Inday TrendingInday Trending
Kalingang Tunay

Kalingang Tunay

Alas kwatro palang ng umaga ay maaamoy na sa buong kabahayan ang bango ng sinangag. Tinernuhan pa iyon ng halimuyak ng masarap na kape. Handa na ang mga pinggan sa mesa, habang abala sa pagluluto si Celia.

Sinulyapan niya sandali ang orasan at isinalin na ang niluluto. Pinunasan niya ang pawis na tumagaktak dahil sa pagkadarang niya sa apoy pagkatapos ay nagtungo na sa kwarto.

“Nak, gising na. 4:30 na,” tawag niya kay Mildred.

“Gising napo. Nagmumuni-muni lang.” narinig niyang wika nito mula sa loob.

Disi-nuwebe anyos ang dalaga at nag-aaral ng kolehiyo. Sa Valenzuela sila nakatira at medyo malayo pa ang iba-byahe nito kaya maaga kung gumising. Nabanggit pa nga nitong may exam raw ngayong araw kaya sinadya ni Celia na maraming pagkain ang ihain. Aba, kailangan may laman ang utak.

Magaling pa naman sa eskwela si Mildred. Nangunguna ito sa klase kaya nga tuwang-tuwa siya.

“Good morning ‘Nay!” sabi ng dalaga. Hinalikan siya nito sa noo bago naupo.

“Naku, ang ganda ng gising ng dalaginding ko ah. Siguro ito, napanaginipan ang crush.” ginigigis na biro niya. Ganoon sila ni Mildred, parang magkaibigan lang.

“Ang nanay naman, di ba nga hindi ko na siya crush? Kasi mayabang masyado tsaka babaero.” paalala nito sa kanya.

“Ay oo nga pala. Hayaan mo na iyon. Sa ganda mong iyan Nak, tiyak kong marami pa ang pipila lalo kapag naka-graduate kana. Sige na, kain na nang kain.”

“Sabay na tayo Nay?” yaya nito.

“Nabusog na ako katitikim kung masarap ba ang sinangag.” tatawa-tawang sabi niya.

Nagkibit-balikat lang ito at nagsimula nang sumubo ng pagkain. Napapikit pa ito nang malasahan iyon.

“The best talaga ang fried rice mo Nay Celia,” puri nito kaya napangiti siya.

Minasdan niya lang ang dalagang kumakain. Ang bilis talaga ng panahon. Kailan lang ay maliit pa si Mildred, ngayon ay malapit nang magtapos ng kolehiyo.

Ang daddy nito ay isang piloto kaya silang dalawa nalang ang nasa bahay.

Ilang minuto pa ang nakalipas ay nakabihis na ito ng uniporme. Nakarinig sila ng ilang busina sa labas ng gate tanda na naroon na ang service nitong maghahatid rito sa unibersidad.

Dali-daling tumakbo palabas si Mildred, tinulungan niya pa nga itong magbitbit ng mga envelope dahil presentation raw nito matapos ang exam.

Pero ilang sandali lang ay nagulat si Celia dahil bumalik ang dalaga.

“O? May nakalimutan ka?” wika niya.

“Oho,” nakangiting sabi nito. “Nakalimutan ko pong i-kiss ka. ‘Love you Nay.” Masuyo siyang ginawaran nito ng halik sa noo bago tumakbong muli palabas.

Malungkot na napabuntong hininga si Celia. Nagising siya sa pagbabalik tanaw nang makarinig ng ilang malalakas na katok mula sa labas. Uugod-ugod na tumayo ang ale at nangangatog ang mga kamay na tinanggal ang pako na nagsilbing lock ng pinto.

“Sino iyan?” tanong niya, sinundan ng ilang ubo. Paano kasi ay mga dalawang araw na siguro siyang hindi nakakainom ng gamot dahil naubusan siya ng pambili. Mahina rin ang kita niya sa pangangalakal dahil hindi na niya magawang magikut-ikot, may sakit nga kasi siya.

Dalawampung taon na ang nakalipas mula nang huli niyang makita si Mildred.

Iniwan siya ng kaisa-isa niyang anak matapos niya itong pag-aralin, kaya heto siya. Nakatira sa iskwater at kumakayod pa rin para makakain sa kabila ng kanyang edad.

“Aling Celia, pasensya na ho kayo. Alam ko naman ang sitwasyon ninyo pero sana ay alam rin ninyo na negosyo ito. Kailangan kong kumita rin ho para kumain ang pamilya ko. Hindi naman ho ako charity. Kung di kayo makakabayad ng renta, alis nalang ho siguro kayo.” sabi ni Anita, ang may ari ng kapirasong apartment niya sa iskwater.

