Inaapi ang Bata dahil Lagi Siyang Nahuhuli ng mga Mag-aaral na Lihim na Nagmamasid; Tameme Sila nang Malaman ang Tunay Niyang Ginagawa

Nagmamakaawa ang batang si Otep sa isang grupo ng kabataan na walang habas na pinagtutulungan siya sa labas ng paaralan. Madalas kasing mahuli ng mga mag-aaral ang batang si Otep na dumudungaw at palinga-linga sa bintana ng kanilang silid-aralan. 

“Magnanakaw ka, ano? Minamanmanan mo ang mga gamit namin nang sa gayon ay alam mo kung ano ang kukuhain mo!” sambit ng isang mayabang estudyante. 

Todo tanggi naman dito si Otep.

“Nong isang araw ay nakita ko na nasa kaniya ang bago kong lapis. Sigurado ako kasi may palatandaan ako do’n!” sambit ng isa pang mag-aaral.

“Napulot ko lang sa basurahan ang lapis na ‘yon. Maniwala naman kayo sa akin. Tama na!” pagmamakaawa ng bata.

Sa totoo lamang ay kahit na sampung taon na si Otep ay hindi pa rin ito nakakatuntong nga paaralan. Maaga kasi silang naulilang magkakapatid at ang tanging kasa-kasama na lamang nila ay ang kanilang lola na may katandaan na rin. Dahil hindi na sila kayang buhayin ng matanda sa pagbebenta lamang ng mga gulay na inilalako ay hindi na nagawa pa ng magkakapatid na makapag-aral bagkus ay tumulong kaagad sila sa kanilang lola upang sila ay may pang buhay. 

Ngunit pagkatapos mangalakal ni Otep ay palagi siyang dumadaan sa likod ng paaralan upang makinig ng mga asignaturang tinuturo ng guro. Palihim siyang nakikinig at sumisilip sa mga talakayan sapagkat nais niya ay matuto.

Para sa batang si Otep, tanging ang edukasyon lamang ang makakapagsalba sa kanila sa kahirapan. Ngunit marahil ay imposible ito dahil sa kanilang katayuan sa buhay.

Advertisement

Umuwi ang batang si Otep sa kanilang bahay nang sugatan. 

“Anong nangyari sa iyo?” pag-aalala ng kaniyang lola.

“Huwag niyo po akong intinidihin, ‘la, nalaglag kasi ako at nagpagulong gulong sa tambakan kanina,” pagsisinungaling ni Otep upang hindi na mag-alala pa ang matanda. 

“Sa susunod ay mag-iingat ka, apo. O siya, linisin mo na ang katawan mo at sabay-sabay na tayong kumain,” paanyaya ng lola niya.

Malalim na ang gabi at bago matulog si Otep ay inilabas niya ang guso’t gusot na papel na kaniyang sinulatan ng kaniyang mga natutunan sa paaralan ng hapon na iyon. Inilipat niya ito sa isang malinis na kwaderno at muling pinag-aralan.

“Dadating din ang panahon na makakapag-aral ako at talagang makakatungtong ako ng paaralan. Hindi ako titigil hanggang hindi ko nakakamit ang pangarap ko na ito. Nang sa gayon ay hindi na kami mabuhay ng tulad sa ganito,” sambit ni Otep sa sarili. 

Baon niya sa kaniyang pagtulong ang dalangin na isang araw ay mapainam din ang buhay nila.

Kinabukasan ay ganoon na naman ang ginawa ni Otep. Pagkatapos niyang mangalakal ay pumupunta siya sa likod ng paaralan. Dahil muli na naman siyang natanaw ng mga mag-aaral ay handa na siya sa pananakit nito.

Advertisement

Nang matapos ang klase ay ganoon nga ang nangyari. Pilit man niyang iwasan ang mga kabataang ito ay masyado silang madami. Mabuti na lamang ay nakita ni Ginang Reyes ang panggugulping ginagawa ng mga estudyante sa kawawang si Otep. 

