Nangalakal na ng Basura ang Lalaki Para Lamang sa Ikabubuhay ng Kaniyang Anak, Hindi Inaasahan ang Isusukli Nito sa Kaniya

Dalawang taong gulang pa lamang noon si Julian nang pumanaw ang kaniyang ina dahil sa isang malalang karamdaman na dumapo rito. Naiwan siya at lumaki sa pangangalaga ng mabait at masipag na amang si Tatay Noreng. 

Hindi na nag-asawa pang muli si Tatay Noreng dahil para sa kaniya, hindi mapapalitan ang pagmamahal sa kaniyang puso para sa yumaong asawa. Ibinuhos na lamang niya ang oras sa paghahanapbuhay at pag-aalaga sa nag-iisang anak. 

“Anak, kapag nakahanap na si tatay ng maayos na trabaho, pangako ikakain kita sa masasarap na kainan sa may bayan. Tapos bibilhan kita ng mga laruan na gusto mo,” nakangiting wika ni Tatay Noreng. 

“Talaga po, tatay? Wow! Gusto ko yung burger at manok na baon lagi ng kaklase ko ‘tay ha?” tuwang-tuwang sabi naman ni Julian na pitong taon pa lamang noon. 

“Oo naman, anak. Basta gagawin ko ang lahat upang mabigyan ka ng magandang bukas. Gaya ng ipinangako ko sa nanay mo,” saad pa ng ama. 

“Pangako ko rin po na mag-aaral akong mabuti tay. Magiging proud kayo sa akin balang-araw!” purisigidong sabi ng bata.

Napangiti lamang ang ama at saka yumakap ng mahigpit sa anak. Hirap na hirap na kasi siyang humanap ng permanenteng trabaho at pagod ka rin ang kaniyang katawan kumita lamang ng pera sa mga mabibigat na paraan. Tanging sa anak na lamang siya kumukuha ng lakas upang suungin pa ang kahirapan ng buhay. 

Isang gabi umuwi si Tatay Noreng, dala-dala ang isang supot ng fried chicken. Humahalimuyak ang nakakagutom na amoy nito kaya’t nagmadaling lumapit si Julian.

Advertisement

“Tay! Ang bango naman niyan!” nakangiting sabi ng bata.

“Binili ko talaga para sa iyo ito. Halika at kumain ka na habang mainit pa. Marami pa naman ata ang natira sa sinaing natin kanina,” pag-aaya ng ama.

Inilagay ng ama ang hita ng manok sa plato ng anak at saka nilagyan ng maraming kanin.

“Kumain ka ng marami anak ha? Sa susunod mas masarap pa riyan ang iuuwi ko,” maligayang wika ng ama.

“Salamat po, ‘tay! Ang sarap po nito. Pero bakit iyan lamang po ang kinakain ninyo? Ayaw niyo po bang pumarte rito sa manok ko?” tanong ng bata habang minamasdang kumain ng kanin na binudburan lamang ng asin ang ama. 

“H-hindi naman, anak. Makita lamang kita na busog at masaya, ayos na ako,” tugon naman ng ama.

Sabik man sa masarap na ulam, pinili na lamang ni Tatay Noreng na magtiis sa binudbod na asin at iyon ang ulamin upang makakain lamang ng masarap ang anak.

“Tay, eto po,” tumayo si Julian at saka binigyan ng malaking parte ng manok ang ama. “Gusto ko kapag mayroon ako, mayroon din po sana kayo, tay…” nakangiting sabi pa nito.

Advertisement

Napangiti naman ang lalaki sa ginawa ng anak. Salat man sila sa buhay, nag-uumapaw naman ang pagmamahal sa puso nila. Hindi man nila makain ang pinakamasasarap na pagkain, ngunit busog na busog naman sila sa kagandahang loob at pag-ibig.

Minsan habang naglalakad pauwi galing sa eskwela ang batang si Julian, nakita niya ang ama na nagbubungkal ng basura sa ‘di kalayuan. Nais sana niya itong tawagin, ngunit pinili niyang manood na lamang dahil ayaw niyang mapahiya ang ama sa ginagawa.

Suot ni Tatay Noreng ang luma at butas-butas na t-shirt at pantalon na kupas na sa kalumaan. Pudpod na rin ang swelas ng tsinelas na tila ba ilang hakbang ay mabubutas na. 

Hindi sinasadyang napalingon noon si Tatay Noreng sa direksyon kung saan nakaupo at nanonood ang anak. Halos mamutla siya sa gulat nang mamasdan na nakatitig pala sa kaniya si Julian. 

Marahan namang lumakad ang bata patungo sa kaniyang ama. 

“T-tay…”

“Anak. Nariyan ka pala. Nakakahiya naman ang nakita mo pa akong naghahalungkat ng basura rito. Pasensiya ka na. Kailangan kasi ni tatay mangalakal para mayroon dagdag pangkain,” nahihiyang sabi ng ama.

Ngumiti lamang si Julian at patakbong yumakap sa ama. Medyo nailang pa noon si Tatay Noreng dahil baka kumapit sa kaniya ang amoy ng mga basura mula sa pangangalakal.

