
Ipinagkatiwala ng Babae ang mga Anak sa Kaniyang Asawa at Kapatid Upang Makapangibang Bansa; ‘Di Siya Makapaniwala sa Nadatnan sa Kaniyang Pag-uwi
Mabigat man ang mga paa ni Shaina na umalis patungo sa ibang bansa ay wala siyang magagawa sapagkat kailangan niyang buhayin ngayon ang kanilang pamilya. Natanggal kasi sa trabaho ilang buwan nang nakakalipas ang kaniyang asawa at mapa hanggang ngayon ay wala pa itong nakikitang hanapbuhay. Dahil sa matinding kakapusan na nararanasan ay napilitan ang ginang na maghanap ng trabaho bilang isang domestic helper sa ibang bansa dahil may mga anak siyang kailangan mag-aral at umaasa sa kanila mag-asawa.
“Dalawang taon lang mga anak. Mag-iipon lang si mama tapos ay babalik din ako,” lumuluhang nakikipag-usap si Shaina sa kaniyang mga anak na nagsisipag-iyakan din.
“Ikaw na ang bahala sa kanila, Mario. Pakikiusapan ko rin ang kapatid ko na punta-puntahan kayo sa bahay upang makatulong mo sa pag-aalaga sa mga bata. Huwag mo silang pababayaan,” bilin ni Shaina sa kaniyang asawa at tuluyan na siyang pumasok sa airport para lumipad pa-ibang bansa.
Hindi naging madali kay Shaina ang buhay sa ibang bansa. Lalo pa ang amo na napuntahan niya ay ubod ng higpit. Madalas ay marami itong pinapagawa sa kaniya at may pagkakataon pa na itinatago nito ang telepono ni Shaina kaya hindi na niya magawang makausap ng madalas ang kaniyang pamilya sa Pilipinas.
“Wala kasi ang amo ko ngayon kaya nakuha ko itong telepono ko. Pero saglit lang tayo makakapag-usap kasi baka mamaya ay bumalik siya at makita niyang nasa akin muli ang selpon ko. Baka kung ano ang gawin sa akin,” sambit ni Shaina sa asawa.
“Ayos naman ang mga bata. Natanggap namin ang padala mo. Pero nahihirapan kasi akong pagsabayin ang pag-asikaso sa lahat ng anak mo. Itong panganay natin ay pumapasok pa sa eskwelahan,” saad ni Mario.
“Sige, pakikiusapan ko na lang ang kapatid kong si Glydel na diyan muna siya sa atin para matulungan ka sa mga bata. Magpapadala na lang ako ng ekstra para kahit paano ay may maiabot sa kaniya,” wika ng ginang.
Kaya ganito na ang naging senaryo. Makalipas ng ilang araw ay tuluyan nang lumipat ang kanyang kapatid sa kanilang tahanan. Dahil dito ay naging panatag na si Shaina sa kalagayan ng kaniyang mag-aama.
Ngunit doble kayod ang naging kapalit naman nito para kay Shaina. Kailangan kasi niyang magpadala ng mas malaki ngayon sa kaniyang asawa sapagkat kailangan din niyang bigyan ang kaniyang kapatid.
Asang-asa si Shaina na nasa ayos ang lahat. Tumawag pa nga isang araw si Mario upang manghingi ng pampuhunan sa kaniya.
“May nakita kasi akong magandang negosyo. Malakas kasi ang bigasan dito, mahal. Kung makakapagsimula tayo kahit maliit, mas magkakaipon tayo at mas mapapadali na ang pag-uwi mo rito,” saad ng mister.
Naengganyo naman si Shaina. Sino ba naman kasi ang hindi nangarap na makasama ang kaniyang pamilya? Dahil dito ay napilitan si Shaina na bumale ng sahod sa kaniyang amo. Kapalit nito ay mas mabibigat na trabaho at minsa’y kawalan niya ng pagkain. Ngunit ang lahat ng ito ay tiniis niya para sa pangarap na makauwi siya agad.
