Inday TrendingInday Trending
Mula nang Umuwi Galing Maynila ay Palagi nang Aligaga ang Babae; Nagulat ang Lahat Nang Malaman ang Sinapit Nito

Mula nang Umuwi Galing Maynila ay Palagi nang Aligaga ang Babae; Nagulat ang Lahat Nang Malaman ang Sinapit Nito

Pawis na pawis at bakas sa mukha ng dalawampu’t pitong taong gulang na babae ang takot at kaba nang buksan niya ang pinto ng kanilang tahanan. Naroon nakaupo ang dalawa niyang anak, ina na may sakit at kapatid na siyang binilinan niya sa mga ito.

“Oh, Ate Tess? Ano ang nangyari? Bakit bigla ka ata napauwi?” nagtatakang tanong ng kaniyang kapatid.

Huminga siya nang malalim at itinuon ang buong atensiyon sa kaniyang kapatid.

“Umalis na ako sa amo ko sa Maynila, Yan. Nakaipon naman kasi ako sapat na para makapagsimula ako ng tindahan para mabuhay tayo.” Tugon naman niya sa kaniyang kapatid.

Subalit hindi natahimik si Tess simula ng iapak niya ang mga paa sa kanilang bahay. Nakatingin lamang ito sa kawalan at parang laging nagugulat sa tuwing may tatawag ng kaniyang atensiyon.

Binalot ni Tess ang lahat ng kanilang gamit sa buong bahay. Mga importanteng papeles at mga kagamitan na maaari nilang bitbitin. Kahit na puro tanong ang kapatid niyang si Yan, bigo iyong makatanggap ng anumang tugon mula sa ate na balisa.

“Bukas na bukas din ay aalis na tayo. Unang alis ng bus. Doon muna tayo sa probinsya ng tatay natin…” paliwanag niya sa kapatid na Yan. Sa kabilang banda, inaalala nila ang ina na hindi na nakakatayo at nakakausap nang maayos. Kasama iyon sa mga plano ni Tess- ang mapagamot ang kaniyang ina.

Lumipas ang buong gabi na alalang alala na si Yan sa kaniyang ate. Ramdam niya ang takot nito sa bawat kinikilos nito. Halos hindi iyon natulog ng buong gabi. Kung may kaunting kuskos, agad iyong tumatayo at sumisilip silip sa kanilang bintana.

Bago pa man sumikat ang liwanag, dalawang tao na kasama ang mga barangay tanod ang akmang papalapit sa tahanan nila Tess. Nang makita iyon mula sa bintana nila, walang pakuwari at bigla itong umalis ng kanilamng bahay matapos sabihin kay Yan na sabihin sa mga taong iyon na wala siya doon at hindi pa umuuwi.

Walang kaalam alam ang kapatid na si Yan. Ngunit malakas ang kaniyang kutob na mayroong masamang nangyari na sangkot ang kaniyang ate. Kung ano man iyon, isang bagay na hindi niya maarok dahil alam niya naman kung gaano kabuti ang loob ng ate.

Ilang sandali pa, kumatok ang dalawang taong naka-pormal na suot at mga barangay tanod sa kanilang pintuan. Tulad ng inaasahan, hinahanap ng mga taong iyon ang kaniyang ate. Subalit itinanggi niya na alam niya kung nasaan ang kinaroroonan ng kapatid. Nag-iwan lamang ng numero ang mga taong iyon kay Yan na siyang tinago naman niya sa kaniyang damitan.

Sumikat ang araw, ang kanilang planong pag alis ay nabulahaw ng mga taong dumating nung madaling araw. Wala pa ring senyales ng kaniyang kapatid. Puno ng pag-aalala ang dalagang si Yan para sa kaniyang ate. Subalit naniniwala siyang magiging ayos din ang lahat.

Palubog ng muli ang araw subalit wala pa ring Tess na nagpaparamdam. Kahit na isang tawag o mensahe sa selpon ay wala itong ipinaparating. Hindi na alam ni Yan ang gagawin o kung ano ang mararamdaman. Sa pagkakataong ito, siya naman ang aligaga sa loob ng kanilang bahay at maya maya ang pagsilip sa kanilang munting bintana.

