
SeaManloloko ang Papa Ko
Dalawang taon na ang nakalipas mula nang mangibang bansa ang nanay ni Angela. Labing siyam na taong gulang na ang dalaga at kasalukuyang nag-aaral sa kolehiyo.
Masama ang loob niya. Kasi naman ay lumaki siyang ganito na nanay niya ang kanyang kasama kaya hindi niya maunawaan kung bakit nagbago ang ikot ng mundo. Ang kanyang ama na dating seaman at bumubuhay sa kanila ay sa bahay na lamang. Misis na ngayon ang kumakayod.
“Ma, kailan ka ba kasi uuwi? Ayokong kasama si Papa,” nakasimangot na wika niya sa telepono.
“Konting tiis nalang anak. Malay mo payagan ako ng amo ko na magbakasyon,” sabi nito sa kabilang linya.
“Bakit kasi ikaw pa ang umalis? Di ba okay naman tayo nung seaman si papa? Bakit tumigil siya? Mas sanay akong tumatanggap lang ng pera sa kanya.” dire-diretsong wika niya. Totoo naman iyon, dahil mas madalas na nasa ibang bansa ang lalaki ay malayo ang loob niya rito.
Narinig niyang bumuntong hininga ang kanyang nanay, “May mga bagay na kailangang gawin para sa pamilya anak. Unawain mo nalang muna kami ng papa mo ha?”
Sa sobrang inis ay di na siya sumagot pa at basta na lamang itong binabaan ng telepono. Kakairita talaga, tuwing magtatanong siya ay ganoon lagi ang sagot.
“Nak, nakausap mo si mama?” nakangiti namang sabi ng kanyang ama, kababalik lang nito mula sa labas at may bitbit na pandesal. Alas otso palang ng umaga.
Inirapan niya ang lalaki, “Ano iyang dala mo?”
Medyo naiilang namang iniangat nito ang supot, “Tinapay. Tsaka 3 in 1 na kape. Nagpainit na ako ng tubig kanina.”
“Pag si mama ang nandito may sinangag pa, bwisit.” bulong niya. Narinig siya ni Dino pero hindi na ito nagsalita pa. Nauunawaan naman nitong hindi ganoon kalapit ang loob ng anak rito, ilang taon rin kasi ang pagkakahiwalay nila.
Palaging ganoon kung kausapin ni Angela ang ama, ni hindi nangongopo ang dalaga. Ayaw na ayaw niya rin kapag sinusubukan nitong makipagkwentuhan sa kanya. Sinasabihan niya itong baduy at kulang sa pansin.
Isang hapon, kauuwi lamang ni Angela mula sa eskwela nang maabutan niya ang ama na nagsi-siyesta sa sofa.
Inilapag niya ang bag sa isang gilid at aakyat na sana sa itaas nang magsalita ang lalaki. Hindi niya masyadong maunawaan ang sinasabi nito.
“Ano’ng sabi mo?” tanong niya pero natigilan nang masulyapang nakapikit pa rin ang lalaki. Ibig sabihin, nananaginip ito.
“Cindy. Love kita…” bulong nito sa hangin.
Nalaglag ang panga ni Angela, hiningal siya sa sobrang galit. Sobrang kapal ng mukha!
Mama niya na nga ang naghahanapbuhay ay may pa-Cindy-Cindy pang nalalaman ang lalaki! Nagawa pang maghanap ng kalaguyo. Palamunin na nga ay manloloko pa!
Sa sobrang inis niya ay sinipa niya ang gilid ng sofang kinahihigaan nito. Napabalikwas si Dino.
“N-Nak! Kanina ka pa? Teka at ipaghahanda kita ng meryenda. Pasensya ka na nakatulog ako,” sabi nito, kinusot-kusot pa ang mga mata. “Nagpagawa kasi ng TV si pareng Intoy. Buti nga ay may alam ako sa electronics kahit paano-”
“P*tang ina mo!” sigaw niya.
Nawala ang kulay sa mukha ni Dino nang marinig ang sinabi ng anak. Alam niya namang malaki ang pagkukulang niya sa dalaga pero napakasakit bilang ama ang murahin nito. Napakalaking pitak sa pagkatao niya.
Hindi nakapagsalita ang lalaki, nasasaktan lamang na napatingin kay Angela.
“Ano? Nagtataka ka pa? Nahuhuli ang isda sa sariling bunganga! Kapal ng mukha mo, palamunin kana ni mama nagagawa mo pang maggago!”
