Labis na Panlalait ang Tinanggap ng Lalaki Dahil Lamang Mahina ang Kaniyang Utak; Tameme Sila nang Bigla Itong Yumaman at Naging Matagumpay

“Mahina kasi ang utak mo!”

“B*bo kasi e.”

“Utak-biya, hindi man lang namana ang talino ng pamilya.”

Ilan lang iyan sa mga masasakit na salitang naririnig ni Carlo galing sa pamilya at sa ibang tao. Aminado naman siya na hindi tulad ng mga ate, kuya, pinsan at ilang mga kaibigan, hindi talaga siya ganoon katalino. Ngunit labis na panglalait ang kanyang natatanggap dahil dito.

“Yuck! 75 lang pala ang grade mo. Mabuti pa, bumili ka na ng isang box ng floor wax para naman maging 79 pa ‘yan,” kantyaw ng isang kaklase. Dahilan para pagtawanan siya ng ilan pang mga kamag-aral sa elementarya.

Isang araw, umuwi si Carlo dala-dala ang test paper na may markang 82%. Pinakamataas na markang nakuha niya sa buong grading. Sabik na sabik siyang ipakita ito sa kanyang ina. Ngunit ang maaliwalas na ngiti ay biglang napawi nang makita ang reaksyon ng ina.

“Mama, tingnan mo! Mataas ang nakuha ko ngayon!” tuwang-tuwang sigaw ni Carlo.

“Ano ito?! 82 lang ang nakuha mo? Aba naman, Carlo! Iyan lang ba ang kaya mo?” galit na tugon ng ginang.

Advertisement

“P-pero mama…” naiiyak na sabi ng bata.

“Ang mga kuya at ate mo, 99 at 100 ang palaging iskor sa exam, pero ikaw, hindi ka man lang makalapit sa galing nila! Kung kanino ka ba kasi nagmana!” inis pa bulyaw pa ng ginang.

Napatahimik na lang si Carlo at malungkot na nagtungo sa kanyang kwarto.

“Gusto ko lang naman maging proud kayo sa akin…” mahinang bulong ng bata habang umiiyak.

Sinubukan ni Carlo na maging masigasig sa pag-aaral, ngunit mahina talaga siya sa akademiko. Ngunit hindi naging balakid iyon para panghinaan siya ng loob.

Nakapagtapos si Carlo ng hayskul at nakapasok sa isang magandang unibersidad. Kumuha siya ng kursong Business Administration Major in Financial Management, pero hindi niya inaasahan ang reaksyon na matatanggap mula sa pamilya.

“Ano naman mapapala mo riyan sa kurso mo? Sabagay, iyan lang naman ang kaya ng utak mo,” sabi ng ate ni Carlo.

“Baka nga ‘di pa kayanin ng utak e. Dapat pumili ka ng mas madali pa!” sabat naman ng kanilang kuya.

Advertisement

“Hindi ka man lang pumili ng course na secured ang future mo. Anong klase ‘yan? Ang ate mo med tech, ang mga kuya mo engineering at medicine naman. Kailan mo ba kami bibigyan ng rason para maging proud sa’yo? Hay nako!” galit na sermon naman ng ama.

Hindi na makakibo si Carlo. Pakiramdam niya’y wala na siyang kakampi sa kahit sino sa kaibigan at pamilya. Nanliliit na rin ang tingin niya sa sarili. Bakit ganoon kababa ang tingin sa kanya? Lahat naman ay ginawa na niya.

Kahit na ilang beses na manaliit at pilit ibinababa, hindi naman nam*tay ang apoy sa puso ni Carlo na balang-araw, may mapapatunayan rin siya.

Hindi naging madali ang buhay kolehiyo ng binata. Nandoon ang ilang beses siyang bumagsak. Karamihan sa grado niya ay pasang-awa, ngunit buo talaga ang kanyang loob na makatapos at hindi siya titigil hangga’t wala pa siyang maipagmamalaki.

“Ang ate mo dean’s lister tapos ang kuya mo iskolar, pero bakit ikaw bumabagsak pa? Aba, ang dali na niyang kurso mo ha!” bulyaw muli ng ina ni Carlo.