Hanggang sa isang araw ay nakatanggap na lamang siya ng tawag mula sa kaniyang matalik na kaibigan.
“Shaina, kumusta ka diyan?” wika ni Terry, matalik na kaibigan ni Shaina.
“Ayos lang naman ako dito, mare. Ito ilang buwan na lang at makakauwi na rin ako. Nakita mo ba ang bigasan na ipinatayo ng mister ko?” pagmamalaki ng ginang.
“Oo, nakita ko. Nga pala, mare, napatawag ako kasi may gusto akong sabihin sa’yo. Ayaw ko kasing manggaling talaga ito sa akin, pero inuusig ako ng konsensya ko. Ang tingin ko kasi ay wala kang alam talaga sa mga nangyayari dito,” saad ng kaibigan.
“Ano ba ‘yun, mare? Huwag mo nga akong pakabahin. Sabihin mo na,” wika ni Shaina.
Doon ay inilahad ni Terry ang lahat ng katotohanan kay Shaina. Hindi siya makapaniwala sa lahat ng siniwalat sa kaniya ng matalik na kaibigan. Kaya nagdahilan siya sa kaniyang amo at mirakulo namang pinayagan siya na makauwi agad sa Pilipinas kapalit ay pagbalik niya’y mas hahaba pa ng kalahating buwan ang kaniyang kontrata.
Surpresang umuwi si Shaina sa kanilang bahay. Doon ay natagpuan niya ang kaniyang kapatid na si Glydel at ang asawa niyang si Mario na magkapisan sa kanilang kwarto. Tunay nga ang sinasabi sa kaniya ng kaibigang si Terry na may relasyon na ang dalawa.
At ang nasabing negosyong bigasan ay sinimulan lamang at hindi rin nagtagal ay nalugi din.
“Ang kakapal ng mga mukha n’yo!” nanggagalaiting sigaw ni Shaina sa kaniyang kapatid at asawa.
“Mga walanghiya kayo. Habang tiniis ko ang hirap sa ibang bansa ay nabubuhay kayo dito ng matiwasay gamit ang perang pinaghihirapan ko para sa mga anak ko! Mga demonyo kayo!” walang habas sa pagwawala ang ginang.
Hindi alam ni Mario at Glydel kung ano ang kanilang sasabihin dahil sa kahihiyan.
“Glydel, kapatid kita! Paano mo nagawa sa akin ito?!” patuloy sa pagwawala si Shaina.
“Ikaw, Mario? Wala kang kasing baboy! Hindi mo naisip na kapatid ko ‘yan!” bulalas niya sa asawa.
Sa gigil ni Shaina ay pinagtulakan niya palabas ng bahay ang dalawa habang sila ay walang saplot sa katawan. Nakita ng lahat ang kahihiyan na ginagawa ng dalawa. Dahil hindi matanggap ng ginang ang nangyari ay nagsampa siya ng kaso laban sa kaniyang asawa at kapatid.
Mula noon ay hindi na nagawa pang makalapit ng mga ito kay Shaina at sa mga bata. Muling nagbalik si Shaina sa ibang bansa at iniwan niya ang kaniyang mga anak sa pangangalaga ng kaniyang matalik na kaibigan. Minahal ni Terry at inasikaso ang mga bata na parang sarili niya itong kadugo hanggang sa makabalik na si Shaina nang tuluyan sa Pilipinas.
Ang naipon ni Shaina sa pangingibambansa ay ginamit niyang puhunan upang magtayo ng karinderya na pumatok naman sa mga tao sa kanilang lugar. Hindi iniinda ni Shaina na ngayon ay sapat lang ang kaniyang kinikita para sa kanila ng kaniyang mga anak. Ang importante sa kaniya ay kapiling at naaalagaan niya ang mga ito.