Huminga nang malalim si Yan at nagdasal na ingatan ang kaniyang kapatid. Maya maya’y bigla na lamang may kumatok sa kanilang pinto- si Tess! Mabilis niyang binuksan ang pinto at sinilip kung mayroong nakakita sa kaniya doon.

“Ate! Sabihin mo nga, ano ba talagang nangyayari? Bakit ka pinaghahanap ng mga taong iyon kagabi? Ano’ng nangyari sa Maynila?!” pagmamataas ng boses ni Yan sa kaniyang ate. Alam niyang mali iyon, ngunit pinapangunahan na siya ng takot. Napaupo ang kaniyang ate at natulalang muli.

“Hindi ko alam. Hindi ko alam, Yan… Pagdating ko sa silid ni madam hindi na siya humihinga… Hinatid ko lang iyong pagkain at wala akong ibang ginawa sa kaniya…” pautal utal na wika ni Tess sa kaniyang kapatid na unti-unting iniintindi ang kaniyang mga sinabi.

“Nasabi mo sa akin kung gaano ka kagalit sa amo mo, ‘te… Anong ginawa mo? Nilason mo ba? Ano ate?” marahang tanong ni Yan na may halong pagdududa sa kaniyang ate.

Sinuklian siya ng malalim na tingin ni Tess kasabay ng pagluha nito.

“Kahit na anong sama ng ugali ng matandang iyon, hinding hindi ko kayang gawin iyon, Yan! Alam mo ‘yon. Sana kahit ikaw maniwala sa akin. Parang awa mo na…” pagmamakaawa ni Tess sa kaniyang kapatid na noo’y naluluha na rin.

Lumabas sandali si Yan upang makahinga nang maluwag. Masyadong mabigat ang lahat ng kaniyang narinig mula sa kaniyang ate. Alam niya kung gaano kinamumuhi ng ate niya ang kaniyang amo kung kaya pati siya, ay nahihirapang paniwalaan ang ate. Subalit hindi matatapos iyon kung tatakbo lamang sila at hindi aalamin ang tunay na nangyari. Umaasa pa rin ang dalaga sa kabutihang taglay ng kaniyang ate.

Kinuha ni Yan ang numerong iniwan ng mga naghahanap sa kaniyang ate. Nakipagkita siya sa mga iyon at inalam ang pakay niyon. Naluluha nang husto si Yan habang siya’y naglalakad pauwi sa kanilang bahay.

Dahan-dahan ang kaniyang pagkatok na pinagbuksan naman ni Tess. Nang magkita ang dalawa, kitang-kita ni Tess ang namumulang mga mata ng kapatid at ang lungkot sa mga mata nito. Niyakap siya nang napakahigpit ni Yan.

“Ate… Sorry… Sorry…” paulit ulit na bigkas ni Yan.

“H-ha? Bakit? Iyong kanina? Ayos lang iyon. Basta maniwala ka sakin ha? Maniwala ka sa ate mo,” tugon naman ni Tess sa kaniya.

Maya-maya pa ay nagpakita sa likod ng pinto ang dalawang lalaking naghahanap kay Tess. Ikinagulat iyon nang husto ni Tess. Akma na sana siyang luluhod upang magmakaawa, biglang nagsalita ang isa sa mga ito.

“Ms. Maritess Dela Cruz? Ang tagal na po namin kayong hinahanap. Kailangan niyo pong magpunta sa Maynila upang pirmahan ang mga papeles na sa inyo ipinamana ng pumanaw na si Mrs. Sherlyn Gonzales.” Mga salitang nagpagaan ng bigat at lungkot na nararamdaman ng dalawang magkapatid.

Doon napag alaman ni Tess na inatake pala sa puso ang kaniyang amo. At dahil nag-iisa sa buhay, hindi niya akalaing ang mga taong ibinuhos niya sa pag-aalaga sa matanda ay magbubunga ng yaman na inaasam-asam niya para sa kaniyang pamilya.

Advertisement