“Mama, ginagawa ko naman ang lahat. Sana naman makita niyo iyon. Napapagod rin po ako. Hindi ako si ate at kuya, pero ma, inaayos ko pa rin naman po,” malungkot na tugon ng binata.

“Sumasagot ka pa ha? Dapat lumaklak ka ng sampung banig ng brain enhancer nang may maganda namang idulot sa utak mo. Nakakahiya na puro ka kapalpakan!” saad pa ng ginang.

Huminga na lang ng malalim si Carlo at hindi na sumagot pa. Palagi man napag-iinitan, hindi nawala ang respeto niya sa mga magulang at kapatid. Nandoon pa rin ang pagmamahal niya, kaya kahit masakit minsan, tinitiis niya.

Advertisement

Nagtiyaga si Carlo at pinilit na iginapang ang sarili upang makatapos. Nang mag-thesis siya, doon niya naramdaman ang paglagapak ng sobra.

Hindi sumipot ang isa sa kagrupo ni Carlo para sa thesis defense. Inunahan naman siya ng kaba noom kaya’t hindi niya nasagot ang lahat ng tanong. Sa unang pagkakataon, pinanghinaan ng loob si Carlo. Bumagsak siya sa thesis at hindi naka-graduate.

“Thesis na lang, ibabagsak pa!” komento ng kanyang pamilya sa kanya.

Iyak nang iyak si Carlo. Para bang pinagsakluban siya ng langit at lupa.

“Panginoon, galit po ba Kayo sa akin? Ano ang dahilan at nagkakaganito ako? Ano ang plano Mo sa akin?” iyak ni Carlo sa Diyos.

Habang naglalakad pabalik sa unibersidad nabasa niya sa likod ng isang tarapal ng tricycle ang mensahe mula sa Bibliya.

“Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin. –‭‭Mga Taga-Roma‬ ‭8:28”

Napangiti si Carlo sa nabasa. Doon, muli siyang tumawag at nagpasalamat sa Diyos. Alam niyang nangusap ang Panginoon sa kanya.

Advertisement

Nabuhayan ang binata ng loob at muling sinubukan na ayusin ang kanyang thesis. Sa kabutihang palad, nakatapos siya at natanggap ang Best Thesis Award. Hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyaring iyon.

Lumipas pa ang mga panahon. Nakapagtrabaho si Carlo sa Australia bilang manager ng isang fast food restaurant. Nagsumikap siya doon at nag-ipon.

Dahil sa determinasyon at tiyaga, napagpatayo si Carlo ng isang milk tea shop, coffee and pastry shop, pati na rin ng isang Filipino cuisine at eat-all-you-can buffet! Umuwi siya sa Pilipinas upang tumutok sa mga bagong bukas na negosyo. Labis-labis ang pasasalamat niya sa Diyos sa nag-uumapaw na biyaya.

Hindi siya matalino, ngunit sa isang bansa kung saan ingles ang lenggwahe siya nakapagtrabaho at nakaipon. Mas matagumpay pa nga siya kumpara sa mga kapatid at ilang kaibigan na noon ay nanlait sa kanya. Sipag, determinasyon, tiyaga at tiwala sa Diyos lamang talaga ang sangkap para sa isang matagumpay na buhay.

Matapos ang napakahabang panahon, narinig ni Carlo ang mga salitang kay tagal-tagal na niyang inaasam mula sa pamilya: “Carlo, proud na proud kami sa’yo at sa narating mo!”

Sa pagbabalik-tanaw ni Carlo, nakangiti niyang binalikan ang mga masasakit na salitang natanggap, dahil iyon ang naging daan upang maging matagumpay siya ngayon.

Tunay rin ang pangako ng Diyos sa atin. Sa Kanyang salita sinabi niya:

“Sapagkat ang nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas. – Lucas 14:11”

Advertisement

Pilit ibinaba si Carlo noon, ngunit itinaas naman siya ng Diyos ng sobra at ngayo’y tinitingala na ng mga taong minsan siyang hinila pababa.

Kung ikaw man ay nakakatanggap ng panglalait o pang-aapi, piliin mong maging matatag at tumawag sa Diyos. Kakatagpuin ka Niya sa lahat ng iyong pangarap at naisin. Pilit ka man ibinababa ng mga tao sa iyong paligid, itataas ka naman ng Diyos na nagmamahal sa ating lahat.