
Minaliit sa Pinagtatrabahuhang Restawran ang Lalaking May Sakit sa Balat; Mas Mapagkakatiwalaan pa Pala Ito Kaysa sa Iba
“Good morning, ma’am! Mag-a-apply po sana ako ng trabaho. Nabalitaan ko pong nangangailangan kayo ng service crew,” magalang na sabi ni Billy sa may-ari ng restaurant.
Maayos naman siyang hinarap ng babae ngunit nang mapansin nito ang mga tila galis sa kaniyang mga kamay at braso ay biglang nalukot ang mukha nito at nagtanong.
“Ano ‘yang nasa balat mo? Nakakahawa ba ‘yan?!”
“Psoriasis po ang tawag sa sakit ko sa balat, ma’am, pero huwag po kayong mag-alala, hindi naman po ito nakakahawa,” tugon niya.
Napanatag ang babae.
“Mabuti naman. Ang inaplayan mo ay isang restaurant at ang mga isinisilbi namin dito sa mga kustomer ay mga pagkain. Alam mo naman na ang ibang kustomer ay mareklamo. Baka kapag nakita nila ang mga ‘yan sa balat mo ay mandiri at matakot sila, kaya naman kailangan mong itago ‘yan, maliwanag ba? Ikaw na ang bahala kung paano mo maitatago ang mga galis mo sa kamay at sa braso. Dapat ay hindi ‘yan makita ng mga kustomer kapag nagse-serve ka ng pagkain. Nakikita ko naman na okay ka naman at maganda ang credentials mo, kaya sige tanggap ka na. Maaari ka nang mag-umpisa ngayong araw.”
“Naku, salamat po, ma’am!”
Bukod kay Billy ay nag-apply rin bilang service crew ang isang lalaki sa restaurant. Mas may itsura ang lalaking iyon kaysa sa kaniya at ‘di tulad niya ay makinis ang balat nito kaya mabilis itong tinanggap ng may-ari.
Sa pagsisimula ni Billy sa trabao ay inasahan na niya ang magiging pakikitungo sa kaniya ng mga kasama.
“Billy, bilisan mo nga ang pagse-serve mo ng pagkain. Ang bagal mong kumilos!” sita sa kaniya ng pinakamatandang service crew sa restaurant.
“Bakit kasi kinuha pa ‘yan ni ma’am? Makupad na ngang kumilos, may nakakadiri pang sakit sa balat!” gatol naman ng lalaking dishwasher.
“Buti pa itong si Jestoni, guwapo na, masipag pa. Mabilis pang magtrabaho,” hirit pa ng isang babaeng service crew na panay ang puri sa lalaking bagong pasok na gaya niya. Ito tuloy ang naging mas paborito ng lahat dahil sa itsura nito.
Imbes na sagutin ang mga kasama ay tumahimik na lamang si Billy. Kung makikipagtalo pa siya sa mga ito ay mas lalo siyang pag-iinitan. Baka pagtulungan pa siya ng mga kasama na mapaalis sa pinagtatrabahuhan. Ayaw niyang mangyari iyon dahil kailangan niya ng pera na pangtustos sa kaniyang pag-aaral kaya kahit labis na ang pangmamaliit sa kaniya ng mga kasama ay tiniis na lang niya.
Kahit sa pagse-serve ng pagkain ay nakaranas siya ng diskriminasyon sa ilang kustomer na kumakain sa restaurant.
“Nakakadiri naman itong service crew na ito, bakit ba pinagtatrabaho niyo ‘yan dito?!” inis na tanong ng isang babaeng kustomer nang makita nito ang mga galis niya sa kamay. Nakalimutang isuot ni Billy ang kaniyang gwantes kaya hindi nakaligtas sa paningin ng matandang kustomer ang mga sugat niya sa kamay.
Lumapit ang may-ari sa nagrereklamong kustomer at mahinahong kinausap.
“Huwag po kayong mag-alala, hindi naman po nakakahawa ang sakit niya sa balat. Nakaligtaan lamang niyang magsuot ng gwantes sa mga kamay habang nagse-serve ng pagkain. Ako na po ang humuhingi ng paumanhin,” wika ng babae.
Dahil sa nangyari ay kinompronta ng mga trabahador ang may-ari tungkol kay Billy.
“Ma’am, paalisin niyo na kasi ang Billy na ‘yan. Baka mawalan pa tayo ng mga kustomer kapag nanatili pa ‘yan dito!” sabi ng babaeng taga-luto.
“Oo nga naman po. Hindi po ba kayo natatakot na baka sinabi lang niya na hindi nakakahawa ang sakit niya sa balat, pero ang totoo ay nagsisinungaling lang siya,” gatol naman ng isang lalaking service crew.
