Tumigil sa Pag-aaral ang Ate Para sa mga Kapatid; Saan Kaya Makakarating ang Kaniyang Pudpod na Sapatos?

Tumigil sa Pag-aaral ang Ate Para sa mga Kapatid; Saan Kaya Makakarating ang Kaniyang Pudpod na Sapatos?

FamilyInspiringStories

“Congratulations Lindon!” sigaw ni Mel at kapatid na Joy sabay labas ng cake na kanilang binili. Araw ng pagtatapos ng kanilang bunsong kapatid kasi nnang araw na iyon. Proud na proud si Mel sa kapatid dahil umakyat pa siya ng stage para lang sabitan ito ng medalya. Natutuwa siya kasi kahit tatlo na lang silang magkakatuwang sa buhay ay ni minsan hindi siya binigyan ng sakit ng ulo ng mga kapatid.

“Wow! Maraming salamat Ate Mel sa cake! Binilhan niyo na nga po ako ng bagong sapatos tapos ngayon may cake pa! I love you mga ate!” sabi ni Lindon. Busog na busog ang puso ni Mel nang gabing iyon. Sa panalangin niya ay hinihiling niya sa Diyos na sana ay bigyan pa siya ng lakas. Kaunti pa. Si Joy ay magtatapos na ng hayskul habang si Lindon ay papasok pa lang. Kailangan niya lalong magsikap para makapagtapos ang mga nakababatang kapatid.

Kinabukasan, madilim pa ngunit gising na siya. Inihanda niya ang almusal ng mga kapatid at naghanda papasok sa trabaho. Nang isusuot na niya ang sapatos, napansin niyang pudpod na ang swelas noon. Niremedyuhan niya na lang para kahit papaano ay magamit niya pa. Kaya siya maagang-maaga gumising ay dahil kailangan niya pang maglakad papasok. Ang pinambili niya kasing regaling sapatos at cake kay Lindon ay ang kaniya sanang pamasahe sa mga susunod na araw. Di bale na, at malapit na naman ang sweldo, sa isip-isip niya.

Sa mga sumunod na araw ay naglalakad ng napakalayo si Mel papasok at pauwi galing sa trabaho sa pabrika. Ngunit hindi niya alintana iyon dahil mahal niya ang mga kapatid. Simula nang maghiwalay ang kanilang mga magulang ay tila ba wala na rin itong pakialam sa kanila. May kani-kaniya na itong buhay sa abroad habang sila ay walang kamag-anak na gustong pumas an. Kaya nagpasya si Mel na tumigil na matapos sa hayskul at magtrabaho na lang para sa mga kapatid. Simula noon ay ama’t ina na ang papel niya sa pamilya.

Makalipas ang marmaing taon, nagbunga naman ang kaniyang mga pagsisikap. Si Joy ay naging isang ganap na engineer at may sarili nang pamilya, habang si Lindon naman ay kakapasa lang bilang isang guro.

Kahit na ganoon ay hindi nakalimot ang dalawa niyang kapatid. ‘Di tulad ng kanilang mga magulang na basta na lang siyang iniwan, ang mga ito ay palaging nasa tabi niya. Excited siya ng araw na iyon dahil magkikita sila dahil kaarawan niya. Ngunit bumagsak ang kaniyang balikat nang biglang tumawag si Joy pati na si Lindon na hindi daw makakapunta ang mga ito dahil may ibang lakad.

“Ah ganoon ba? Ah, eh sige… ingat kayo ha,” malungkot na sambit ni Mel pagkababa sa telepono.

Tulad ng nakagawian, naglakad na lang siya papunta sa ampunan kung saan lagi siyang nagdiriwang ng kaarawan. Bitbit niya ang mga regaling binalot nila ni Joy at Lindon. Pagdating doon ay nagtaka siya dahil walang mga batang nagtatakbuhan sa bakuran. Tumuloy siya sa likod bahay at nagulat siya sa sorpresang naghihintay sa kaniya.

“Happy birthday Ate Mel!!” malakas na hiyawan ng mga taong naroon. Kaniya-kaniyang takbuhan ang mga bata para yakapin siya. Naiyak siya nang makitang naroon din sina Joy at Lindon. Balak pala ng mga ito na sorpresahin siya! May humila sa kaniya paupo sa isang upuan sa may gitna ng hardin . Unang lumapit sa kaniya si Joy at saka nag-abot ng bulaklak.

“Alam ko ateng maraming nanligaw sa iyo noon ngunit hindi ka maka-oo dahil sa amin. Minsan po nalulungkot ako dahil doon pero gusto ko pong malaman niyo na mahal na mahal po namin kayo! Hindi ka pa huli sa byahe ate, wag mo na kami alalahanin ni Lindon,” sabi nito sabay kindat. Namula naman ang mukha ni Mel dahil sa sinabi nito.

Sunod na lumapit si Lindon na may dalang isang box. Lumuhod ito sa harap niya at hinubad ang kaniyang sapatos na pudpod ang swelas.

“Hanggang ngayon ate ay pudpod na sapatos pa rin ang suot mo. Alam kong tanda ito na mas lagi mong inuuna ang iba kaysa sa sarili mo. Hiling ko lang ngayong kaarawan mo na sana hayaan mo kami ni Ate Joy na alagaan ka pa ng maraming taon gaya ng ginawa mo sa amin,” sabi ni Lindon saka isinuot kay Mel ang bagong sandalyas galing sa box.

Naluha naman si Mel sa ginawa ng mga kapatid. Tuwang-tuwa ang mga bata sa regalo, at gayundin ang lahat ng naroroon. Tunay na nakakataba ng puso ang makakita ng mga taong nagmamahalan ng buong puso at ang pamilya nila Mel ang halimbawa noon. Hindi man perpekto ang mga sitwasyong binigay sa atin ng Diyos, kaya pa rin nating bumangon basta unahin ang malasakit sa mga taong mahal natin. Sa huli, Siya ang magbibigay ng pabuya sa atin – siksik, liglig, at nag-uumapaw pa.

More Stories