“Ano’ng ibig mong-“
“Anak ng p*ta, magmamaang maangan pa! Alam mo, sana hindi kana umuwi. Sana magkasama kami ni mama tapos ikaw dapat tumalon kana lang sa barko at nagpakalunod! Letse ka!” galit na galit na sabi ni Angela bago patakbong lumabas ng bahay.
Nagpalipas muna siya ng oras sa bahay ng isang kaibigan, pag uwi niya kinagabihan ay ganoon na lamang ang kabog ng dibdib niya dahil maraming tao sa bahay nila.
Inatake sa puso ang kanyang ama.
Napauwi ng di oras ang kanyang ina at ngayon ay magkahawak kamay silang pinapanood ang mga doktor sa pagre-revive sa lalaki. Ilang araw na itong naka-confine sa ospital pero hindi pa rin nagkakamalay hanggang kanina nga, bumagsak na ang rate ng puso nito.
“A-Ano ba kasing nangyari? Bakit naman.. nagkaganyan ang papa mo?” hirap na hirap magsalita ang kanyang ina dahil mas nakalalamang ang mga hikbi nito.
“Narinig ko kasi siyang may babae Ma, kaya nag away kami.” masikip rin ang dibdib na wika niya.
Natitigan siya ng ginang kaya muling nagsalita si Angela, “Tulog siya noong hapong iyon tapos may tinawag siyang pangalan. Sabi niya, love niya raw iyong ‘Cindy’. Kaya nagalit ako kasi nagloloko pa, pinagmumura ko siya.” Ayaw mang aminin ng dalaga pero kinakalkal ng konsensya ang puso niya.
Nagulat pa siya nang napahawak sa dibdib ang kanyang mama,kasunod ay napaiyak na ito ng malakas. “Hindi nambababae ang papa mo! Ikaw si Cindy!” rebelasyon nito na ikinatanga niya.
“Hindi mo na natatandaan pero, 3 years old ka palang ay mahilig kana kay Cinderella. Iyon na nga ang naging palayaw sayo ng papa mo. Tuwang tuwa ka kasi noon. Di ko alam Nak, kung kailan nagsimulang lumayo ang loob mo.
Dahil ba ako ang nag abroad? May sakit sa puso ang papa mo kaya di na makapagbarko. Sumobra siya sa pagtatrabaho mapag-aral ka lang. Mabigyan lang tayo ng magandang buhay.” madamdaming wika nito.
Nangangatog si Angela, siya pala ang tinatawag ng kanyang ama sa panaginip nito.
Ganoon siya kamahal ng lalaki na kahit tulog ay siya pa rin ang iniisip. Kahit pa puro kagaspangan ang ipinakita niya rito.
Mabilis gumuhit sa dibdib niya ang pagsisisi, sobrang sakit na di niya na mapigilang sumigaw.
“Papa! Patawarin mo ako!” pinigilan siya ng mga nurse dahil nagtangka siyang lumapit rito.
Nang hindi makawala ay nagsalita na lamang siya, “Papa, gising kana. Sorry na. Mahal kita Papa..sorry na.” paulit-ulit na wika niya.
Akala niya ay huli na ang lahat. Halos iuntog niya nalang ang ulo sa pader pero mabait pa rin ang Diyos.
Biglang tumigil ang doktor at tumunog nang muli ang monitor tanda na tumitibok na muli ang puso ng kanyang ama. Nang marinig ng lalaki ang kanyang boses ay lumaban ito.
Makalipas ang ilang araw ay nagkamalay rin si Dino. Anong ligaya niya dahil ang nakangiting misis at anak ang sumalubong sa kanya.
“Cindy ko,” haplos niya pa sa mukha ni Angela.
Niyakap naman ng dalaga ang ama. Mula noon ay bumawi siya rito. Pinunan nila ang ilang taong nawala. Sinuwerte silang nakaipon na kahit paano ang kanyang ina kaya nagnegosyo na lamang ito sa Pinas. Hindi na kasing rangya ang buhay kumpara noong nagsi-seaman pa ang papa niya pero para kay Angela, ang tunay na kayamanan ay ang kanyang pamilya.
Kahit kailan ay hindi pa huli ang lahat para magsisi sa mga kasalanan. Lumapit lamang sa Diyos at tiyak na diringgin ang hiling ng ating mga puso.