
Pilit Hinanap ng Dalagang Ampon ang Kaniyang Tunay na Ina, Hindi Niya Inaasahan ang Rebelasyon nang Matagpuan Ito
Lumaki si Grace sa isang may kaya at mapagmahal na pamilya. Lahat ng pangangailangan niya ay natutustusan ng mga magulang. Kung mayroon siyang bagay na nais mabili, agad naman naibibigay sa kaniya. Maginhawa ang kaniyang buhay at tila ba prinsesa dahil nag-iisa lamang siyang anak.
Wala naman nang mahihiling pa si Grace, ngunit isang malaking parte ng kaniyang pagkatao ang nawawala. Pakiramdam niya’y hindi pa siya ganap na kompleto hangga’t hindi niya natatagpuan ang nawawalang bahagi ito ng kaniyang katauhan.
Ampon lamang kasi si Grace ng mag-asawang may mabuting puso. Hindi noon magkaanak ang mag-asawa dahil may problema ang babae, kaya’t napakalaking biyaya na dumating si Grace sa kanilang buhay. Minahal nila ang batang inampon at tinuring na parang tunay na anak.
Hindi naman lingid ang katotohanan kay Grace. Ngunit nais sana niyang makilala ang tunay na inang nagpaampon sa kaniya. Napakarami kasing bagay ang nais niyang itanong. Napakalaki ng mundo, paano pa kaya niya matatagpuan ang nawawalang parte ng kaniyang pagkatao? Saan niya matatagpuan ang inang hindi nakilala sa labing walong taon?
“Sure ka ba talaga, anak, na gusto mo siyang hanapin?” tanong ng kinalakihang ina ni Grace.
“Opo, mama. Iyon na po siguro ang pinakamalaking regalo na matatanggap ko sa debut ko. Kahit saglit lang, makausap ko man lang siya. Kahit na marinig ko lamang po siya, lubos ko nang ikatutuwa,” tugon naman ng dalaga.
“Kung ganoon, sige, tutulungan ka namin ng papa mo. Karapatan mo rin makilala ang nagluwal sa iyo sa mundong ito,” nakangiting saad ng ginang.
Ngumiti si Grace ng malaki at yumakap sa kaniyang mama. Mahal na mahal niya ang mga magulang kahit na sa papel lamang siya anak ng mga ito.
Sinuportahan ng kinalakihang magulang ni Grace ang paghahanap sa inang hindi man lamang niya maalala ang hitsura o boses. Wala pa kasi siyang isang buwan nang ipaampon.
Lahat ng detalyeng pwede nilang makuha ay itinago ng dalaga. Magagamit niya ito sakaling matukoy na ang tunay na ina.
Sinimulan nila ang paghahanap. Mayroong labing isang Myrna na nasa edad 36 ang nasa kanilang listahan. Sinimulan nilang galugarin at tuntunin ang mga bahay ng nasa listahan.
Una nilang pinuntahan ang pinakamalapit sa kanilang bayan. Ngunit hindi ito naging matagumpay.
“Ah, e, baka nagkakamali ho kayo. Kapangalan ko nga ang hinahanap ninyo, ngunit wala akong anak na pinaampon noon,” pahayag ng unang babaeng kanilang pinuntahan.
Sinubukan nilang magtungo sa kabilang bayan. Sa isang kombento sila napunta, at doon, may natagpuan rin silang kapangalan ng ina ni Grace.
“Pasensiya na po kayo. Isa akong madre at hindi kailanman nagkaanak. Kung magkaroon man ako ng anak, sinisiguro kong aakuin ko,” paghingi naman ng paumanhin ng madre sa kanila.
Sinubukan pa nilang hanapin ang pangatlo at pang-apat sa listahan, ngunit bigo pa rin sila.
“Anak, mabuti sigurong sa ibang araw na natin ituloy ang paghahanap. Malalim na rin ang gabi at pagod ka na,” paalala ng papa ni Grace.
“S-sige po, papa. Bawal rin po ang mapagod sa inyo ng sobra,” malumanay na sagot naman ng dalaga.
Lumipas pa ang mga araw, ngunit wala sa kahit sino sa kanilang listahan ang tumugma sa kanilang hinahanap.
Tanging pag-asa na lamang nila ay ang nasa huling listahan. Nakatira ang babaeng ito apat na bayan ang layo, ngunit para makompirma na ito nga ang tunay na ina ni Grace, kanilang pinuntahan ang lokasyon kahit na malayo.
“Myrna rin po ang pangalan ko, ngunit ikinalulungkot ko, pero hindi ako maaaring magkaanak. May sakit kasi ako sa puso kaya’t hindi na ako nakapag-asawa o anak man lang,” malungkot na saad ng babae.
