Inday TrendingInday Trending
Tinangkang Agawin ng Babae ang Nobyo ng kaniyang Bestfriend; Pahiya Siya nang Tanggihan siya Nito sa Harap ng Maraming Tao

Tinangkang Agawin ng Babae ang Nobyo ng kaniyang Bestfriend; Pahiya Siya nang Tanggihan siya Nito sa Harap ng Maraming Tao

“Bess! Omg, akala ko hindi ka na darating!”

Malawak ang ngiti ni Karina nang pumasok siya sa venue kung saan gaganapin ang engagement party ng kaniyang bestfriend na si Leana. Sinalubong siya nito ng isang malawak na ngiti at mahigpit na yakap.

“Pʼwede ba naman ʼyon? Hinding-hindi ako mawawala sa engagement party ng bestfriend ko, ʼno!” tumatawa namang aniya kay Leana habang lilinga-linga sa paligid. “Oh, nasaan ba ang mapapangasawa mo? Hindi ko yata siya nakikita?”

Ang totoo ay hinahanap ni Karina si Jason, ang fiancé ng kaniyang bestfriend, dahil ilang buwan na niya itong sinusubukang akitin. Simula nang ipakilala ito ni Leana sa kaniya ay hindi na mawala-wala sa kaniyang isip ang binata, kahit na alam niyang pagmamay-ari na ito ng kaniyang pinakamatalik na kaibigan. Hanggang sa umabot na nga sa puntong naisipan na niyang akitin ito upang sa halip na si Leana ay siya ang pakasalan ng binata!

Bukod kasi sa guwapo, mayaman at mabait si Jason, malaki na ang inggit ni Karina sa bestfriend niya noon pa man. Gusto niyang kahit ngayon man lang ay maranasan niyang makalamang man lang sa kaibigan.

Ngunit sa ilang buwan niyang pang-aakit kay Jason ay hindi naman siya pinapansin nito. Ito na ang kaniyang huling tyansa!

Nagpaalam si Leana na aasikasuhin muna ang iba pa nilang bisita. Natuwa naman si Karina sa isiping busy ito ay hindi mapapansing sila ni Jason ang magkasama mamaya, kaya naman agad niyang hinanap si Jason.

“Jason,” tawag ni Karina sa binata, “kumusta?” kunwariʼy pangungumusta niya rito.

“Oh, Karina, ikaw pala. Nagkita na ba kayo ng bestfriend mong si Leana?” patanong namang sagot ni Jason sa kaniya. Diniinan pa nito ang pagsasabi ng salitang bestfriend at hindi iyon nakaligtas sa pandinig niya.

“Oh, come on, Jason. Huwag mo nang i-bring up pa ang pagiging mag-bestfriend namin ni Leana, dahil alam naman natin na sa aming dalawa, sa akin ka mas naaakit, ʼdi ba?” may harot na ani Karina sa binata.

Tumaas ang isang sulok ng labi nito. Napangisi. Mukhang gumagana na ang pang-aakit niya rito kaya naman lumapit pa siya sa puwesto ni Jason at umangkla sa braso nito.

“Ang kapal din talaga ng mukha mo, Karina, ano?” ngunit biglang sabi nito.

Nanlaki ang mga mata ni Karina sa narinig at sa lakas ng boses ni Jason habang sinasabi ang mga salitang iyon! Agad na nakaagaw ng pansin ang puwesto nila, lalo na nang makita ng marami na nakakunot ang noo at may galit sa mukha ng binata.

“Paano mo nagagawang subukang akitin ako sa mismong engagement party ng bestfriend mo? Wala ka bang konsensiya?!” hiyaw pa nito.

Hindi siya nakaimik. Lahat ng mga tao ngayon sa party ay nakatingin na sa kanila at nagbubulungan.

“Nakakadiri ka. Handa kang ibaba ang sarili mo para lang makuha mo ang gusto mo. Inggit na inggit ka sa bestfriend mo? Samantalang siya naman, mahal na mahal ka!”

Halos lumubog si Karina sa kahihiyan dahil sa mga binitawang salita ni Jason sa kaniya. Nagsimula siyang mataranta at hindi na niya alam ang kaniyang ginagawa.

“Jason, ano pa bang kulang sa akin? Maganda naman ako, ʼdi ba? Mas maganda ako kay Leana. Mas sexy, mas kaya kitang mahalin kaysa sa kaniya!” hiyaw niya pabalik at nagsinghapan ang mga tao sa paligid.

Humalakhak si Jason. Tumawa ng nakaiinsulto bago siya sinagot. “Huwag mong isiping mas lamang ka kay Leana, Karina, dahil kahit kailan ay hindi mo siya mapapantayan. Alam mo kung bakit? Kasi, malinis ang puso niya. Hindi kagaya ng sa ʼyo na marumi at maraming iniipong inggit. Kahit kailan, hindi kita magugustuhan. Lumayas ka rito sa party!”

Nalaglag ang luha ni Karina sa narinig. Doon lang siya natauhang muli na napakarami palang taong nakarinig sa usapan nila ni Jason, at kasama na roon ang bestfriend niya na nang mamataan niya ay yakap-yakap na ni Jason. Humahagulhol ito at ni hindi siya kayang tingnan. Sinira niya ang kanilang pagkakaibigan!

Pinagtawanan ng maraming tao si Karina dahil kumalat sa internet ang ginawa niya. Sumikat siya dahil sa panlalait ng iba at iyon ang labis niyang ikinasisi. Kung hindi lang sana niya pinairal ang inggit ay maganda pa rin sana ang samahan nila ni Leana at Jason. Sana ay hindi siya nakararanas ngayon ng masasakit na salita mula sa ibang tao.

Advertisement