Advertisement

“Marangal ang ginagawa ninyo, ‘tay! Hindi ko kailanman ikinakahiya ang trabaho niyo. Proud po ako sa inyo tatay!” masiglang wika ng anak sa kaniyang ama.

Inilapag ni Julian ang dalang bag at saka hinubad ang polo. Sinamahan niyang magkalakal ang ama. Bago lumubog ang araw ay masayang kumita ng halos dalawang daan ang mag-ama mula sa mga ibinentang bote,/plastic at mga bakal.

Masaya nilang pinagsaluhan ang mainit na lugaw na may itlog sa kanilang hapunan.

Ginawa ni Julian na inspirasyon ang ama upang magsumikap pa sa pag-aaral. Sa kaniyang pagtatapos sa elementarya, nagkamit siya ng pinakamataas na parangal at nag-uwi pa ng napakaraming award.

Nagtapos din si Julian na valedictorian noong hayskul at nakakuha ng iskolarsyip para sa kaniyang pag-aaral ng kolehiyo.

Pumasok sa konstruksyon si Tatay Noreng at taga buhat naman sa palengke kapag mayroong pagkakataon. Ngunit isang masamang pangyayari ang naganap.

Nahulog mula sa ikalawang palapag si Tatay Noreng dahilan upang magtamo siya ng matinding pinsala sa katawan. Nabalian siya ng buto sa may paa at kamay, ngunit pinalad pa rin na mabigyan ng pangalawang pagkakataon upang mabuhay.

“Pasensiya ka na, anak ha? Abala ka na nga sa part time work at pag-aaral mo, dumagdag pa akong pabigat sa iyo,” pahayag ni Tatay Noreng sa anak na hindi makakilos dahil sa pinsala sa katawan.

Advertisement

“Wag naman kayo magsalita ng ganyan, ‘tay. Mahal ko kayo at responsibilidad kong alagaan kayo. Narito ako ngayon, maayos at malusog dahil sa inyo. Utang ko sa inyo ang lahat, ‘tay. Kaya ‘wag sana kayo mag-isip ng ganiyan,” wika naman ni Julian. 

Tunay ngang naging mabigat para sa binata na pagsabay-sabayin ang pag-aaral, part time job at pag-aalaga ng ama, ngunit kahit ganoon, nanatili siyang positibo at kumapit sa pangako ng Diyos.

Taong 2013, nagtapos si Julian na Summa Cum Laude sa unibersidad na kaniyang pinag-aralan. Bumuti naman din ang kalagayan ni Tatay Noreng at muli nang nakakagalaw nang normal.

Sa unang sweldo ni Julian nang makakuha ng trabaho ay isang surpresa inialay niya sa ama.

Kumain sila sa isang masarap na restawran at doon in-order ang lahat ng naisin ng ama.

“Napakarami naman nito, anak! Ang sasarap pa lahat! Baka mahal ang bayaran mo dahil dito ah?” pag-aalala ng ama.

“Tay, treat ko iyan sa’yo. ‘Wag kayong mag-alala, simula ngayon, masustansya at masasarap na pagkain na ang ihahain ko sa inyo, ‘tay. Katulad kung paano kayo magsakripisyo noon, makakain lamang ako ng masustansya at masarap,” pahayag ni Julian.

Mangiyak-ngiyak naman si Tatay Noreng sa naririnig. Labis na galak ang kaniyang nadarama.

Advertisement

Hindi pa doon natatapos ang sorpresa. Lumabas ang ilang crew na may dala-dalang cake at umaawit ng ‘Happy Birthday.’

“Nakalimutan niyo po ata na kaarawan niyo ngayon. Happy Birthday po, ‘tay!” pagbati ni Julian. 

Inilabas ng binata ang mga paper bag na may laman na bagong sapatos, sumbrero at mga damit, regalo niya para sa kaniyang ama.

“Sobra-sobra na ata ito, anak. Maraming salamat ha?” umiiyak na pahayag ng matanda.

“Nagtiis kayo sa paulit-ulit na sirang mga damit at pudpod na tsinelas, kaya ngayon, ‘tay, ibibigay ko po lahat ng karapatdapat para sa inyo.

Buong buhay niyo, ako at ang kapakanan ko ang inalala niyo, ngayon, ako naman po ang babawi sa inyo. Maraming salamat sa lahat, ‘tay. Mahal na mahal ko po kayo!” lumuluha ring yumakap si Julian sa ama ng mahigpit.

Matapos ang dalawang taon na pagtra-trabaho dito, lumipad si Julian patungong Australia at doon nakakuha ng maayos na hanapbuhay.

Isinama rin ng binata ang ama at doon nanirahan habang naghahanapbuhay. Nakabili na sila ng bahay roon at sasakyan. Ngayon ay nag-iipon na lamang din si Julian ng sapat na pera upang magtayo ng negosyo sa Pilipinas. Nakabili na rin sila ng bahay at lupa sa isang subdibisyon sa Antipolo, Rizal.

Advertisement

Marami man pinagdaanan sa buhay, iba’t ibang pagsubok man ang kinaharap, nakangiti pa rin na sinalubong ng mag ama at tagumpay sa buhay.