“P-pero…” nagsimula nang pumatak ang mga luha ni Grace.
Bakit nga ba napakailap ng tadhana sa kaniya? Bakit hindi pa ibigay ang kaisa-isa niyang hiling sa mundong ito?
“Sandali… may naalala ako,” pagpigil naman ng matandang dalagang kanilang pinuntahan. “Sa kabilang barangay, may Myrna rin akong kapangalan at ka-apelyido noon, ngunit sa aking pagkakaalam matagal na siyang wala roon. Pero para makasigurado, maaring ninyong puntahan at ipagtanong,” wika pa ng babae.
Nagtungo nga sila sa kabilang barangay at nagtanong-tanong. Tunay nga ang impormasyon na kanilang nakuha. Mayroong ‘Myrna’ na tumira doon. Ngunit matagal na daw itong wala.
Pero isang matanda na pinagtrabahuhan ni Myrna ang nagbigay sa kanila ng posibleng lokasyon kung saan naroroon ito. Hindi naman na nagkwento pa ang matanda.
“Kayo na lamang siguro ang tumuklas ng katotohanan kapag nakita niyo na siya. Ikumusta niyo na rin sana ako sa kaniya,” saad ng matanda.
Kahit na pakagat na ang dilim, walang pag-aalinlangan silang nagpunta roon. Sa isang luma at pampublikong ospital sila napadpad. May kaunting palaisipan kung bakit doon sila pinapunta, ngunit hindi na sila nag-aksaya ng oras pa. Pumasok sila sa loob at saka nagtanong-tanong.
“Ay opo. Mayroon pong ganoong pangalan na pasyente rito. Kaano-ano po kayo ng pasyente?” tanong ng babae sa Information Table.
“K-kamag-anak p-po…” nauutal na tugon ni Grace.
“Ah, ganoon po ba? Kay tagal din na panahon simula nang may huling bumisita kay Aling Myrna. Nasa room 312 siya. Pagkarating ninyo sa 3rd floor, lumiko lamang kayo sa kaliwa. Yung pangalawang pinto doon ang kwarto ni Aling Myrna,” mahinahong sabi ng babae.
“Salamat po!” saad naman ni Grace na tila ba nabuhayan ng loob.
Nagmamadaling maglakad si Grace. Halos maiwan na rin niya ang mama at papa niya sa sobrang bilis ng kaniyang paglakad.
Pagdating sa may labas ng pintuan, bahagyang napatigil si Grace. Palakas nang palakas ang kabog ng kaniyang dibdib na tila ba’y gustong tumalon palabas ng kaniyang puso.
Kumatok siya ng tatlong beses at saka binuksan ang pinto. Inilibot niya ang mga mata at tumambad sa kaniya ang payat na payat na babae, kalbo ang buhok at may namumutlang mga balat at labi.
“S-sino po kayo?” tanong ng may edad na babae na nagbabantay sa loob ng kwarto.
Hindi naman agad nakapagsalita si Grace.
“A-ako si G-Grace…” nauutal na tugon ng dalaga.
Napatakip ng bibig ang babaeng bantay na nagpakilala bilang Shirley. Kaibigang malapit ni Myrna.
“Ikaw ba talaga iyan? Diyos ko! Lagi kang ikinukuwento sa akin ni Myrna. Hindi ko akalaing magtatagpo kayong muli!” maluha-luhang sabi ng babae.
Lumipas ang ilang oras na nagkukwentuhan si Grace at Shirley. Habang ang mama at papa ni Grace naman ay nasa labas lamang ng kwarto at nagpapahangin.
Napag-alaman ni Grace na mayroon palang matinding karamdaman ang tunay na ina. Mahinang-mahina na ito at tila ba himala na lamang ang makapagpapagaling.
Pagkalipas ng halos ilang oras. Gumising na si Myrna mula sa pagkakatulog. Tila ba tumigil ang mundo nang magtagpo ang mga mata ng mag-ina. Walang salita, walang tunog, walang kahit ano, kundi ang koneksyon na nag-uugnay sa kanilang mga puso.
Dahan-dahang lumapit si Grace sa kaniyang ina at lumuluhang kinuha ang kamay. Napaluhod siya dahil sa nag-uumapaw na emosyong nadarama.
“Nay…” umiiyak na pagtawag ni Grace sa ina habang inihahaplos ang palad ng ginang sa kaniyang mukha.
“Hindi ako makapaniwalang darating pa ang araw na makikita kita, anak. Diyos ko! Pinakinggan ng Panginoon ang mga dalangin ko!” umiiyak saad ni Myrna.
