Tila Ba Pinagsakluban ng Langit at Lupa ang Naging Buhay ng Dalaga; Malaking Suwerte Pala ang Naghihintay sa Kaniya

Lumaki si Janeth na kapos sa buhay. Walang-wala sila at tila ba mahirap sa daga, kung tawagin nila. Labandera ang kaniyang ina at magsasaka naman ang kaniyang ama.Kung hindi babad sa initan madalas naman nakalubog sa putikan ang kaniyang magulang. Kung hindi kasi magbabanat ng buto ang mga ito, wala silang kakainin sa araw-araw.

“Janeth, ibigay mo ito sa nanay mo! Sabihin mo galing kay Aling Seda, dagdag iyan sa tanghalian ninyo. Mag-aral mabuti ha?” sabi ng isang kapitbahay na nagpadala ng ulam sa kanila.

Kapag mayroon kasing pagkaing sobra o hindi nauubos, madalas sa kanila ito ibinibigay upang makatulong. Pati na mga sirang gamit na pwedeng kumpunihin ay sa kanila rin ibinibigay.

Tirang pagkain at de lata na malapit nang masira ay diretso na kaagad sa kanilang hapag. Tanggap na lamang nang tanggap ang kaniyang ina dahil na rin saw ala silang kakayahan bumili ng sobra pa sa kanilang kailangan.

“Nay, mukha nang junkshop ang bahay natin sa kakatanggap ninyo ng gamit mula sa kapitbahay. Mga sira naman po iyong iba!” reklamo pa ni Janeth.

“Pasensiya na anak, ha? Walang kakayahan si nanay bumili kasi ng bago, ang mahalaga mayroon tayong nagagamit. Kaya anak, kapag dumating ang araw na umangat ka sa buhay, matuto ka rin magbigay sa iba,” bilin naman ng ginang.

Tila ba gusto takbuhan ni Janeth ang buhay na kinagisnan. Ayaw na ayaw niya ng pakiramdam na ganoon. Bakit nga ba kasi ang hirap maging mahirap sa buhay na ito? Iniisip niya kung bakit ang ibang tao, higit pa sa sobra ang mayroon, pero bakit sila parang laging kulang?

“Ayoko na sa buhay na ito! Ayoko na sa magulang ko! Bakit nila hinayaan maging miserable nang ganito ang buhay namin?!” pagrereklamo ni Janeth. Pero higit sa lahat, galit siya sa kaniyang sarili dahil wala siyang magawa para tumulong sa suliraning pinagdadaanan.

Advertisement

Mainit na kape kung minsan naman ay tinimplang tsokolate ang paboritong iniinom o minsa’y ulam ni Janeth. Masaya na siya sa ganoon. Umagahan, tanghalian, hapunan, lahat iyon kape at mainit na tsokolate ang ulam nilang mag-anak. Nakaktikim lamang sila ng karne kapag may ibinibigay ang kapitbahay na sobra o tirang ulam.

Habang humihigop ng mainit na kape, bigla tila ba may bumbilya na biglang umilaw sa isip ni Janeth.

“Hindi ako maaring sumakabilang buhay na mahirap! Kailangan bago man lang ako mawala ay magawa kong magkapera!” desididong bulong niya sa sarili.

Ang pagiging salat sa buhay ang nakikita ng babae na insipirasyon para makaahon. Sa isip niya, ang pagtatapos sa pag-aaral ang tanging paraan upang makatapos siya sa pag-aaral. Pero dahil sa kahirapan, hindi siya magawang pag-aralin ng magulang.

Tila ba nakikinig naman ang langit sa lahat ng inaing. Isang kamag-anak mula sa siyudad ang kumuha kay Janeth upang makasama sa bahay, kapalit noon ay pag-aaralin siya.

“Hoy Janeth! Pagkatapos mo diyan hugasan mo ‘yung mga plato! Yung labahin huwag isasama ang puti sa de color ha? Pati na rin yung mga aso pakainin mo!” utos ng tiyahin.

“O-opo, tiyang!”

Nag-aaral siya sa umaga, sa gabi, naglilinis ng bahay nila. Kapag walang pasok, naglilinis pa rin siya at gumagawa ng iba pang gawaing bahay. Tila ba katulong ang naging turing sa kaniya, hindi kapamilya.

Advertisement

Apat na taon siyang hindi nakauwi dahil sa pag-aaral at dami ng gawaing bahay na kailangan punan kapalit ng pag-aaral. Dugo’t pawis ang kapalit ng bawat perang lalapat sa kaniyang kamay.

Isang araw tumawag ang kaniyang ama…

“Anak, maaari ka bang magpaalam upang umuwi rito saglit? Ang n-nanay mo k-kasi…”

“Ano po ang nangyari kay inay?”

“Hinika siya kagabi anak, wala na ang nanay mo…”

Natulala sandali si Janeth sa narinig at saka naibagsak ang cell phone na hawak.

“W-wala na si nanay…” napahagulgol na lamang ang dalaga ng malakas.

Para bang pana na tumama sa puso niya ang nangyari. Napakarami pa niyang pangarap sa buhay. Ang dami pa niyang nais bilhin para sa ina. Pero bakit parang ang pait ng pagkakataon sa kaniya? Ano ang gagawin niya ngayon? Paano na lang niya tutuparin ang mga pangarap nilang dalawa?

Advertisement

Sa kabila ng hirap at lungkot, ipinagpatuloy niya ang pag-aaral. Nakapagtapos siya ng Business Administration major in Financial Management.  

Biniyayaan naman siya ng responsableng asawa at mapagmahal na mga anak. Kasama na rin niya ang ama sa tahanan at hindi na kailangan pang maputikan ang mga paa’t kamay dahil kahit papaano’y nakaahon na sila sa hirap.

Masaya si Janeth dahil malayong-malayo ang buhay ng mga anak niya sa buhay na kinamulatan dati. Totoo nga ang kasabihan na mayroong bahaghari pagkatapos ng ulan. Minsan mahirap ang buhay, at ang hinaharap ay minsan malabo rin. Ang mahalaga ay ‘wag mawalan ng pag-asa at laging manampalataya. Palaging isipin na may magandang umagang parating. Kung sasamahan ng dasal ang pagsisikap, walang hindi kakayanin.

“’Nay, natupad ko na ang mga pangarap natin. Sana proud ka sa akin. Gabayan mo kami palagi…” mahinang bulong ni Janeth habang ang malamig na hangi’y humahaplos sa kaniyang balat na tila ba ay niyayakap siya ng ina.