Inday TrendingInday Trending
Pakiusap Itigil Mo Na Ang Trabaho Mo Sa Bar

Pakiusap Itigil Mo Na Ang Trabaho Mo Sa Bar

Tatlong taong gulang pa lang ang panganay na anak ni Corazon nang siya ay nangibang bansa upang mabigyan ang mga ito ng magandang kinabukasan. Tatlo ang anak niyang iniwan sa kaniyang mama. Masakit man sa kaniyang loob na iwanan ang mga anak ay wala siyang magagawa, wala na siyang katuwang sa mga ito dahil naghiwalay na sila ng walang kwenta niyang asawa.

Mabilis na lumipas ang panahon at hindi niya nakita kung paano lumaki ang mga anak niya. Maagang nag-asawa ang kaniyang panganay na si John at ang pangalawa naman niyang anak na si Ellaine ay kung sino-sino na lang ang kinakasama at balita niya nga ay nasa Bicol na raw ito kasama ang huling napangasawa. Sana nga ay magtino na ang kaniyang anak. Pero ang bunso niyang anak na si Alex ay nagtatrabaho sa isang bar bilang dancer. May isa na rin itong anak na babae at ang balita niya’y hiwalay ito sa ama ng anak at sa kung kani-kanino lang nito iniiwan ang anak kapag nasa trabaho at kapag nakikipag-inuman sa mga kasama.

Wala siyang hinangad kung ‘di ang mapabuti ang mga ito kaya siya lumayo upang maghanap buhay, pero bakit ganito ang nangyari sa mga anak niya? Umuwi siya ng Pilipinas upang kausapin ang bunso niyang anak na itigil na ang pagtatrabaho nito sa bar dahil baka mapahamak pa ito at maghanap na ng matinong trabaho para sa anak.

“Ibigay mo na lang sa’kin ang anak mo kung hindi mo naman siya kayang alagaan,” sabi niya sa kaniyang bunsong anak.

“Bakit ko siya ibibigay sa’yo? Hindi mo nga kami naalagaan tapos ngayon aalagaan mo ang anak ko?” wika ni Alex na halata ang inis sa boses.

“Hindi ko kayo naalagaan, Alex, pero ibinigay ko sa inyong lahat ang mga kailangan niyo. Kaya ko pinili ang magtrabaho sa ibang bansa upang maging maayos ang kinabukasan niyo,” sumbat niya sa anak.

“Well, obviously ma, hindi kami naging maayos. Tignan mo naman kung ano ang nangyari sa’ming lahat. Ito ba ang naging maayos para sa’yo?” patuloy na pagtataray ng babae.

“Dahil mas pinili niyong sirain ang buhay niyo! Inutusan ko ba kayong kumuha ng ganyang klaseng trabaho? Binibenta mo ang laman mo at nagsasayaw ka ng hubo’t hubad! Inutusan ko ba ang ate mo na mangolekta ng mga lalaki na daig pa ang p*kpok?

Inutusan ko ba ang kuya mong mag-asawa ng maaga? Kayo pa rin ang gumagawa ng tadhana niyo. Nandito lang kami para gumabay, pero sorry kasi hindi ko nagawang gabayan kayo kaya naging ganito ang buhay niyong magkakapatid! Wala akong hinangad kung ‘di ang mapabuti kayo kaya nagsakripisyo ako,” umiiyak na wika ng ina.

Ngunit imbes na sumagot ito ay dinabugan pa siya ni Alex at pairap na tinignan. Kaya nagpatuloy siya sa pagsasalita. “Isang taon pa lang ang anak mo at kung kani-kanino mo na ‘yan iniiwan. Disi-otso ka pa lang at marami ka pang hindi nararanasan. Ina ka na at sana hindi mo maranasan ang mga naranasan ko.

Siguro nga hindi ako naging mabuting ina kasi hindi ko kayo inalagaan. Pero maniwala ka hindi ko kayo pinabayaan, talaga nga lang hindi niyo ako naintindihan kaya para sa inyo isa akong masamang ina,” humihikbi niyang wika. “Tandaan mo Alex, naging masama ang tingin niyo sa’kin dahil mas pinili kong lumayo para maibigay sa inyo ang lahat ng panganagilangan niyo.

Ano pa kaya ang magiging anak mo kapag nalaman niyang isang p*kpok ang kaniyang ina. Baka magaya siya sa’yo na lampas langit ang galit sa’kin. Hangga’t maaga pa sana ihinto mo na ang hindi marangal mong trabaho,” pakiusap ni Corazon tsaka umalis sa bahay ng kaniyang anak.

Tatlong buwan lamang ang bakasyon ni Corazon sa Pinas kaya pinili niyang makasama ang mga anak niya sa pamamagitan ng pagpunta sa mga ito. Sunod niyang pinuntahan ang pangalawang anak na si Ellaine upang kumustahin ang lagay nito sa Bicol at masaya naman siya sa nakitang maayos naman ang buhay nito kahit mahirap ang buhay ng mag-asawa at nakikita naman niyang mahal na mahal ito ng asawa.

Dalawang linggo din siyang nanatili sa Bicol bago umuwi ng Manila at doon naman siya nanatili sa panaganay niyang si John at ang natitirang buwan niya’y inasikaso niya sa pagkuha muli ng kaniyang mga requirements upang bumalik sa Dubai upang muling magtrabaho.

Isang araw ay biglang bumungad sa harapan ng pintuan niya ang kaniyang bunsong anak na si Alex bitbit ang kaniyang apo.

“Ma, sorry po. Sorry ma kung nasaktan kita,” malungkot na wika nito.

“Alex, hindi mo kailangang humingi ng tawad. May pagkukulang din ako kaya sorry din,” aniya sabay yakap sa kaniyang anak at ang kaniyang apo.

“Mali po ako ma hindi ko inintindi ang sitwasyon mo. Sorry po, pangako po hindi na ako papasok sa bar at mula ngayon magbabagong buhay na po ako gaya ng sinabi niyo. Magpapakatino na po ako,” humihikbing wika ni Alex.

Mula noon ay naging maayos na si Alex, bago siya bumalik sa Dubai ay nakapasok na ito bilang Sales Associate sa malaking mall. At gaya ng ipinangako nito ay nagpakatino na nga ito at hindi na pumasok sa bar.

Minsan dahil sa galit natin sa mga magulang natin hindi natin napapansin na nasisira na natin ang sariling buhay. Nagiging makitid ang isip natin dahil mas nananaig ang mga tanong at galit na akala natin pinabayaan nila tayo. Hindi man lang natin naiisip na ginagawa nila ang lahat para sa kapakanan natin na mga anak nila.

Advertisement