
Alipunga ni Lola
Ipinanganak na mayaman si Katherine. Maganda kasi ang takbo ng negosyo ng kanyang ama. Nag-aaral siya sa ekslusibong paaralan habang ang mommy niya naman ay simpleng may bahay lang. Sa kanila pa nakatira ang kanyang lola Edith.
Kung tutuusin, wala na siyang mahihiling pa. Pero nagbago ang lahat nang maloko sa sugal ang daddy niya. Wala silang kaalam-alam na itinaya nito ang lahat ng ipon, negosyo at maging ang titulo ng bahay nila. Nang hindi na makayanan ng lalaki ang problema ay inatake ito sa puso at mabilis ring binawian ng buhay.
Masakit na ngang mawalan ng ama, mas masakit pa ang naiwang pagkalaki-laking utang na dapat mabayaran nila. Kaya ang mommy niya kahit na hindi sanay maghanapbuhay ay walang choice kundi mag-apply ng trabaho. Buti ay natanggap ito sa isang opisina.
“Mom, kanina po pala nalaglag ang cellphone ko mula sa bag. Medyo nabasag po ang gilid.” kwento niya habang nasa hapag kainan silang tatlo.
Medyo napapalingon pa nga siya sa kanyang lola Edith na hirap na hirap maghimay ng isdang galunggong. Kahit kasi may ilaw sa kanilang munting barung-barong ay madilim pa rin, kapirasong bumbilya lang kasi iyon. Mahal ang kuryente kung kukuha sila ng mahaba at maliwanag.
Sinulyapan lang siya ng kanyang ina, “Gumagana pa naman ba?”
Kibit-balikat na tumango siya. “Yes, pero nakakahiya namang ilabas sa mga classmate ko hindi ba? Kung.. alam mo na kung basag ang gilid.”
“Katherine you know we can’t afford to buy a new one. Ni hindi nga tayo makaupa sa disenteng tirahan dahil ang sweldo ko napupunta lang sa pambayad ng utang.”
Hindi nalang siya umimik dahil mainit ang ulo ng kanyang ina. Lagi na itong ganoon mula nang bumagsak sila. Kaya lang syempre, nagngingitngit ang kanyang kalooban. Pinagtawanan na nga siya ng mga dati niyang kaibigan dahil lumipat siya sa public school eh.
Kahit man lang sana sa mga bago niyang kaklase ay mabawi niya ang kanyang pride at makapagyabang.
Kaya nga nang makantsawan siya ng mga kamag-aral tungkol sa nalalapit niyang kaarawan ay walang alinlangan siyang nagyaya.
“Oo naman! Maliit nga lang ang house namin ha? Temporary lang naman kasi pinapagawa pa yung malaki naming bahay. Alam ninyo na, malaki ang expenses sa construction kaya nag-settle kami sa mumurahing apartment. Pero sige, I’ll tell my mommy.”
Pero ang totoo, di niya na binanggit sa kanyang ina. Sigurado naman kasing tututol lang ang ale. Bahala na si Batman kapag sumulpot ang mga kaklase niya sa bahay. Wala namang magagawa ang mommy niya kundi bumili ng handa diba?
Mabilis lumipas ang mga araw at birthday na ni Katherine. Nag halfday ang mommy niya sa opisina at pag uwi ay may bitbit na pancit na sapat lamang para sa kanilang tatlo. Kaya nga natigilan ito nang makita ang walo niyang kaklase na nagkasya sa maliit nilang salas.
“Hello po tita, kumusta po?” bati ng mga ito.
Alanganin nitong tinanguan ang mga kabataan tapos ay sinenyasang lumapit ang anak.
“Inimbitahan mo sila?”
“Yes Mom, bili nalang tayo ng cake at pangluto ng spaghetti. Makakapaghintay naman sila.”
“Kath, wala tayong pambili. Nak naman eh, sana naiintindihan mo. Gustuhin ko man wala talaga eh.” halos magmaktol nang sabi ng kanyang ina.
“Mom it’s my birthday! Wala na nga kayong regalo sa akin-”
“Hep. Tama na iyan, may regalo ako sa magandang apo kong iyan!” pukaw ni lola Edith sa lahat. Napupuno na kasi ng tensyon ang paligid dahil sa argumento ng mag ina.
Kinuha nito ang isang kahon kaya napatingin ang kanyang mga kaklase. Inabot nito iyon sa kanya, “Siya, buksan mo na prinsesa ko.”