“Pwede bang makahingi ng isa pang buwan? Nagkasakit kasi ako Annie. Hayaan mo at kakayod akong mabuti gumaling lang ako. Mababayaran ko rin ang balanse ko.” pakiusap ng matanda.

Ilang beses na napabuntong hininga si Anita, bago muling nagsalita. “May kumausap na kasi sa akin na uupa raw. Kung hindi lang ako naaawa sa inyo eh. Isang Linggo ho. Huling palugit. Kung hindi kayo makabayad pasensyahan nalang.”

Naiwang tulala ang matanda. Hindi niya na nga napigilan ang mapaluha dahil sa nangyayari sa kanyang buhay. Wala naman siyang masamang ginawa sa kapwa, bakit naman ganito kahirap?

Mukhang sa bangketa pa siya pupulutin.

Nang mahimasmasan ay nagligpit na siya ng mga gamit. Sigurado naman kasi siya na kahit pa may palugit ay hindi niya magagawang magkaroon ng pera. Saang kamay naman ng Diyos niya huhugutin ang apat na libo? Gayong maghapon man siyang mangalakal ay nasa 150 lang ang kinikita niya.

Pinahid niya ang luha habang inilalagay sa lumang kahon ang mga sando ng batang lalaki, alaala iyon sa kanya kaya kahit na wala nang gagamit ay bitbit niya pa rin.

Muling napukaw ang kanyang atensyon ng ilang katok sa pinto. Bumuntong hininga siya, baka ngayon ay si bumbay naman. Malaki-laki na rin kasi ang utang niya rito.

“Roy pasensya kana. Walang-wala rin kasi talaga ako-” napatigil siya sa pagsasalita nang masulyapan kung sino ang nakatayo sa kanyang harapan. Hindi si Bumbay.

Kahit na nadagdagan ng ilang taon ang edad nito ay hinding hindi niya malilimutan ang mukhang iyon. Lumuluha ang babae, magara ang suot at halatang kabababa lang sa magandang kotseng naka-parada ngayon sa harap ng kanyang barung-barong.

“M-Mildred..” masayang wika niya, hahaplusin sana ang pisngi nito kaya lang ay nangali-ngali siya dahil marumi ang kanyang kamay. Pero walang pakialam ang babae, ito pa mismo ang yumakap sa kanya.

“Na-miss kita Nay. Ang hirap mo pong hanapin,” humahagulgol na wika nito.

“Hinanap mo talaga ako? Bakit?” takang-takang wika ni Celia.

“Dahil kayo po ang nagpadama sa akin ng pagmamahal ng ina. Kahit.. kahit yaya lang kita noon.”

Oo.

Hindi niya tunay na anak si Mildred.

Pagkapanganak pa lang ay pumanaw na ang ina ng babae, at ang ama naman nito ay kailangang kumayod kaya naiwan ito sa pangangalaga ni Yaya Celia. Nang matapos sa kolehiyo ay tumungo ito sa Amerika at doon nagtrabaho. Iyon na ang huling beses na nagkita sila.

Sa pamamagitan ng pangangatulong ay naitaguyod ng matanda ang nag-iisa niyang anak na lalaki pero nang makatapos na ito sa pag-aaral ay nag-asawa na at iniwan siya. Biyuda na siya noon pa man.

Tigib ng pagmamahal ang kanyang puso. Kung hindi nga lang siya tinatapik maya’t maya ni Mildred ay iisipin niyang panaginip lang lahat ng ito.

“Halika na ‘Nay,” yaya nito.

Takang-takang tiningnan ito ni Aling Celia. “Saan tayo pupunta?”

“Aba kakain at magsha-shopping, tapos uuwi na!”

Nahihiya man ay walang nagawa ang matanda nang iuwi siya ni Mildred, medyo nahihiya pa nga siya dahil sa kanyang edad ay di niya na magagawa pang magsilbi. Pero nginitian lang siya ng babae, hindi raw siya dinala roon para gawing katulong.

“Iniuwi kita para this time, ako naman po ang mag-aalaga sa iyo.”

Tinupad nga iyon ni Mildred. Sobrang saya ni Aling Celia dahil hindi siya tumandang mag isa. Ang kanyang alaga noon ang siya nang nag-aalaga sa kanya ngayon.

Advertisement