May Nagnakaw ng Pinakaiingatang Singsing ng Ama; Nagkagulo ang Buong Pamilya at Maraming Nasiwalat na Sikreto

May Nagnakaw ng Pinakaiingatang Singsing ng Ama; Nagkagulo ang Buong Pamilya at Maraming Nasiwalat na Sikreto

FamilyHeartbreakingStories

“Sino ang kumuha ng singsing ko?! Umamin na kayo!” dagundong ang boses ng padre de pamilya na si Marcel. Umagang-umaga ay maririnig ang malakas na komosyon mula sa sala ng pamilya Gomez.

“Hindi kaya naiwala mo kung saan, pangga? Wala naman sigurong kukuha…” sabi ng maybahay na si Lani na sinusubukang pakalmahin ang asawa.

“Paano mawawala eh kagabi lamang ay sigurado akong suot ko pa iyon? Umamin na kayo! Ikaw, Mario, siguradong ‘di mo nakita?” sabi ni Marcel sa kapatid na doon din muna nakitutuloy sa kanilang bahay.

“Kuya naman! Pinagbibintangan mo ba ako?” pagdepensa ng bente singko anyos na lalaki. Alam kasi ni Marcel na may sakit ngayon ang asawa nito at nasa ospital. Ayaw dito ng pamilya ng babae kaya’t sa bahay muna nila ito nakikituloy.

“Ikaw Carlo?” tanong ni Marcel sa binatang anak. Ngunit tila walang narinig na nagpatuloy lang ito sa pagkain ng umagahan. Akmang hahaklitin ni Marcel ang nakapasak sa tenga ng anak nang awatin ni Lani.

“Alis na ‘ko,” sabi ni Carlo. Naiwan ang ama na namumula sa galit. “Bastos na batang iyon! Wala na ngang silbi rito sa bahay ay ganyan pa ang ugali, dahil iyan sa kakakunsinti mo eh! Mamayang gabi at wala pa ring umamin sa inyo ay makikita niyo!” malakas na pagbabanta nito bago umalis upang pumunta sa sugalan. Pensyonado si Marcel kaya’t wala masyadong inaasikaso sa buhay maliban na lang sa pagma-mahjong. Noon ay may interest ito sa pagpipinta at medyo sikat sa larangan ngunit ngayon ay tila ba walang direksyon ang buhay. Laging wala sa bahay at bugnutin.

Madalas malungkot sa bahay ngunit nang gabing iyon, isang gulo ang pumutok. Naghihintay sa sala si Marcel nang dumating ang anak na si Carlo na lango sa alak. Nang sinubukan niyang tanungin muli ito tungkol sa singsing na nawawala ay bigla itong nagpumiglas at sumabog ang hinanakit na matagal nang kinikimkim.

“Di mo man lang ako tatanungin saan ako galing, ha?! Wala ka rin namang pake sa’kin, anong pake ko sa singsing mo?” sabi ng binata sa pasigaw at nanginginig na tinig. Akmang susuntukin ito ni Marcel kung hindi lang naawat ng kapatid na si Mario. Ito naman ang sunod na pinagbuntunan ni Marcel dahil sa galit. Puro pambibintang at masasakit na salita ang binato nito sa kapatid, kesyo pabigat ito at tangka pa siyang nakawan.

“Grabe ka naman kuya! Akala mo ba gusto ko tumira dito at makipisan sa inyo? Nahihiya rin ako! Gusto ko nang umalis pero pinigilan lang ako ni Ate Lani dahil nag-aalala siya para sa’yo!” sabi ni Mario na ikinagilit muli ni Marcel. Sa gitna ng kaguluhan ay nagulat ng lahat nang biglang sumigaw ang maybahay na si Lani.

“Tama na! Ako Marcel, ako ang kumuha sa singsing mo! Akala mo ba ‘di ko na tuwing gabi ay dinadasalan mo ang wedding ring mo sa dati mong asawa? Simula nang pumanaw si Ana ay siya pa rin ang nasa puso mo! Paano naman ako? Kami ng mga anak mo na walang maamot ni katiting na init sa’yo!” bumuhos ang luha ni Lani sa isiniwalat na rebelasyon. Napuno ng katahimikan ang buong sala at isa-isang nagsialisan ang lahat, naiwan si Marcel na hunghang ang pakiramdam.

Kinabukasan natagpuan niyang walang tao sa bahay. Bihira siyang umiyak sa buhay niya ngunit nang mga panahong iyon ay tumulo ang kaniyang mga luha. Nagsisisi siya dahil sa mga napagtanto niya buong gabi ang kaniyang mga kamalian. Hindi siya naging mabuting ama, asawa, at kapatid dahil nakakulong siya sa lungkot sa pagpanaw ng kaniyang yumaong asawa.

Kahit matagal na ang pangyayaring iyon at nakapag-asawa na siyang muli, napagtanto niyang nakakulong pa rin siya sa sugat na iniwan niyon. Dati ay likas siyang maalagain at masayahing tao. Mahilig siyang magpinta dahil inspirasyon niya ang mahal. Ngunit bigla na lang itong kinuha ng Diyos. Akala niya ay nakausad na siya kaya’t pinakasalan niya si Lani at nagkaanak nga sila. Ngunit hindi niya namalayang pati pala ang mga tao sa paligid niya ay pinapasan ang kaniyang hinanakit.

Nagpasya si Marcel na hanapin ang kaniyang mag-iina. Nang magtagpo silang muli ay humingi siya ng tawad sa asawang si Lani at anak na si Carlo. Nangakong magbabago at magsisimula muli. Pinuntahan niya ang asawa ni Mario upang tulungan ito sa pagpapaospital nito para naman makabawi sa kapatid na si Mario.

Nang matapos ang lahat ng iyon ay pumunta si Marcel sa puntod ng namayapang asawa. Nagpasya siyang lalaya na siya sa nakaraan at pipiliing mabuhay sa kasalukuyan. Sa buhay, ang ngayon ang pinakamahalaga at hindi ang nakaraan o kinabukasan.

More Stories