
Walang Kinatatakutan ang Binatang Ito Dahil sa Laki ng Kaniyang Katawan; Isang Sikreto ang Mabubunyag na Magpapatupi sa Kaniya
“Oh bakit? Papalag ka na ha? Ha? Sabihin mo lang, aba! Makakatikim ka sa akin!” palaging banat ni Manoy habang hinihimas-himas ang kaniyang malalapad na braso nito . Labing siyam na taong gulang, isang tambay sa kalye, matipuno at tunay namang malalaki ang pangangatawan nito.
Wala naman may gustong pumalag sa kaniya. Lahat ay natatakot sa kaniya kung kaya naman, kinakaya-kaya na lamang niya ang mga tao doon. Dito na nga ata nakuha ni Manoy ang lakas na kompiyansa sa kaniyang sarili. Ang turing niya sa kaniyang sarili, isang hari na hindi kailanman mapapabagsak. Wari isang pader na hindi matitibag.
Isang gabi ang dumating, habang siya’y nakatambay sa kalye, nasipat niya ang kaniyang ina na parang may hinahanap. Bigla na lamang siyang tumayo at nagpanggap na naghihikab.
“Antok na ako. Nakakabagot, wala man lang gusting pumalag sa akin kahit saan! Uuwi na nga lang ako. Oy, kayo! Magsi-uwi na rin kayo at baka kotongan ko kayong lahat diyan!” pagmamayabang ni Manoy sa kaniyang mga kasama. Agad din namang sumunod sa kaniyang ang mga ito kahit na sa tingin nila ay maaga pa naman ng mga oras na iyon.
Nang matiyak na wala na ang mga barkada, ibinaba ni Manoy ang nakatuping kamiseta niya. Tinanggal din niya ang panyong itinali niya sa kaniyang ulo upang magmukha pa siyang astig at malakas. Pagkatapos nito, muli niyang sinilip ang kaniyang ina. Huminga siya nang malalim bago tuluyang magpakita.
“Hoy! Manoy! Anak ng! Ikaw talagang bata ka. Anong oras na, yung pinggan doon, nakatengga lang. Anong oras mo balak hugasan ‘yon? Ikaw talaga, wala ka ng ginawa kundi ang lumabas ng bahay. Gusto mo ba dito ka na talaga tumira sa kalye?!” pagbubunganga ng kaniyang ina. Ngunit ang matikas na si Manoy, tupi sa kaniyang ina.
“Uuwi na po…” tanging tugon lamang ni Manoy sa kaniya.
Umuwi siyang nakayupyop sa sarili at simangot ang mukha. Ginawa niya ang mga gawaing bahay tulad ng paglilinis, paghuhugas, pati na pag aayos ng kanilang higaan. At kapag tulog na ang lahat, nag-eehersisyo nang malala si Manoy upang hindi kumupas ang matikas niyang pangangatawan.
Malaki man ang pangangatawan, malaki naman ang takot ni Manoy sa kaniyang ina. At iyon ang ayaw niyang ipaalam kahit na kanino man. Dahil nais niyang manatili bilang si Manoy na walang inaatrasan.
Ganito naman palagi ang nangyayari. Ginagawa ni Mano yang lahat ng kaya niyang gawin, mailayo lamang ang ina niya sa kaniyang mga barkada. Kahit na mapag-usapan, nagkukunwari lamang siya palaging naiinis ngunit ang totoo ay ayaw niya itong pag-usapan.
Dumating ang gabi na napunta sa usapan ng mga nanay ang magbabarkada. Ginagawa nilang katatawanan ang mga pangalan at pisikal na itsura ng kani-kaniyang ina. Noong una’y halos mawalan na ng hininga si Manoy kakatawa sa mga biro ng barkada, ngunit nang mabanggit na ang kaniyang ina, nagbagong bigla ang kaniyang emosyon. Bigla na lamang nito sinuntok nang malakas si Egoy na siyang nagbanggit sa pangalan ng kaniyang ina.