Pumasok sandali ang mga kinalakihang magulang ni Grace at kinumusta ang may sakit na ginang. Labis naman ang pasasalamat ni Myrna sa mag-asawa sa pagmamahal at pag-aarugang ibinigay nila sa anak.
Lumabas muna ang lahat ng tao sa kwarto upang makapag-usap ang mag-ina.
Kahit medyo hirap kumilos, pinilit ni Myrna na bumangon. Ibinukas niya ang mga braso habang nakatingin sa anak. Lumapit si Grace at saka yumakap sa ina.
Para bang nasa ulap sila nang mga panahong iyon. Iba ang init, ginhawa at saya na naramdaman nila. Ang ilang taong pangungulila ay natuldukan na.
“Nay…” mahinang sabi ng dalaga. “Wag niyo po sanang mamasamain, ngunit ilang taon naging palaisipan sa akin ito. Bakit ninyo po ako pinamigay? Bakit hindi niyo na lang ako kinupkop? Ang tagal ko pong pinag-isipan ang dahilan, pero iba pa rin kung sa inyo ko mismo maririnig,” naluluhang sabi ni Grace.
“Patawarin mo ako, anak. Ipinagkatiwala kita sa iba, hindi dahil hindi kita gusto o hindi kita mahal, kundi dahil gusto ko lang magkaroon ka ng pagkakataon na mamuhay nang maginhawa at payapa. Hindi ko maibibigay sa iyo ‘yon, anak.
Napakasakit sa akin na lumaki ka na hindi ko man lang nahagkan o nahaplos. Ang sakit na kailangan mong mawalay dahil hindi ko kayang ibigay ang buhay na maginhawa. Patawad, anak ko…” tugon naman ng ginang.
“Ano po ba ang nangyari, nay? Bakit humantong kayo sa punto na kailangan niyo po akong ipaampon?”
“Parehong edad mo lamang ako noong nanganak ako sa’yo. Hindi ako pinanagutan ng anak ng amo ng pinagtra-trabahuhan ng nanay noon. Itinago siya sa Maynila ng magulang niya at hindi ko na muli pang nakita.
Itinakwil ako ng pamilya ko dahil disgrasyada daw ako. Wala akong kakampi, anak. Wala akong magawa. Mahirap lamang kami at napakabata ko pa noon. Patawad, anak. Pero walang araw na hindi kita naisip. Walang araw na hindi ko ninais na muli kang makita.
Hinanap kita at natagpuan. Bata ka pa noon. Pero nakita kong malusog ka, masaya at puno ng pagmamahal galing sa mag-asawang kumupkop sayo. Napanatag ako dahil maayos ka na. Pero ang sakit na nakikita kita pero hindi ko magawang yakapin ka. Miss na miss kita, anak ko. Gusto ko lang ng magandang buhay para sa’yo,” kwento ni Myrna.
“P-pero ‘nay, maaayos na lahat ngayon. Makakasama na kita ulit. Magpapagaling kayo tapos magmula ngayon, ‘di na tayo ulit magkakahiwalay. Isasama na kita sa amin, ‘nay,” sabik na sabi ng dalaga.
Ngumiti lamang ng mapait si Myrna at saka bumuhos ang mga luha.
“P-patawarin mo ulit ako, anak… iniwan kita noon, pero mukhang maiiwanan kitang muli ngayon. Isang taon lamang ang ibinigay ng doktor na taning sa buhay ko, pero ngayon magdadalawang taon na akong lumalaban.
Ikaw ang dahilan kaya lumalaban pa ako. Pero mahina na ang katawan ko. Isa lamang ang hiling ko sa Diyos, ang makasama ka bago ako bumalik sa kaharian Niya. Dininig naman Niya ako…” umiiyak na wika ng babae.
“Nay… ‘wag muna..” tugon naman ni Grace.
“Nais ko lang ay kapatawaran mo, anak. Mahal na mahal kita. Kahit saan ka man mapunta o kung saan man ako paparoon, hindi matatapos sa distansya ang pagmamahal ko sa’yo. Lagi mong tatandaan iyan,” yumakap ng mahigpit si Myrna. Ninanamnam ang bawat sandali na kasama ang anak.
Nagpaiwan na muna si Grace sa ospital upang mabantayan ang makasama pa ang ina. Pumayag naman ang kaniyang mama at papa. Alam kasi ng mga ito na matagal nang inaasam-asam ng dalaga na makilala ang tunay na ina.
“Grace, anak, maaari ka bang tumabi sa akin saglit?” pagtawag ni Myrna sa anak.
Lumapit si Grace at umupo sa tabi ng ina. “Bakit po, ‘nay? May masakit po ba sa inyo?”
Bumangon si Myrna at may kinuha galing sa ilalim ng unan. Isang puting lampin na bakas na pinaglipasan ng panahon.
