Dalawang Beses Nakatanggap ng Engagement Ring ang Babaeng Ito Mula sa Lalaki; Ang Una ay Aksidente, ang Pangalawa ay Tadhana

“Ay wala na po kaming bakanteng posisyon Ma’am,” sabi ng tauhan ng huling restaurant na pinuntahan ni Rhina. Ginabi na siya sa paghahanap ng trabaho, ngunit naubos na lang lahat ang laman ng kaniyang pitaka ay bigo pa rin siya.

Bitbit ang envelope na naglalaman ng mga kinakailangang papeles ay bagsak ang balikat na nagpasya ang 25 anyos na dalaga na maglakad na lang pauwi pabalik sa maliit na apartment na inuupahan. Mukhang hindi pa doon natatapos ng kamalasan niya dahil biglang umulan nang malakas at wala siyang payong.

Patakbong sumilong ang dalaga sa harap ng isang restaurant. Nasa sikat na lugar siya sa Maynila kung saan naroon ang ilang mga pansosyal na kainan. Nakita niyang may isang grupo ng mga tao ang lumabas mula doon. Magaganda ang mga kasuotan ng mga ito, halatang mga anak-mayaman. Mabuti pa ang mga ito, walang ibang pinoproblema sa buhay. Nagkandakuba ang ama at ina niya mapagtapos lang siya ng kolehiyo, akala niya’y ayos na, iyon pala ay mahirap pa ring makahanap ng trabaho kahit may diploma.

Napatitig na lang siya sa basang sapatos na kabibili niya lang ngunit halos pudpod na. Nagulat siya nang biglang may maaninag na makinang na bagay na gumulong sa paanan niya. Pinulot niya iyon at ‘di siya makapaniwala sa nakikita. Isa iyong singsing na may malaking diyamante sa gitna!

“Sorry Jake, nagbago na ang isip ko. Ayaw na kitang pakasalan!” narinig niyang sabi ng isang babae sa gilid niya. Nakaluhod ang isang lalaki sa harap nito habang hawak pa ang kahon ng singsing na malamang ay itinapon ng babae.

“Dahil ba sa kalagayan ng kompanya? I promise you babalik ang lahat ng iyon,” sabi pa ng lalaking tinawag na Jake. Lubos itong nagmakaawa. Napakamateryosa naman ng babaeng ‘to, sa isip-isip niya. Base sa usapan ng mga ito ay ayaw magpakasal ng babae dahil malapit nang bumagksak ang kompanya ng lalaki.

“Tsk, tsk. Iba na talaga panahon ngayon ‘no? Mas mahalaga na ang salapi kaysa pag-ibig. Eto pala,” sabi niya sabay abot kay Jake ng mamahaling singsing. “Kung ako sa’yo, benta mo na lang ‘to, ganda pa naman,” sabi niya. Nag-alangan siya nang bigla itong tumayo sa pagkakaluhod at nakakunot ang noong tumingin sa kaniya.

“Iyo na ‘yan,” iyon lang ang sinabi nito at saka sumakay na sa isang magarang kotse na nakaparada.

Advertisement

Hindi makapaniwala si Rhina, instant swerte dahil for sure malaking pera ang halaga ng singsing! Ngunit sa hindi malamang kadahilanan, ay hindi niya magawang ibenta ang singsing, bagkus ay itinago niya na lang ito.

Sa mga nakalipas na araw ay tila ba may dalang swerte sa kaniya ang singsing dahil nakakuha siya ng trabaho sa isang magandang kompanya. Dahil likas na masipag at mahusay, ilang taon lang ay napromote na siya sa mataas na posisyon.

Araw ng kaniyang promosyon, habang papunta sa opisina ng kaniyang boss ay nahagip ng mata niya ang isang binata na pumasok doon. Hindi siya pwedeng magkamali, iyon ang lalaking nagbigay sa kaniya ng singsing!

Ipinakilala sa kanila ng boss na iyon daw ang anak nitong kababalik lamang mula sa ibang bansa. Naroon ito upang itake-over ang kompanya. Hindi makapaniwala si Rhina na makakatrabaho niya si Jake. Ngunit tila bumigat ang kaniyang balikat ng makitang hindi na siya nito naalala. Doon niya lang napagtanto na hindi lang ang singsing ang itinago niya, kung hindi ang munting hiling sa kaniyang puso na magtagpo muli sila ng lalaking nagbigay ng swerte sa kaniya.

Dahil araw-araw silang magkasama sa trabaho ay unti-unting nahulog ang loob nila sa isa’t isa. Hanggang umabot nga sa punto na niligawan siya ng binata at naging nobya siya nito. Tatlong taon ang nakalipas ay dinala siya nito sa restaurant kung saan sila unang nagkita.

“Hmm. Madalas ka ba dito sa resto na ‘to?” tanong niya.

“Isang beses pa lang, bakit mo natanong babe?” sabi nito na may nakapaskil na ngiti sa labi.

“A-ahm, wala naman,” nahihiya niyang sabi. Naalala niya pa noong binigay nito sa kaniya ang engagement ring. Kita niya ang lungkot nito noon, ngunit ngayon ay masaya siyang malaman na isa siya sa mga dahilan ng ngiti nito ngayon.

Advertisement

Anibersasyo nila ngayon kaya’t di niya mapigilang isipin na baka alukin na siya nito ng kasal. Ngunit natapos na’t lahat ang kanilang dinner ay wala itong nabanggit sa kaniyang anuman tungkol doon. Ayos lang naman sa kaniya iyon ngunit nakaramdam pa rin siya ng kaunting bigat sa dibdib. Pagsakay niya ng kotse ay pilit na binalik niya ang ngiti, ang mahalaga ay masaya silang nagmamahalan. Hindi niya hahayaang isipin nito na may iba pa siyang habol dito bukod sa pagmamahal. Nagtaka si Rhina nang ilang sandal na ang lumipas ngunit hindi pa sumasakay sa kotse ang nobyo. Paglabas niya ng kotse upang silipin ito ay napatakip siya ng bibig sa nakita.

Nagpalakpakan ang kanilang mga kaibigan, may mga hawak na rosas pa ito na isa-isang inabot sa kaniya. Habang si Jake ay lumapit sa kaniya at lumuhod. Halos sumabog ang kaniyang puso sa tuwa kaya’t di siya makapagsalita.

“Rhina, mahal ko, hindi ko alam kung naaalala mo, ngunit ito ang pangalawang pagkakataon na bibigyan kita ng engagement ring.” Narinig niya ang pagkamangha ng mga tao sa paligid. “Ngunit kung noon ay ibinigay ko yun ng puno ng hinanakit ang puso, ngayon ay wagas na pag-ibig ang kalakip nitong singsing na ito. Will you marry me?” Tango at luha lamang ang naisukli niya dito.

Pagkatapos ng kasal ay nabuhay ang dalawa na puno ng pag-ibig sa puso. Ipinakita ni Rhina ang unang engagement ring na ibinigay sa kaniya ng asawa. Nagpasya silang itago iyon bilang tanda ng una nilang pagkikita, na nauwi sa tunay na pagmamahalan. Kumbinsido siya na hindi swerte, kung hindi tadhana ang nagdala sa kanila kung nasaan sila ngayon.