyan yung gustong-gusto niyo, hindi po ba? Deserve mo yan, ‘nay! Maraming salamat sa pag-aalaga sa akin. Mahal na mahal kita, inay!”

Advertisement

Humalik sa noo ang dalaga at saka yumakap nang mahigpit sa kaniyang nanay.

Dahil maliit ang kita, napagdesisyunan ni Salve na lumipad patungong ibang bansa. Hindi na siya nagawa pang ihatid ni Nanay Ida, dahil mahina na ito dulot ng karamdaman.

Kahit na malayo ay sinigurado ni Salve na palagi niyang nakakausap ang kaniyang nanay. Salamat sa teknolohiya at madali niya itong nakakausap sa video call.

“Kumusta naman na ang pakiramdam ninyo, inay?”

“M-maayos naman na, anak. Ikaw ang kumusta riyan? Mukhang namamayat ka ah? Huwag pabayaan ang sarili ha?” nag-aalalang sagot naman ng matanda.

“Nako inay, wag ninyo akong alalahanin. Magpagaling kayo ha? Malapit na tayong magkita ulit!”

Pasko nang taong 2015 nakauwi si Salve sa Pilipinas. Pero labis ang paninibago niya dahil dati rati, patakbong sumasalubong sa kaniya ang ginang upang halikan at yakapin siya, pero sa pagkakataong ito, iba ang dinatnan niya.

Hirap nang makalakad si Nanay Ida at palagi na lamang nakahiga o nakaupo. Sa sobrang awa ng dalaga ay binilhan niya ito ng bagong higaan na malambot at komportable.

Advertisement

Nang magpaalam na si Salve isang buwan matapos ang pasko ay hindi niya magawang lingunin ang ina. Tila ba tumutusok sa puso niya ang bawat hakbang na ginagawa paalis.

Ramdam kasi niya na sa pagkakataong iyon, marahil iyon na ang huling beses silang magkikita…

Marso namg sumunod na taon, nagising si Salve sa isang malakas na tunog. Bumagsak ang larawan ni Nanay Ida sa may lamesa malapit sa kaniya.

Kasunod noon ay ang paghalimuyak ng amoy ng sampaguita na paborito ng kaniyang ina. Wala roon si Nanay Ida, pero bakit ramdam na ramdam niya ang presensiya nito?

Bigla na lamang tumunog ang kaniyang cellphone…

“A-ano?! Bakit? Saan at kailan?” nanginginig na tanong ni Salve.

“Nasa ospital po sa Maynila si Nanay Ida. Comatose na raw po ngayon. Kung makakauwi ka sana tita, pakibilisan para maabutan mo pa si nanay,” saad naman ng pamangkin ni Salve.

“S-sige… magpapaalam na ako sa boss ko. Mag-iingat kayo riyan!”

Advertisement

Agad naman natugunan ang vacation leave ni Salve. Mabait ang boss niya at hindi na rin nakapagtataka dahil mahusay ang dalaga at magaling sa trabaho.

Nang makarating sa ospital, sa ICU agad nag diretso si Salve upang makita ang ina.

“’Nay… gising na ho… narito na ako…” naiiyak na sabi ng dalaga.

Tila ba himalang nagbukas ang mga mata ng ginang at ngumiti. Pati mga nars ay nagulat rin sa nangyari.

Ngumiti si Nanay Ida, hinawakan at piniga ang kamay ng anak bago muling pumikit. Kasunod noon ay malakas na pagtunog ng heart rate monitor at saka nagkaroon ng pantay na linya.

“’Nay! ‘Wag niyo akong iwan! ‘Nay! ‘Wag muna, please!” pagmamakaawa ni Salve. “Nanay!”

Sinubukan i-revive ng doktor ang matanda ngunit wala na ito. Marahil gumising lamang talaga ito para magpaalam sa anak sa huling pagkakataon.

Habang nakatayo sa puntod ay hindi mapigilan ang pagluha ni Salve.

Advertisement

“Hindi yata mauubos ang pasasalamat ko sa’yo, inay… minahal, inalagaan, at kinupkop ninyo ako na parang tunay na anak. Hindi pala sa d*ugo nasusukat ang pagmamahal ng isang tao, dahil kayo ang nagpatunay noon sa’kin.

Salamat nanay sa pagmamahal mo. Salamat dahil kahit minsan, hindi mo pinaramdam na iba ako. Hindi mo man ako dinala sa iyong sinapupunan, galing naman ako sa iyong puso. Mahal na mahal kita, nanay…” saad ni Salve habang sinisindihan ang puting kandila.

Mahirap man pero pinilit ng dalaga na bumangon mula sa masakit na pangyayaring iyon. Kailangan niyang maging malakas ang matatag para ina. At higit sa lahat mas naging mabuting tao siya dahil iyon ang nais ni Nanay Ida para sa kaniya.

Hindi man kadugo ay hindi naging hadlang kay Nanay Ida upang mahalin si Salve nang buong-buo. Hindi mapapantayan ang puso at pagmamahal ng isang ina na tunay na nagmamahal sa kaniyang anak, maging sariling laman man ito o hindi.