Mapapangiti na sana muli ang dalaga pero lalo lang siyang nalubog sa kahihiyan nang makita ang laman noon.
Isang mumurahin, at de-pindot na cellphone na mukhang binili sa pipitsuging tindahan ng gadget sa palengke!
Nabitawan niya ang kahon dahil nangangatog na siya, nakakahiya!
Sa pagkabitaw niya ay nabagsakan noon ang paa ng kanyang lola, na nang matitigan nilang magkakaklase ay puno ng sugat at alipunga.
“Naku pasensya kana-“
“Tama na! Pinapahiya niyo ko! Kayong dalawa ni Mommy! Birthday ko pa naman at ito ang regalo ninyo, kahihiyan!” umiiyak na sabi niya bago nagtatakbo palabas.
Humagulgol lang siya nang humagulgol. Kung buhay pa ang daddy niya ay tiyak na di niya mararanasan ito. Sa bangketa na siya nagpaabot ng dilim. Hangga’t maaari nga ay ayaw niya na sanang umuwi kung hindi lang siya natatakot sa lansangan.
Nasa sakayan na siya ng tricycle sa bukana ng kanilang eskinita nang masalubong niya ang isang ale. Tinititigan kasi siya nito kaya napukaw ang kanyang atensyon.
“I-Ikaw ba si Katherine?” tanong nito. May balabal ang ale, tanda na isa itong Muslim.
Nag-aalinlangan mang sumagot dahil di niya ito kilala ay parang may nag-udyok naman sa kanya. “Bakit ho ninyo naitanong?”
“Apo ka ni Lola Edith ano? Sabi na nga ba eh, natatandaan kita kasi kahawig mo iyong larawan sa pitaka niya.” napapitik pa sa ere na wika nito.
Nang hindi siya sumagot ay muling nagsalita ang ale, “Ano kasi. Kanina pa nga ako paikot-ikot rito. Nang magtanung-tanong ako ay wala namang makapagturo ng inyo.”
“B-Bagong lipat lang ho kasi kami. Bakit po ninyo hinahanap ang lola ko?”
Iniabot ng babae sa kanya ang kapirasong papel. “Resibo yan neng. Sa akin bumili ng cellphone si Lola, e baka pag nasira hindi tanggapin ang warranty lang. Naiwan niya iyang resibo. May pwesto ako sa palengke kaya lang minsan ay umuuwi ako sa probinsya. Kaya alam mo na, baka ma-tyempo na tindero ko lang ang naroon.
Ay alam mo, kay ganda mo pala talaga sa personal ano? Tama ang lola mo. Lab na lab ka talaga noon. Mantakin mong Linggu-linggo niyang hinulugan ang cellphone para lang masiguro na di na mapupunta sa iba. Umextra pa siyang tindera ng isda sa palengke para makabayad.”
Sa narinig ay natulala si Katherine. Nayanig ang mundo niya, ni hindi niya na nga namalayang nagpaalam na ang ale.
Nangangatog na sinulayapan niya ang resibo, 2500.
Maliit na halaga para sa kanya pero pinaghirapan ng kanyang lola. Ang kanyang lola Edith, na kahit nahihirapan ay di pa rin sumuko at pilit na gumagawa ng paraan para mapangiti siya. Hindi ito sanay maghanapbuhay kaya nga nagkasugat-sugat na ang paa kumita lang.
Ang kanyang lola Edith na nasaktan niya kanina.
Mabilis siyang tumakbo pauwi at nang makapasok sa bahay ay niyakap ang kanyang mommy at lola.
“Pasensya kana kung-“
“Hindi po. Sorry po Mom, Lola. Sorry kung selfish ako. Naisip ko po na natanggap ko na ang pinakamagandang regalo ngayong birthday ko. Hindi ang mamahaling cellphone, kundi kayong dalawa. Ang pagmamahal po at pag aalaga ninyo ay sobrang laking blessing na.”
Umiiyak na muling nagyakap ang tatlo.
Mula noon ay hindi na ikinahiya pa ni Katherine ang katayuan nila sa buhay, bagkus ay nagsikap siya upang umangat sila.
Nag-aral siyang mabuti at nang makatapos ay nag ipon agad. Ngayon ay may sarili na silang bahay, kotse at may negosyo pa. Bumawi siya sa kanyang ina at lola, siniguro niyang laging maginhawa ang dalawa.