“Biruan lang naman, Manoy bakit ka napipikon, ha?!” gulat na wika ni Egoy matapos siyang makatanggap ng suntok kay Manoy. Kahit si Manoy ay nabigla sa kaniyang ginawa. Ngunit kailangan niyang panindigan ang kilos na ginawa.
“Oh, bakit, ha? Lalaban ka? Ha? Sige! Halika dito!” tugon naman ni Manoy sa kaibigan.
Tuluyan ng nagkainitan at napikon si Egoy sa ginawang pagsuntok sa kaniya. Ginantihan niya ng isang sapak si Manoy na nagpadugo ng ilong nito. Nang kapain iyon ni Manoy, muli niyang binalikan ng sapok si Egoy at tuluyan na silang nagkagulo. Gustuhin mang umawat ng mga barkada, hindi nila iyon magawa dahil baka sila ay madamay pa.
Ilang saglit pa, biglan dumating ang ina ni Manoy na mas ikinagulat ng binata. Nang masilayan na may dugo at mukhang lamog ang mukha ni Manoy, bigla na lamang napahawak ang ina sa kaniyang dibdib at tuluyan na itong nawalan ng malay.
Napabitaw si Manoy sa mahigpit na pagkakahawak niya kay Egoy. Bigla na lamang tumulo ang luha ni Manoy na parang isang sanggol na umaatungal. Nagtinginan ang lahat ng mga oras na iyon.
“Ambulansiya! Ambulansiya!” atungal ng binatang si Manoy.
Marami naman ang agad na kumilos upang tullungan ang kaniyang ina na madala sa ambulansiya. Ngunit naiwan si Egoy na pinagtatawanan si Manoy.
“Kunwari ka pa walang kinatatakutan! Iyaking bata ka naman pala eh! Hahaha!” patuloy na pagkutya ni Egoy sa binatang si Manoy.
Sa silid ng ospital, muling nagkamalay ang kaniyang ina. Nakahawak siya sa mga kamay nito at patuloy lamang sa pag atungal na parang isang bata.
“Ma, ma? Gising ka na po? Sorry, ma. Sorry po talaga. Hindi na po mauulit,” tanging mga bigkas ni Manoy sa kaniyang ina.
Hinawakan nito ang mukha ni Manoy at napaluha na rin nang makita ang lamog na mukha ng anak.
“Ayos lang ako, Noy. Ikaw? Masakit ba?” nag-aalalang tanong nito sa kaniyang ina. Nag iyakan ang mag ina sa loob ng silid na iyon. Doon nila napatunayan kung gaano nga talaga nila kamahal ang isa’t isa.
Lumipas ang isang linggo, halos hindi umaapak sa labas ng bahay si Manoy. Parati lamang itong nakayupyop sa kaniyang ina at nilalambing ito.
Isang araw, dumating ang mga barkada ni Manoy sa kanilang bahay. Subalit ayaw niya itong makita dahil alam niyang pagtatawanan lamang siya ng mga iyon.
Ilang sandali lamang, pumasok na ang mga iyon sa loob ng kanilang bahay.
“Manoy? Manoy?” isa isang tawag ng lahat sa kaniyang pangalan.
“Hindi ka namin pagtatawanan. Hindi ka namin huhusgahan tulad ng ginawa ni Egoy. Kundi gusto naming sabihin sa iyo na hanga kami sa pagmamahal mo sa nanay mo. Kasi kahit alam mong kaya mong labanan ang nanay mo, nananatili kang magalang at masunurin sa kaniya. Natutunan namin iyon dahil sa’yo…” paliwanag ng isa sa kaniyang barkada.
Napalingon siya sa mga iyon at isa-isa silang nagngitian sa isa’t isa. Doon mas naging panatag ang kalooban ni Manoy. Ngayon ay hindi lamang siya nagkaroon ng maayos na relasyon sa kaniyang ina, nagkaroon din siya ng mga totoo at tunay na kaibigan.