Agad niya itong dinala sa silid-aralan upang gamutin at kausapin. 

“Sa totoo lang ay madalas kitang matanaw sa labas ng bintana,” saad ni Ginang Reyes sa bata habang ginagamot niya ang mga sugat nito.

“Nag-aaral ka ba?” tanong pa niya. Umiling lamang si Otep.

“Wala po kaming kakayahan upang makapag-aral pero gustong-gusto ko pong mag-aral kung bibigyan ng pagkakataon,” sambit ni Otep. 

Maya-maya ay napatingin si Otep sa pisara. 

“Asignatura ‘yan ng mga bata kanina,” sambit ng guro.

“Maaari ko po bang sagutan? Gusto ko po kasing malaman at itanong sa inyo kung tama po ang ginagawa kong pagso-solb,” sambit ng bata. Hinayaan ni Ginang Reyes na sagutan ni Otep ang asignatura sa pisara. Sa kaniyang gulat ay tama lahat ang sagot ng bata sa mga ito. Ganoon na rin ang kaniyang paghanga sa bilis nito sa pagkwenta.

Advertisement

“Saan mo natutunan ‘yan?” pagtataka ni Ginang Reyes.

“Sa pakikinig ko po sa inyo tuwing hapon. Paborito ko po ang asignatura na ito. At natutuwa po ako sa tuwing nakukuha ko ang tamang sagot. Maraming salamat po sa inyo,” saad ni Otep.

Nakaisip ng paraan si Ginang Reyes. Nais niyang tulungan na makapag-aral si Otep ngunit nasa kalagitnaan na ng taon. Kaya minabuti na lamang niyang alukin ang bata na tuturuan niya ito pagkatapos ng kaniyang klase. Madalas din ay binibigyan niya ng mga librong babasahin si Otep, maging mga asignatura.

Isang araw ay nakita na naman muli ni Ginang Reyes na kinukutya ng kaniyang mag estudyante ang batang si Otep habang nakadungaw sa bintana. Upang makuha ang atensyon ng mga ito ay nagsulat siya sa pisara ng isang mahirap na “mathematical equation”.

“Makakauwi lamang ang mga batang makakasagot nito. Kung hindi ninyo masasagot ay humanda kayo sa isang pagsusulit bukas,” saad ng guro.

Lahat ay sumubok na sagutan ang mathematical problem na isinulat ni Ginang Reyes sa pisara. Ngunit kahit isa sa kanila ay walang nakasagot ng tama. Doon ay inanyayahan niya si Otep na pumasok sa silid-aralan upang sagutin ito. Laking gulat ng lahat nang sabihin ng guro na tama ang sagot ng bata. 

“Hindi nga nakakatuntong ang batang ito sa paraalan ngunit daig pa niya ang isipin ng mga tulad ninyong nakakapag-aral,” sambit ni Ginang Reyes. Napahiya ang lahat ng estudyante dahil dito.

Dahil din sa ipinakita ni Otep ay napansin siya ng iba pang guro at dumagsa ang tumulong sa kaniya. Hanggang nakarating sa mga kinauukulan ang lahat at tinulungan siya na kumuha ng eksaminasyon para sa akselerasyon upang makapasok siya sa baitang na wasto sa kaniyang edad. Hindi na nakakagulat sapagkat naipasa ito ni Otep.

Advertisement

Sa wakas ay natupad din nag kaniyang pangarap na makapag-aral. Kahit na nag-aaral ay hindi pa rin nakakalimutan ni Otep ang tumulong sa kaniyang lola at mga kapatid. Nangangalakal pa rin ito at kung may naipon ay nagtitinda rin kung walang klase. 

Hindi niya napabayaan ang kaniyang pag-aaral. Sa ngayon ay patuloy si Otep sa pag-abot ng kaniyang pangarap. Nakapagtapos siya ng may karangalan.