Inutusan ng Lalaki ang Sepulturero na Nakawin ang Mamahaling Alahas ng Matandang Babaeng Inilibing Nito; Nagkamali Pala Siya ng Taong Inutusan

Habang naghuhukay sa lupang paglilibingan ng isang matandang babae na pumanaw kamakailan ay panay naman ang tingin ni Mang Poldo sa mag-asawang iyak nang iyak sa harap ng labi nito. Ang yumao ay ang ina ni Dr. Armando Villacorta, kilalang manggagamot sa kanilang lugar at kasama ng lalaki ang maybahay nito.

Kahit medyo masama ang pakiramdam ni Mang Poldo nang araw na iyon ay tinanggap pa rin niya ang trabaho dahil sayang din ang kikitain niya para sa pandagdag sa iniipon niyang pera na pang-matrikula ng kaniyang anak.

“Manong, salamat ho sa serbisyo niyo,” magalang na sabi ng mangggagamot saka iniabot sa kaniya ang bayad.

“Salamat ho, Dok!”

Unti-unti nang nagsisi-alisan ang mga nakiramay sa libing pati ang mag-asawa ay nagpaalam na rin. Maya-maya ay may lalaking lumapit sa kaniya.

“Manong, manong, sandali lang!” sigaw nito.

“B-bakit ho?”

“Ako si Arnaldo Villacorta, kapatid ko si Dr. Armando. May ipapagawa sana ako sa iyo, manong!”

Advertisement

“Ano ho iyon?”

Nilapitan siya ng lalaki at may ibinulong sa kaniya.

“Ipapahukay kong muli ang libingan ni mama.”

Nagimbal si Mang Poldo sa gustong ipagawa sa kaniya ng lalaki.

“P-pero, maayos na ang pagkakalibing ng iyong mama. Bakit kailangan pang hukayin?” nagtatakang tanong ng matanda.

“Gusto kong kunin mo ang mamahaling kwintas na nakasuot sa leeg ni mama. Babayaran kita ng malaki kapag nagawa mo ang iniuutos ko.”

“N-nanakawan ko ang pat*y?” nangingilabot niyang tanong sa kausap.

“Hindi na naman makakapagreklamo pa si mama dahil pat*y na siya. Wala namang makakaalam nito, eh. Basta ang trabaho mo lang ay kunin ang kwintas at ibigay mo sa akin. ‘Yun lang at babayaran kita ng malaking halaga ngunit huwag na huwag mong tatangkaing itakbo ang kwintas at lamangan ako. Maimpluwensiya ang aming pamilya, alam mo na siguro ang ibig kong sabihin, manong?”

Advertisement

Saglit na nag-isip si Mang Poldo. Malaki ang maitutulong ng halagang ibibigay ng lalaki sa matrikula ng anak niya kaya napagdesisyunan niyang tanggapin ang alok nito.

Kinagabihan ay hinukay niya ang libingan ng matandang babae at kinuha ang kwintas na nakasuot sa leeg nito. Humingi pa nga siya ng paumanhin sa labi ng babae nang kunin niya ang kwintas. Habang pinagmamasdan niya iyong mabuti ay labis ang pagkamangha niya dahil ngayon lamang siya nakakita ng kulay asul na bato na nakalagay sa kwintas. Sa tingin niya ay isa iyong mamahaling diyamante.

“Ang laki at ang ganda naman nito! Malaki siguro ang halaga nito kapag ibinenta o isinanla?” sabi niya sa isip.

Nang sumunod na araw ay nakipagkita si Arnaldo kay Mang Poldo. Excited na itong mapasakaniya ang mamahaling alahas ng yumaong ina.

“Manong, ano, nagawa mo ba ang ipinagagawa ko?”

Nagkamot sa ulo ang matandang lalaki.

“Pasensya na, pero wala akong nakitang kwintas o anumang alahas sa labi ng iyong ina,” sagot ni Mang Poldo.

“T-teka, paano nangyari iyon?” tanong ng lalaki na biglang nawala ang ngiti sa mga labi.

Advertisement

“Sinunod ko ang utos mo na hukayin ang libingan ng iyong mama ngunit wala akong nakitang alahas na nakasuot sa katawan niya. Hindi ko rin magagawang itakas ang kwintas kung mayroon man akong nakita. Mayaman ang inyong pamilya at alam kong wala akong laban sa inyo kaya hinding-hindi ko iyon magagawa,” tugon niya.

“Hindi maaari! Dinig na dinig ko nang sabihin ni mama na gusto niyang isuot ang kwintas na iyon na ibinigay sa kaniya ni papa sa araw ng libing niya bago siya tuluyang malagutan ng hininga at sinabi niya iyon kay Armando. Ibig sabihin, hindi niya sinunod ang habilin ni mama? Napaka-tuso talaga ng kapatid ko, sa kaniya na nga ipinamana ang lahat ng mga ari-arian, gusto niya ay siya pa rin ang makinabang sa mamahaling kwintas ni mama! Bwisit na buhay ‘to!” gigil na sabi ng lalaki.

“P-paano ho ang napag-usapan natin?” tanong niya.

“Wala! Hindi kita babayaran dahil wala ka namang nakuhang alahas. Wala kang silbi!” anas nito saka nagmamadaling umalis.

Sa inasal ng lalaki ay napangiti si Mang Poldo.

Walang kaalam-alam si Arnaldo na may nakuha siyang mamahaling kwintas. Hindi rin nito alam na palihim niyang ibinigay kay Dr. Villacorta ang nakuhang alahas.

Pangyayari bago ang pagkikita nina Mang Poldo at Arnaldo

Matapos makuha ang kwintas ay agad na pinuntahan ni Mang Poldo ang bahay ng manggagamot. Ipinagtapat niya rito ang ipinagawa sa kaniya ng kapatid nito at isinauli ang alahas.

Advertisement

“Di ko akalain na ganoon kaganid ang aking kapatid. Hindi na niya iginalang ang labi ni mama. Sarili niyang ina ay gusto niyang pagnakawan. Tama lamang ang ginawa ni mama na hindi siya bigyan ng mana dahil alam niyang gagamitin lang ito ni Arnaldo sa masasamang gawain. Nagpapasalamat ho ako Mang Poldo dahil sa inyong katapatan. Hayaan niyong ibalik ko ang inyong kabutihan,” sabi ni Dr. Villacorta.

Binigyan siya nito ng malaking halaga kapalit ng ginawa niyang pag-amin ngunit iyon ay tinanggihan niya.

“Hindi ko ho matatanggap ang inyong alok. Para sa akin ay masaya na akong nakagawa ng tama sa aking buhay,” wika ni Mang Poldo.

Mas lalong humanga sa kaniya ang mangggamot. Dahil sa kababang loob niya ay tinulungan pa rin siya nito. Pinag-aral ni Dr. Villacorta ang kaniyang anak hanggang sa kolehiyo. Laking pasasamalat naman ni Mang Poldo kay Armando sa kabutihan nito. Ang kapatid naman nitong si Arnaldo ay hinuli ng mga pulis at ikinulong dahil sa mga ilegal nitong pasugalan.