Isinakripisyo ng Babae ang Lahat Para sa Minamahal na Asawa, Pighati Lamang Pala ang Ibabalik Nito

Dating manager si Teresa sa isang kompanya noon sa Makati. Doon din niya nakilala ang kasintahang si Bren. Pilit nilang inilihim ang relasyon dahil bawal iyon sa trabaho. Tanging ibang mga kaibigan at pamilya lamang ang nakakaalam noon.

Upang hindi na kailanganing magtago, nagresign si Teresa sa kompanya at lumipat ng ibang trabaho.

“Teresa, babe, ikaw lang ang gusto kong makasama sa buhay na ito. Will you marry me?” nakaluhod habang may hawak na singsing na tanong ni Bren sa kasintahan.

“Oh my God…” napatakip naman ng bibig ang dalaga at saka naiiyak na tumango. “Yes, babe, I will marry you!”

Matapos ang kasal, lumipat sa isang condo ang mag-asawa at doon nagsama. Pero tila ba dahil sa trabaho ay di magawa ni Teresa na ibuhos lahat ng atensyon sa asawa. Kaya’t kailangan niyang mamili kung magiging full time housewife o itutuloy ang kaniyang magandang trabaho.

“Sorry, sir, natatakot po ako sa laki ng responsebilidad sa bagong posisyon sa trabaho at kailangan ko rin po ng oras para sa asawa ko. Bagong kasal lamang po kami,” paliwanag ni Teresa sa kaniyang boss.

“Wag ka ma-pressure! Ganito na lang, if may maiwan kang trabaho, dalhin mo sa bahay at doon tapusin. Nang sa ganoon may oras ka para makasama ang asawa mo. I trust you and I know kaya mo ‘yan!” nakangiting sabi naman ng boss sa babae.

“T-talaga po? Maraming salamat po, sir!” naluluhang sabi naman ni Teresa.

Advertisement

Gabi-gabi ay pagod na umuuwi ang babae mula sa trabaho dahil may kalayuan ito mula sa kanilang condo.

“Babe, baka naman puwede mo ako ipag-drive tuwing papasok at uuwi. Nahihirapan na kasi ako sa pag commute araw-araw e,” pakiusap naman ni Teresa.

“Hassle kasi e. At saka aksayado pa sa gasolina. Pwede ka naman mamasahe na lang,” malamig na tugon ng lalaki habang naglalaro sa kaniyang cellphone.

Napayuko na lang si Teresa sa narinig. Tila ba unti-unti na itong nagbabago. Nasa kabilang kanto lamang kasi ang opisina ni Bren kaya lagi itong maagang nakakauwi kaysa sa kaniya.

Araw-araw inaabutan niyang nakataas ang paa habang nanonood ng TV ang asawa. Sabog-sabog ang gamit at mga pinagkainan. Naroon ang pinaghubarang uniporme, magkahiwalay na pares ng sapatos pati na mga medyas. Napapailing na lamang ang babae.

Liligpitin ni Teresa ang mga iyon at saka magluluto ng hapunan habang ang batugan na asawa ay naglalaro lamang. Pagod na siya sa trabaho, pagod rin sa byahe at mas napapagod pa sa gawaing bahay na kaya naman na ng asawa niya sana.

Magtratrabaho siya hanggang 12am at gigising ng 4am para maghanda ng almusal at baon nilang mag-asawa. Kayod-kabayo at halos wala nang tulog ang babae kaya’t minsan ay napapaluha na lamang siya.

“Babe, wala ba tayong ibang puwedeng puntahan ngayong weekend? Baka puwede tayo mag date?” paglalambing ng babae.

Advertisement

“May inuman kami ngayon at saka bukas ng mga tropa ko e. Sa susunod na lang,” pagtanggi naman ng lalaki.

“Ganoon ba? S-sige…” malungkot na tugon ni Teresa.

Hindi na lamang pinuna ng asawang babae ang kabiyak. Ayaw na lamang niyang pagsimulan iyon ng away. Lagi na lamang kasing ganoon ang nangyayari.

Ilang buwan pa ang lumipas nagdalangtao si Teresa. Naisip niya baka sa ganoon ay magbago pa ang asawa. Pero sa kasamaang palad, nanganak siya ng mag-isa. Kinailangan pa niyang magbook ng sasakyan upang may maghatid sa ospital dahil nasa inuman ang asawa niya at hindi makontak ang cellphone.

Kumuha ng kasambahay si Teresa na upang tulungan siyang mag-alaga ng sanggol habang ang asawa ay puro pasarap lamang sa buhay.

Isang taon matapos noon, isang malaking oportunidad ang bumukas para sa babae.

“Australia po, sir?” Hindi makapaniwalang tanong ng babae.

“Yes! Ikaw ang napiling ipadala ng company natin doon.”

Advertisement

Agad naman sinabi ni Teresa ang malaking oportunidad na ito sa asawa.

“Wow! Congratulations, babe! Grab the opportunity. Magre-resign na lamang ako sa trabaho para may mag-alaga sa anak natin,” saad naman ng batugang lalaki.

Tumango lang si Teresa at saka yumakap sa asawa. Itinuloy niya ang paglipad patungong ibang bansa.

Sa loob ng tatlong taon, nakapagpundar ng bahay, dalawang lote at dalawang sasakyan si Teresa. Lahat ng luho at materyal na pangangailangan ng mag-ama niya ay naibigay niya. Nakapagpatayo rin siya ng magandang bahay para sa magulang niya.

Dahil sapat na ang ipon upang makapagsimula ulit sa Pilipinas, napagdesisyunan ni Teresa na umuwi na sa sariling bansa. Sabik na sabik na siyang makasama araw-araw ang kaniyang mag-ama.

Pero sa kasamaang palad… wala na siyang asawang inuwian.

“Anong ibig sabihin nito ha? Ang kapal ng mukha mo! Nagpakapagod ako sa ibang bansa para ano?! Sa’yo at sa kabit mo? Ibinahay mo pa rito?! Ang kakapal ng mukha ninyo!” sigaw ni Teresa habang humahagulgol.

“Sorry, babe… magpapaliwanag ako,” sabi ng lalaki. Pero isang malakas na sampal ang tumama sa kaniyang mukha.

Advertisement

Nagpa-annul ng kasal sila Teresa at Bren at kinailangan hatiin ang mga ari-ariang si Teresa lamang ang nagpundar.

Isang taon na pala siyang niloloko ng mister. Pero dahil pagod na ang katawan at puso ay pinili na lamang ni Teresa na manahimik at umiwas sa gulo. Mas nais na lamang niya ngayon ay kapayapaan.

Tuluyan naman nang umalis si Bren at hindi na nagparamdam sa mag-ina.

Ngayon, naghilom na ang sugat sa puso ni Teresa. Hindi kailan man matatapalan ng pera o anumang ari-arian ang kapantagan ng loob na mayroon siya ngayon. Bagama’t hindi pa rin maintindihan kung bakit nangyari sa kaniya iyon, ipinagpapasa-Diyos na lamang niya lahat.

Ngayon ay nagpapatakbo na siya ng sariling negosyo habang pinapalaking mag-isa ang anak. Mahirap man pero mas pipiliin niya iyon kaysa magsilbi sa batugan at manlolokong asawa.

Walang makakapantay sa saya nang mahimbing kang makakatulog sa gabi dahil panatag kang maayos ka at hindi sinasaktan o niloloko ng taong pinagbuhusan ng pagmamahal.