
‘Di Sinasadyang Natagpuan ng Babae ang Isang Bata sa Ilog Habang Siya ay Naglalaba; Laking Gulat Niya Nang Malaman ang Trahedyang Naranasan Nito
Madaling araw pa lang ay nagtungo na si Aling Myrna sa ilog malapit sa kanila upang simulan ang kaniyang paglalaba. Ito na ang kaniyang gawain sa araw-araw dahil bukod sa ito ang kaniyang hanapbuhay ay nakagawian niya na rin ito simula noong bata pa siya.
Laki sa hirap si Aling Myrna kaya naman sanay sa pagbabanat ng buto. Hanggang elementarya lamang ang natapos ng ale kaya naman pinasok na nito halos lahat ng trabahong katawan ang puhunan gaya ng paglilinis at paglalaba. Basta ba ay malinis ay pinapasok niya.
Hirap man sa buhay ay hindi niya naman ibinebenta ang kaniyang kaluluwa. Sabi nga nila, dangal lang ang mayroon ang mahihirap kaya naman hindi niya iyon dudungisan.
“Susmaryosep Ginoo!” nabitawan ng Ale ang hawak na basket sa gulat. Hindi siya makapaniwala sa nakita pero dali-daling nilapitan ang katawan ng isang bata na nasa gilid ng ilog.
Natatakot man dahil baka walang buhay o ban*gkay na ang katawan ay nilakasan niya ang loob at nilapitan ang katawan at pinakiramdaman ang pulso ng bata. Nakahinga naman siya ng maluwag ng makompirmang buhay pa ito.
Agad niya namang hinila ang bata sa may gilid ng ilog kung saan ligtas ito at agad na pinuntahan ang asawa para magpatulong sa pagdala sa kanilang bahay.
“Aba’y mabuti na lamang at nahanap mo agad ang batang iyan kundi baka nalagutan na ‘yan ng hininga dun sa ilog,” saad ng asawa ni Aling Myrna na si Mang Julio.
“Oo nga eh. Buti na lang at doon siya napadpad sa parte ng ilog kung saan ako madalas maglaba. Ano kaya ang nangyari sa batang ito? Kawawa naman at mukhang hindi biro ang pinagdaanan sa murang edad,” sagot niya sa asawa.
Inalagan nila ang batang babae hanggang sa nagkamalay na ito. Lumipas ang apat na araw bago minulat ng bata ang kaniyang mga mata.
“Anak, kumusta na ang iyong pakiramdam?” malumanay na tanong ni Aling Myrna sa bata. Tiningnan naman siya ng bata ngunit hindi ito nagsalita.
“Natagpuan kita sa ilog apat na araw na ang nakararaan. Ano ba ang nangyari sa’yo, anak? Naaalala mo ba kung ano ang nangyari sa’yo bago ka napunta sa ilog?” dugtong pa nito sa kaniyang tanong. Hindi pa rin sumagot ang bata kaya nagkatinginan ang mag-asawa.
“Anak, may naaalala ka ba sa mga nangyari sa’yo?” nag-aalalang ulit sa tanong ni Mang Julio sa bata. Umiling naman ang bata na ikinagulat ng dalawa.
Nasa isang malayong probinsya nakatira ang mag-asawa. Hindi karamihan ang nakatira sa bayan nila kaya naman magkakakilala lahat ng mga naninirahan doon. Kaya naman sigurado silang hindi taga-roon ang batang nahanap sa ilog.
“Ano na ang plano mo sa batang iyan,Kanor?” bakas sa mukha ng ginang ang pag-aalala.
“Wala siyang maalala kaya naman hindi rin natin alam kung saan siya isasauli. Siguro ay pansamantalang dito na muna siya sa atin hanggang sa makaalala ulit siya,” sagot niya sa asawa.
Dalawang buwan na ang nakalilipas simula nang araw na natagpuan ni Aling Myrna ang bata sa ilog ngunit wala pa rin itong naaalala. Itinuring nilang anak ang bata at pansamantalang pinangalanan na Michelle. Ganun din naman ang dalawang anak ng mag-asawa na natutuwa din sa batang babae. Itinuring nilang kabilang sa kanilang pamilya si Michelle hanggang sa isang araw ay bigla na lamang sumakit ang ulo nito at nawalan ng malay.
“Anong nangyari kay Michelle?” nag-aalalang tanong ni Aling Myrna sa panganay na anak na si Diego.
“Hindi ko po alam, ‘nay. Bigla niya nalang pong hinawakan ang ulo niya at sinabing masakit ito tapos bigla nalang po siyang nawalan ng malay pagkatapos,” natatarantang sagot sa kaniya ng anak.
Simula ng araw na iyon ay pa unti-unti nang bumabalik ang alaala ni Michelle.
“Bagama’t hindi pa lahat ay naaalala ko na po kung sino ako at kung ano paano ako napadpad sa ilog,” pahayag ni Michelle isang araw ng tanungin ni Aling Myrna kung kumusta na siya at kung gaano karami na ang aalala niya sa kaniyang nakaraan.
“Paano, anak? Ano ang nangyari sa iyo?” hinawakan ng Ale ang kamay ng bata nang mapansing nanginginig ito. Para bang may naalalang nakakatakot.
Tumingin ito sa mata ng ale bago muling nagsalita, “Vivian po ang tunay kong pangalan. Nag-iisang anak lamang po ako. Bata pa po ako nang bawian ng buhay ang aking ina at nagkaroon naman ng bagong asawa ang aking ama. Mahal na mahal ako ng aking ama. Hindi iyon nagustuhan ng kaniyang bagong asawa. Lalo na at hindi pa sila binibiyayaan ng anak. Dahil dun, na para bang ako ang may kasalanan nun, ay kinakasuklaman ako ng bagong asawa ni papa.”
Patuloy lamang na nakinig si Aling Myrna hanggang sa napahagulgol na lang bigla ang batang babae. Niyakap siya ng mahigpit ni Aling Myrna at pinakalma hanggang sa ipinagpatuloy niya na ang pagkwekwento.
“Isang araw habang nasa trabaho si papa ay isinama niya ako sa ilog. Sumakay kami sa isang bangka at bigla niya nalang akong itinulak sa tubig. Hingi ako nang hingi ng tulong pero nakatingin lang siya sa’kin. Nagmakaawa ako sa kaniya hanggang sa mawalan ako ng malay,” humihikbing kwento ng bata.
“Shh, tahan na anak. Huwag kang mag-alala dahil ligtas ka na sa kaniya,” pagpapatahan pa ng Ale sa bata.
Sinabi ni Aling Myrna sa asawa ang natuklasan sa batang babae. Matapos ay tinanong nila ang bata kung naaalala ba nito kung ito nakatira o kung ano ang pangalan ng ama nito pero wala na itong naaalala.
Dahil sa hindi na naalala pa ni Vivian kung taga-saan siya o kung ano ang pangalan ng kaniyang ama ay hindi na rin ito nakabalik sa ama nito. Mas pinili na rin ito ni Vivian.
Mas pinili niya na lang magbagong buhay bilang si Michelle kasama ang kaniyang bagong pamilya na puno ng pagmamahal para sa kaniya. Hindi man sila magkadugo ay dito niya naman naramdaman ang tunay na pagmamahal.
Gabi-gabi ay ipinagdadasal niya na lamang ang kaligtasan at ang kaligayahan ng ama sa bagong asawa nito. Nawa’y sa kaniyang pagkawala ay nahanap nito at ng bagong asawa ang kaligayahang inaasam.