“Huminahon kayo! Hindi ko siya maaaring tanggalin sa trabaho dahil lang sa may sakit siya sa balat. Nakikita ko na maayos naman siyang magtrabaho at masipag siyang bata. Isa pa, kawawa naman kapag nawalan siya ng trabaho, mawawalan siya ng pangtustos sa kaniyang pag-aaral,” sagot ng may-ari sa mga tauhan.
Narinig ni Billy ang lahat nang pinag-usapan ng mga kasama niya sa trabaho. ‘Di niya naiwasang malungkot sa sinabi ng mga ito. Ngunit sa kabila ng mga pambabatikos sa kaniyang pagkatao ay mas tinibayan pa niya ang loob. Mas lalo niyang pinagbutihan ang pagtatrabaho at ipinakita sa mga kasama na kahit hindi siya gusto ng mga ito ay wala siyang sama ng loob at kabutihan pa rin ang ipinakita niya sa bawat pangmamaliit ng mga ito.
“Ang mahalaga ay wala akong ginagawang masama at wala akong inaapakang ibang tao,” bulong niya sa isip.
Isang araw ay nabulabog ang restaurant sa ibinalita ng may-ari.
“Ninakawan tayo! Sino’ng malikot ang kamay na gumawa nito?!” sigaw ng kanilang among babae.
Nakita kasi nito na nawawala sa kaha ang mga kinita ng restaurant. Wala pa namang CCTV na nakalagay roon.
“Umamin na kayo! Wala namang ibang kukuha ng mga pera sa kaha kundi ang isa sa inyo na narito sa loob!”
“B-bakit hindi niyo tanungin si Billy. Siya lang naman po ang palaging lumalapit sa kaha,” bintang ni Jestoni.
Pinagtinginan si Billy ng mga kasama.
“W-wala akong alam sa sinasabi mo. Hindi ko magagawang magnakaw,” pagtatanggol niya sa sarili.
“Billy, kung ikaw ang kumuha ng pera, ilabas mo na! Maayos pa naman kitang tinanggap dito, binigyan kita ng trabaho pagkatapos ay pagnanakawan mo lang pala ako?” galit na sabi ng babaeng may-ari ng restaurant.
“P-pero wala po akong kasalanan. Wala po akong kinukuha na kahit ano.”
Mayamaya ay biglang may nagsalita sa mga kasama niya.
“Totoo po ang sinasabi ni Billy, ma’am. Wala siyang kasalanan. Hindi po siya ang kumuha ng pera sa kaha,” sambit ng isang babaeng service crew. “Nakita ko po kung sino ang tunay na magnanakaw, si Jestoni po ang kumuha ng pera niyo sa kaha! Natatakot lang po akong magsalita kanina kaya hindi ko po inamin agad,” pagtatapat ng dalaga.
“Totoo ba ang sinasabi niya, Jestoni?!” ‘di makapaniwalang tanong ng may-ari sa guwapong binata.
Nang kapkapan nila ang lalaki ay laking gulat nila nang makuha sa bulsa nito ang mga perang kinuha nito sa kaha.
“Di ko akalaing magagawa mo ito sa akin, Jestoni. Isa ka pa naman sa mga taong pinagkakatiwalaan ko rito at ikaw ang paborito ng mga kasama mo!”
Agad nilang ipinaaresto sa mga pulis ang lalaki para pagbayaran nito ang ginawang pagnanakaw.
Isa-isa namang humingi ng tawad kay Billy ang mga kasamahan at ang may-ari ng restaurant. Napahiya ang mga kasamahan niya sa trabaho sa ginawang pagbibintang at pangmamaliit sa kaniya. Pinagsisisihan din ng mga ito ang masasakit na salitang binitawan laban sa kaniya. Ang paborito at hinangaang maamo at may magandang mukha pala ang totoong magnanakaw at kung sino pa ang minaliit at inalipusta ay wala palang kasalanang ginawa. Pinatawad naman niya ang mga katrabaho dahil likas na sa kaniyang puso ang pagiging mabuti.
Mula noon ay pinakitunguhan na siya ng maayos ng mga kasama niya sa restaurant. Nang makapagtapos sa pag-aaral sa kolehiyo ay nagtayo na rin siya ng sariling restaurant gamit ang mga naipong pera. Sa sipag at tiyaga ay napaunlad niya ang negosyo na nagbigay sa kaniya ng maayos na buhay. Nagbigay rin siya ng trabaho sa mga katulad niya na may psoriasis at iba pang sakit sa balat na hindi nakakahawa sa iba. Sinabi niya sa mga ito na huwag ikakahiya ang kanilang kalagayan, sa halip ay tanggapin ang katotohanan at lakasan ang loob upang ipagpatuloy ang pakikipaglaban sa buhay para makamit din ng mga ito ang tagumpay.