Inday TrendingInday Trending
Hindi Pa Nagkaka-Nobyo ang Dalaga Kaya Naman Sinet-Up Ito ng Matalik na Kaibigan sa Kapatid Nito; Hindi Niya Inakala ang Susunod na Mangyayari

Hindi Pa Nagkaka-Nobyo ang Dalaga Kaya Naman Sinet-Up Ito ng Matalik na Kaibigan sa Kapatid Nito; Hindi Niya Inakala ang Susunod na Mangyayari

“Balita ko pinatigil mo na raw yung nanliligaw sa’yo. Bakit na naman? Ano na naman yung problema sa tao this time ha? Gwapo, matalino at sobrang bait nung tao. Sumagot ka at sumasakit na naman yung ulo ko sa’yo ha!” nanggigil na sabi ng matalik na kaibigan ni China na si Lexy.

“Nakakainis eh. Napakaseloso at hindi pa nga kami ha pero gusto niya sinasabi ko sa kaniya parati kung nasaan ako at kung ano ginagawa ko. Nakakasakal bes!” medyo naiirita niyang sagot.

Lumapit naman sa kaniya ang kaibigan at sinabunutan siya ng mahina.

“Alam mo sa ginagawa mong ‘yan, hindi na ako nagtataka kung bakit hanggang ngayon ay hindi ka pa rin nagkaka-jowa. Ang dami mong problema sa life girl, eh sa ayaw mo ‘ganto, sa ganyan. Remind ko lang sa’yo bes ha? Walang perpekto sa mundo,” paalala pa sa kaniya ng matalik na kaibigan.

Matagal nang matalik na magkaibigan ang dalawa kaya naman hindi na sila naiilang pang sabihin sa isa’t isa kung ano ang nasa isip nila.

“Alam ko naman iyon. Siguro hindi ko lang talaga nahahanap ang taong para sa akin,” napabuntong hininga niyang sagot sa kaibigan.

Hindi naman talaga perpekto ang hinahanap ng dalaga dahil alam niyang walang ganun. Pero naniniwala kasi siyang napakasagrado ng pag-ibig. Sa katunayan, 1 Corinthian 13:4-8 (NIV) ang pinakapaborito niyang taludtod sa Bibliya simula pagkabata.

Alam niya naman na pag-ibig na walang hinihinging kapalit ang tinutukoy sa taludtod na iyon, na hindi matatagpuan sa mga tao lamang dahil wala sa atin ang perpekto. Ang Diyos lamang ang makapagbibigay sa atin ng ganoong klase ng pagmamahal, at alam iyon ni Elaine.

Kahit anong sabihin sa kaniya ng mga kaibigan niya o ng pamilya niya, hindi niya mapigilang umasa at maniwala. Kasi naniniwala siyang, ang taong inilaan sa kaniya ay nandiyan lamang. Kailangan niya lamang magtiwala at maghintay. Magtatagpo rin ang landas nila.

Naniniwala siyang sa oras na mahanap mo ang taong nakalaan sa’yo ay malalaman mo ‘yun. Mararamdaman mong siya lang ang taong nakatadhana mong mahalin buong buhay mo.

Hindi rin naman kasi perpekto ang hinahanap niya. Sa katunayan, kahit hindi gwapo, matalino o sobrang bait ay okay lang sa kaniya. Basta naniniwala siyang malalaman niya ‘pag nakilala niya na ang nakatakda sa kaniya, at kahit maging sino o ano pa man siya, tatanggapin at gagawin niya ang lahat para dito. Dahil buong buhay niyang hinintay ito.

Naniniwala siyang hindi napipilit ang puso. Kusa nalang itong titibok kapag nahanap na nito ang kaniyang kabiyak. Sa pinaka-natural na paraan. Naniniwala rin siya na sa buhay natin, isang beses lang talaga tayo iibig ng lubos at totoo. Sa isang tao lamang. At sa oras na makilala natin ang taong ito, malalaman natin ito agad. Mararamdaman natin iyon.

“Hello, Lexy? Nandito na ako. Nasaan ka na ba?” naiinip na tanong ni China sa matalik na kaibigan. Kanina niya pa kasi ito hinihintay. May importanteng sasabihin daw kasi ang kaibigan sa kaniya.

Makalipas ang kalahating oras ay dumating na din si Lexy. Pero laking gulat ng dalaga dahil hindi ito mag-isa. May kasama itong gwapong lalaki.

“Ah bes, pasensiya na kung na-late ako ha?” saad ni Lexy nang makita siya at hinalikan siya sa pisngi.

“No, it’s fine,” ginantihan niya na lang din ito ng ngiti pati ang kasama nito.

“Ah oo nga pala, this is my brother. Kararating lang niya kahapon galing US,” pagpapakilala ni Lexy sa kasama nito sa kaniya.

“Hi, I’m Troy,” sabay abot ng kamay nito sa kaniya. Inabot naman ito ng dalaga. Halos mapatalon pa siya sa gulat ng may maramdamang parang kuryente ng maghawak ang kanilang mga palad.

“China,” maikling sagot niya sa lalaki. Napansin niya naman ang kakaibang ngiti ng matalik na kaibigan.

“Oo nga pala bes, I need to go. May emergency kasi sa opisina. Kailangan kong magreport agad eh. So instead of me, pwede bang ang kuya ko na lang muna ang mag fill-in sa’kin ngayon? Since inutusan din ako ni mama na samahang mamasyal siya and as you can see, I can’t. I’m a very busy person,” umpisang paliwanag ni Lexy.

Kilala niya ang kaibigan at alam niya ang takbo ng utak nito. Nangangati siyang tadyakan ang kaibigan niya. Na-set up siya sa isang blind date.

“Habol na lang ako pag matapos agad yung work ko sa opisina okay? Bye,” paalam pa ng dalaga bago umalis na para bang hinahabol ng aso. Napatingin na lamang siya sa kapatid nitong naiwan kasama siya.

Ngumiti na lamang si China sa binata. Hindi niya maipaliwanag ang kung anong nararamdaman niya. Maliban sa gusto niyang kurutin at sabunutan ang matalik na kaibigan ay tila ba may kung anong koneksyon sila ng binatang nasa kaniyang harapan.

Hindi alam ng dalaga na iyon na pala ang simula ng kwento ng kaniyang pag-ibig na kaytagal na hinintay.

Buong araw na magkasama sina Troy at China. Parehong magaan ang loob nila sa isa’t isa kaya naman hindi sila nahirapang mag-enjoy. Katunayan ay pakiramdam ng dalawa ay para bang matagal na silang magkakilala. Sa tuwing magtatama ang kanilang mga mata ay bigla na lamang kakabog ng malakas ang dibdib ng dalaga.

Pareho mang nahihiwagaan sa kakaibang nararamdaman ay pareho rin nilang alam na mahal nila ang isa’t isa. Makalipas ang dalawang taon ay nagpakasal na rin ang dalawa dahil sa wakas ay nahanap na nila ang taong nakatadhana sa kanila.

Advertisement