“Ito ang tanging alaala ko sa’yo, anak. Ito ang kaisa-isang lampin na nabili ko para sa’yo. Itinago ko ng kaytagal na panahon ito at umaasang maibigay sa’yo balang-araw, kaya tanggapin mo sana, bilang isang alaalang iiwanan ko rin sa’yo,” saad ng babae.
“Nay naman…” tugon ng dalaga na nagsisimula nang umiyak.
“Anak, medyo pagod na si nanay. Gusto ko na sanang matulog at magpahinga,” pahayag ng ale.
Alam ni Grace kung anong ibig sabihin ng kaniyang ina. Kaya’t napakapit na lamang siya sa kamay nito ng mahigpit at saka yumakap.
Humiga si Grace sa tabi ng ina at saka muling yumakap. Yumapos din ang babae sa kaniyang anak at saka sumiksik sa may balikat nito.
“Anak, nagpapasalamat ako dahil nakasama kita kahit sandali. Patawad ulit sa lahat, anak. Sa susunod na buhay, aayusin ko na ang lahat, pangako. Magpapaka-ina ako sa’yo at hinding-hindi na kita muling iiwan pa. Ako na ang magpapalit ng lampin sa’yo, ang magtitimpla ng gatas mo, mag-aalaga kapag nagkasakit ka, at ipaparamdam ko sa’yo kung gaano kita kamahal.
Pasensiya ka na dahil kakarimpot na oras lang ang nailaan ko para sa’yo ngayon. Pero pangako, lagi kita sasamahan. Lagi kitang gagabayan.
Sorry, dahil napagod na si nanay. Sorry kung naging mahina na ako ngayon, pero mananatili sa aking alaala ang tagpong ito na muli kita nakasama. Mahal na mahal na mahal kita, anak…” mahinang sambit ni Myrna sa anak.
“Nakakapagod rin ang pagsubok na pinagdaanan ninyo dito, ‘nay. Alam kong lumaban din kayo at alam kong labis rin kayong nasaktan sa mga nangyari. Pero gusto kong malaman niyo na pinapatawad ko na po kayo sa lahat. Sana ay mapatawad ninyo rin ang sarili niyo sa mga bagay na nagpapabigat ng kalooban niyo.
Iintayin ko yung araw na muli kitang makakasama, ‘nay. Iintayin kong muli ang mga haplos mo, ang masilayan ang mga ngiti mo, at marinig ang boses mo.
Alam kong pagod na pagod ka na, kaya ‘nay, maaari na po kayong magpahinga sa laban. Narito lamang po ako sa tabi niyo. Mahal na mahal na mahal kita, nanay. Kulang man ang oras at panahon, sana ay sapat na ito upang magbaon kayo ng ngiti sa patutunguhan ninyo.
I love you, nanay…” umiiyak na pahayag ni Grace.
Kumurba ang maaliwalas na ngiti sa mga labi ni Myrna. Pumatak pa ang mga luha galing sa kaniyang mata. Yumakap siyang muli nang mahigpit sa anak.
“Salamat anak ko… Salamat rin, Panginoon. Magtutulog na si nanay ha?” mahinang wika ng babae.
Pumikit lamang si Grace at pilit pinipigilang humagulgol. Yumakap lamang din siya sa ina at humalik sa noo nito.
Pinapakinggan lamang niya ang bawat mabibigat na paghinga ng kaniyang nanay. Kumapit siya sa kamay nito at bumulong.
“Okay na, ‘nay… ‘wag kayong mag-alala sa akin. Mahal na mahal kita, nanay. Hanggang sa muli…”
Huminga ng malalim si Myrna at doon natapos ang lahat ng pagsubok niya sa mundong ito. Nagpahinga siya na yakap at kapiling ang anak. Sa huling sandali ng kaniyang maiksing buhay sa mundo, lumisan siya na puno ng pagmamahal ang puso at alaala.
Lumipas pa ang mga araw, dumating ang kaarawan ni Grace. Hindi na niya ipinatuloy pa ang enggrandeng debut at pinagpasyahang magdiwang na lamang ng simpleng handaan sa puntod ng kaniyang ina. Doon, nag-alay sila ng misa at panalangin para kay Myrna.
“Kumusta ka diyan, ‘nay? Sana ay payapa ka na riyan. Gabayan mo lang kami ha? Balang-araw, magkikita muli tayo. Mahal kita, ‘nay!” bulong ni Grace.
Isang malamig na hangin ang dumampi sa kaniyang pisngi at katawan. Alam niyang ang ina iyon. Pinaparamdam sa kaniya na palagi lamang siyang pumapatnubay sa kanila.