Mortal na Magkaaway ang Dalawang Matanda; Isang Sakuna Lang Pala ang Magiging Daan sa Pagkakaintindihan

“Mga kabaranggay, huwag po tayong mag-alala dahil maya-maya lang ay babalik na rin ang kuryente sa ating lugar. Mag-ingat lang po at siguraduhing tanggalin ang mga nakasaksak,” anunsyo ng butihing kapitana ng barangay na si Manang Olivia.

“Hmp! Dapat talaga ay matagal nang isinaayos iyang buhol-buhol na mga kawad ng kable! Kaya tuloy laging nagkakablack-out eh, pwe!” sabi ni Manang Cecilia saka inutusan ang apo na isara ang kuntador ng kanilang kuryente.

“Eh lola, bakit ba ang init lagi ng ulo mo kay kapitana? Maganda naman siya magpalakad ah, balita ko nga dati ay bespren pa kayo aw!” napahiyaw na lang si Joana nang kurutin siya sa singit ng ginang.

“Heh! Naku ang batang ito oo, halina sa labas at napakainit! Sabi ni Manang Cecilia bilang pag-iwas sa sensitibong usapan.

Alam na alam sa buong barangay na siya ang numero unong tagabatikos ni Manang Olivia na matagal nang kawani sa kanilang barangay. Ang sabi-sabi ay mag-bespren nga daw ang dalawa noong mga kabataan ng mga ito ngunit isang pangyayari ang naganap na nagresulta sa pagiging mortal na magkaaway nila.

Habang hinihintay na bumalik ang kuryente ay napatambay na lang si Joana sa tindahan ni Aling Pasing.

“Alam niyo po ba kung anong pinag-awayan ni lola at ni kapitana, Aling Pasing?” natanong ng dalaga.

“Atin-atin lang ah, pero ang pagkakaalala ko noon, pareho ang dalawang iyan na maraming pinaglalaban sa buhay. Etong si lola mong si Cecilia ay pumasok sa politika para matulungan ang mga kabarangay natin. Suportado naman siya ni Olivia dahil nga matalik na magkaibigan sila. Ngunit noong malapit na ang eleksyon ay may lumabas na katiwalian at nadawit ang pangalan ni Cecilia. Natalo ang lola mo sa eleksyon, tapos ang pumutok na chismis ay si Olivia daw ang taksil na nagdawit sa pangalan ng lola mo. Simula noon ay ayaw na ni Cecilia sa politika at galit nag alit nga kay Olivia. Nagalit din si Olivia dahil hindi siya pinagkakatiwalaan ng kaibigan kaya tinanggap nito ang alok na pumalit sa posisyon sa barangay na iniwan ni Cecilia. Hindi nagkaliwanagan iyang dalawa kaya hanggang ngayon ay may tanim na sama ng loob sa isa’t isa,” mahabang kwento ni Aling Pasing.

Advertisement

Namangha naman si Joana sa lahat ng mga nalaman. Pupuntahan niya sana ang lola upang kumpirmahin ang kwento ngunit nagulat siya nang makarinig ng malalakas na sigawan.

“Sunog! Sunog!” natatarantang nakisabay na sa pagtakbo si Joana papunta sa kanilang bahay. Nanlaki ang mata niya nang makitang lumalagablab ang bubong nila.

“Lola Cecilia! Lola!” malakas niyang sigaw. Nagulat siya nang may humila sa kaniya. Tila ba nawala ang pag-aalala niya nang makitang ang Lola Cecilia niya iyon. Agad nagyakapan ang mag-lola at mabilis na pumunta sa ligtas na lugar. Sa kabutihang palad ay kaunting mga bahay lang ang napinsala ng sunog.

“Nasaan na ‘yang si Olivia?!” sabi ni Manang Cecilia pagdating nila sa harap ng barangay court kung saan nagtipon ang mga tao.         

“La, hindi naman po kasalanan ni Kapitana Olivia ang sunog! Maghunus-dili po kayo! Alam ko pong may sama kayo ng loob sa kaniya dahil sa nakaraan pero—“

“Naku huwag mo ko pigilan, may mahalaga akong sasabihin sa kaniya! Hindi aksidente ang sunog at kilala ko kung sino ang gumawa noon,” sabi nito na ikinagulat ni Joana.

Sinamahan niya ang lola at nakipag-usap ito kay Kapitana Olivia.

“Matagal tayong hindi nag-usap at gagawin ko lang ito dahil may tunay akong malasakit sa kapwa ko kabarangay,” sabi ni Manang Cecilia. At ikinuwento nga ng matanda ang nangyari. Bumalik daw ito sa bahay upang uminom ng tubig nang marinig ang isang lalaki na may kausap sa telepono.

Advertisement

“Opo Mr. Ramirez, sisimulan ko na po dito sa bahay nila Manang Cecilia para siguradong sunog lahat ng bahay. Tiyak pagbibintangan ng matanda si Kapitana Olivia dahil mortal na magkaaway ang mga iyon,” sabi ng pamilyar na tinig na walang iba kundi si Mang Cardo, na matagal na ring kagawad sa kanilang barangay.

Agad kinompronta ni Kapitana Olivia si Mang Cardo at umamin nga ito sa ginawa dahil marami ring tumestigo. Si Mr. Ramirez ay isang negosyante na matagal nang umaaligid sa kanilang barangay. Nais nitong makuha ang kanilang lupa upang pagpatayuan ng subdivision, at tinangka na nitong suhulan ang ilan sa mga residente ngunit walang may gustong magbenta. Kahit na iskwater lang sila doon ay wala pa ring karapatan si Mr. Ramirez na magpasimula ng sunog dahil kung sakali ay baka buhay pa ang nawala. Nilaban ni Kapitana Olivia ang kaso kaya tuluyang nakulong si Mr. Ramirez at Mang Cardo. Nagtulungan ang mga magkakabranggay para matulungan ang mga nasunugan kasama na sina Manang Cecilia.

“Maraming salamat sa tulong mo sa kaso Cecilia. Pinapangako kong gagawin ko lahat para matulungan kayo at iba pa. Patawad din sa hindi ko pagkausap sa’yo ng mahabang panahon, nagalit lang kasi ako noon dahil hindi ka nagtiwalang ‘di ko kayang gawin ang mga ibinibintang sa akin,” sabi ni Kapitana Olivia. “Ako ang dapat humingi ng tawad sa’yo Olivia. Imbes na magtiwala at pakinggan ka ay tumalon kaagad ako sa konklusyon. Sana ay maibalik pa ang pagkakaibigan natin,” sabi ni Manang Cecilia. Nagyakapan ang dalawang matanda. Muling bumalik ang kanilang pagkakaibigan na minsang sinira ng chismis at kawalan ng pagtitiwala. Tunay ngang ang mga bagay na ito ang pinakamahalagang pundasyon sa kahit anong relasyon.