Pinilit ng Ina ang Anak na Magpakasal sa Anak ng Mayamang Pulitiko; Hindi Niya Inakala ang mga Sumunod na Pangyayari

“Tampalasan ka! Hindi ka talaga marunong sumunod sa amin ng tatay mo!” nagngangalit na sigaw ni Aling Flor sa kaniyang dalagang anak na si Royce. 

“Sinasayang mo ang magandang oportunidad na naghihintay sa’yo, Royce! Anong mapapala mo sa isang anak ng magsasaka lang? Hayan na nga at lumalapit na sa atin ang grasya. Ikaw pa ang malakas ang loob na tumatanggi?” dagdag pa naito sabay pagbubuhat ng kamay sa anak.

“Wala naman pong masamang ginagawa sa akin si Renante, ‘nay! Mahal ko po siya at mahal niya ako. Handa po niya akong pakasalan,” umiiyak na tugon ni Royce.

“At anong buhay ang maibibigay niya sa’yo? Habambuhay lang siyang makikisaka sa lupain ng iba. Tandaan mo, Royce, kapag hindi si Melvin ang napangasawa mo ay itatakwil ka namin ng ama mo. Sinasayang mo lang ang ganda mo, anak. Hindi si Renante lamang ang nais naming makatuluyan mo!” sambit ng ng ina. 

Tutol ng mahigpit si Aling Flor sa pag-iibigan nina Royce at Renante. Ang nais kasi niyang mapangasawa ng anak na dalaga ay ang anak ng politiko at isa sa pinakamayaman sa kanilang lugar na si Melvin. Handang ibigay ang lahat ni Melvin sa dalaga kung siya ay pakakasal dito. Dahil sa angking kagandahan at alindog ni Royce ay lubusang nabighani ang mayamang binata at nais siya nitong gawing asawa kaagad.

“Hindi na tayo puwedeng magkita, Renante. Patawarin mo ako pero wala akong magawa. Kailangan kong magpakasal kay Melvin kung hindi ay itatakwil ako ng mga magulang ko. Mahal kita pero sana ay maunawaan mo ako. Mahalaga ang mga magulang ko para sa akin. Pero tandaan mo na ikaw lang ang tanging laman nitong puso ko,” umiiyak na wika ni Royce sa kasintahan. 

Wala nang nagawa pa si Renante kung hindi magpaubaya. Alam niyang hindi naman niya kaya maibigay ang magandang buhay na maibibigay ni Melvin sa dalaga. Masakit man sa kanya ay tinanggap na lamang niya ang katotohanan na baka nga hindi sila para sa isa’t-isa ni Royce.

Hindi naglaon ay ikinasal na ang anag dalaga kay Melvin. Bangungot man para kay Royce ang lahat sapagkat ikakasal siya sa taong hindi niya mahal ay ito naman ang tagpong pinakahihintay ni Aling Flor.

Advertisement

“Kay ganda mo talaga, Royce. Napakaswerte ko at ang isang diyosang katulad mo ay nagpakasal sa akin. Hindi na ako makapaghintay na maangkin ka nang tuluyan,” saad ni Melvin sa mapapangasawa. 

Taas nong ipinagmamalaki ni Melvin ang maganda at mailap na dilag na tulad ni Royce ay sa wakas ay napasakaniya na.

Naging maayos ang pagsasama nila ng dalaga. Tulad ng inaasahan ay naging masagana na ang pamumuhay ng pamilya ni Royce. Sa kabilang banda naman ay walang kalayaan si Royce sapagkat seloso masyado ang kaniyang asawa. Madalas ay nasa mansyon lamang ito at naghihintay sa pagdating ng asawa upang paglingkuran niya. 

“Turuan mo ang sarili mo na mahalin si Melvin, anak. Ibinibigay naman niya sa’yo ang lahat ng pangangailangan mo. Sobra-sobra pa nga,” sambit ni Aling Flor.

“Tingnan mo na lamang din ang buhay na mayroon kami ng tatay mo. Maging kami ay hindi niya pinababayaan. Hindi mo makukuha sa ibang lalaki ‘yan, anak,” dagdag pa ng ina. 

Naisip ni Royce ay marahil nga ay tama ang kaniyang ina at kailangan na niyang kalimutan ang naudlot na pag-ibig nila ni Renante. Pinilit niyang ituon ang kaniyang atensiyon sa kaniyang asawa kahit na sakal na sakal na siya sa pagtrato nito sa kaniya.

Isang gabi, habang pauwi sa mansyon ang mag-asawa galing sa isang pagtitipon ay walang humpay sa pag-aaway ang dalawa. Puno kasi ng pagseselos si Melvin dahil akala niya ay nakikipaglandian si Royce sa isang lalaki sa party gayong nagiging magalang lamang siya dahil nagtatanong ito.

Dahil sa kanilang lubusang pagtatalo ay hindi sinasadyang nabungo ang minamanehong sasakyan ni Melvin at napuruhan ang kaniyang asawa. Naapektuhan masyado ang ulo at mukha ni Royce at kailangan itong operahan. Dahil din sa tindi ng pangyayari ay nabaldado na siya.

Advertisement

Dito na nagsimulang magloko si Melvin. Madalas ay hindi na ito makatingin pa ng deretso sa kaniyang misis. Madalas din kung mag-uwi ito ng kung sinu-sinong babae. Hangang sa hindi na ito nakatiis at pinalayas na niya sa mansyon si Royce at ang mga magulang nito. 

Lubusan ang hinagpis na nararamdaman ni Royce. Pakiramdam niya ay hindi talaga siya minahal ni Melvin at talagang ang kagandahang pisikila lamang ang kinahumalingan nito. Walang araw na hindi siya naawa sa kaniyang sarili dahil sa kaniyang sinapit. Halos mawalan na siya ng gana na mabuhay pa.

Isang araw ay may hindi inaasahan na bumisita sa kaniya.

“Kahit talikuran ka ng lahat, narito pa rin ako. Wala akong pakialam kung ano na ang itsura mo, Royce. Ang mahalaga sa akin ay ikaw pa rin ‘yan,” sambit ng isang pamilyar na boses.

Paglingon ni Royce ay hindi niya inaasahan ang kaniyang nakita. Si Renante, ang dati niyang kasintahan ay nasa kaniyang tabi upang siya ay alagaan.

“Ako ang mag-aalaga sa’yo, Royce. Wala man akong kakayahan na ibalik ang kalagayan mo sa dati, o mabigyan ang pamilya mo ng masaganang buhay, pero nangangako ako sa iyo na kahit kailan ay hindi ako susuko. Kahit kailan ay hindi ako bibitaw sa’yo. Aalagaan kita hanggang sa gumaling ka,” sambit ng binata.

Napaluha na lamang si Royce sa kaniyang nairinig. Sa bandang huli rin pala ang kaniyang iniibig na si Renante ang magsasalba sa kaniyang kinalalagyan. Lubusan din ang kahihiyan na nararamdaman ng mga magulang ni Royce dahil sa naging pakikitungo nila noon kay Renante. 

Tinupad ni Renante ang kaniyang pangako kay Royce at hanggang sa gumaling ito at muling nakalakad ay inalagaan niya ang minamahal. Dahil dito ay napatunayan niyang wagas at tunay ang kaniyang pag-ibig para sa minamahal na si Royce.