
Naglayas ang Binata sa Poder ng Ama Dahil Ginagawa Nitong Nobya ang mga Dati Niyang Karelasyon; Makalipas ang Maraming Taon ay Muli Silang Nagharap
“Tito is dy*ing… he needs you…”
Ibinalita ng pinakamalapit na pinsan ni Paulo ang kalagayan ng kaniyang Papang si Don Mauro. Matagal na siyang walang balita sa ama simula nang lumayas siya sa poder nito.
“Pag-iisipan ko Lucas kung makakauwi ako. Marami akong ginagawa sa opisina sa ngayon. May mga inihahabol kami,” pagdadahilan ni Paulo.
“Sige, kuya. Sasabihin ko na lang sa kaniya,” tugon na lamang ng kaniyang pinsan at ibinaba na nito ang telepono.
Bata pa lamang si Paulo ay hindi na naging maganda ang relasyon nila ng kaniyang ama. Nasanay lamang siyang alagaan ng kaniyang mga naging yaya noon. Pumanaw raw ang kaniyang mama nang isilang siya. Simula noon ay lagi nang mainit ang ulo ni Don Mauro kay Paulo.
Habang lumalaki, pakiramdam ni Paulo ay kakumpetensiya ang tingin sa kaniya ng ama. Lalo na pagdating sa babae. Hindi niya maatim na ang mga babaeng nagiging karelasyon niya ay nagiging karelasyon nito. Ang huli nga ay si Nina na labis niyang minahal. Ngayon, ito na ang kaniyang magiging madrasta.
Hindi niya maintindihan kung bakit sa dinami-rami ng mga babae sa mundo, mga ex girlfriend pa niya ang laging pinupuntirya ng kaniyang ama. Nang maging girlfriend nito si Nina, mas pinili ni Paulo na umalis na poder nito at tumayo sa kaniyang sariling mga paa.
Makalipas ang limang taon, nabalitaan ni Paulo na nagkahiwalay na ang kaniyang ex at ang kaniyang Papa. Nabalitaan din niya na may sakit itong kanser. Subalit matatag ang kaniyang pride o ego na nagdidikta sa kaniya at nagsasabing huwag siyang babalik sa mansiyon.
Subalit tinawagan na nga siya ng kaniyang pinsan na nagmagandang-loob upang alagaan ang kaniyang Papa. At naisip din niya, marahil ay oras na rin upang magkita sila ng kaniyang ama.
Hindi mailarawan ni Paulo ang naramdaman nang mabungaran si Don Mauro na nakahiga sa banig ng karamdaman. Nasa mansiyon ito dahil nakiusap itong mamalagi na lamang sa bahay dahil ayaw na niya sa ospital. May private nurse na nag-aalaga rito.
Mahinang-mahina na ang dating diyos sa tikas at pagpapasiya. Nabagbag ang kalooban ni Paulo. Hindi siya sanay na makita sa nakalulunos na kalagayan ang kaniyang ama. Sanay siyang makitang tila moog itong hindi pagagapi.
“P-Paulo… iho… anak ko…” sa garalgal na tinig ay nagsalita ang kaniyang Papa.
“Huwag na po kayong magsalita, Papa. Nahihirapan na po kayo. Magpahinga na lang po kayo,” awat ni Paulo sa kaniyang ama.
Pinakiusapan siya nitong maupo sa kaniyang tabi.
“Anak… patawarin mo ako sa lahat ng mga kasalanang nagawa ko sa iyo. Aaminin ko sa iyo, naging insecure ako. Pati ikaw na sarili kong anak ay hindi ko pinalagpas,” paghingi ng paumanhin ni Don Mauro.
“K-Kalimutan na natin iyan, Papa. Hindi po makabubuti sa inyong kalagayan na masyadong nag-iisip ng mga nakalipas na problema,” sabi ni Paulo sa ama.
“Malaki ang kasalanan ko sa iyo, anak. Sinisi kita dahil sa pagkawala ng iyong Mama. Pinapili siya ng doktor noon kung itutuloy niya ba ang pagbubuntis sa iyo o hindi. Kapag ipinapatuloy niya, maaari siyang mawala. May sakit siya sa puso at maaaring malagay sa peligro ang sarili niya kapag ipinanganak ka niya. Hindi ako ang pinili niya kundi ikaw. Mahal na mahal ko ang Mama mo…”
Hindi makapaniwala si Paulo sa mga rebelasyon ng kaniyang ama.
“Patawarin mo ako, anak. Hindi ko sinasadya ang pagpatol ko sa mga naging nobya mo… nagagalit ako ngayon sa sarili ko. Hindi ko alam kung bakit ko nagawa ang bagay na iyon,” lumuluhang paghingi ng kapatawaran ni Don Mauro sa anak.
“Pa… pinatatawad ko na po kayo. Paumanhin din po kung natiis ko po kayo. Hindi ko po sinasadyang hindi makadalaw dito sa inyo at hindi ko kayo naalagaan. Babawi po ako sa inyo,” pangako ni Paulo sa ama.
Kaya naman, sinulit ng mag-ama ang nalalabing sandali nilang magkasama. Hindi umalis si Paulo sa tabi ng kaniyang ama hanggang sa malagutan na ito ng hininga. Hindi na lamang ito nagising mula sa pagkakahimbing. Sa mukha nito ay nakabadha ang isang payapang pamamaalam.
Ipinangako ni Paulo sa kaniyang sarili na hindi mangyayari sa kaniyang mga magiging anak ang nangyari sa kanila ng kaniyang Papa dahil napakalungkot nito. Mahirap nang ibalik ang oras na lumipas at nasayang dahil sa mga hindi pagkakaunawaan.

