Nainsulto ang Empleyado sa Trabahong Pinapagawa Sa Kaniya; Ngunit Nang Mabalitaan ang Posibleng Mangyari sa Kaniyang Mga Kasamahan ay Bigla Siyang Nagbago

“Hi Mira, nakita ko na yung report na sinend mo sa e-mail ko. Clarify ko lang kung ito na ‘yung latest report nang mag-lockdown? Meaning wala nang pending report from accounting sa Makati branch since hindi naman makapag-operate ‘yung hotel natin?” tanong ng boss ni Mira.

“Yes po sir Jobert. Tama po,” tugon ni Mira.

“If that’s the case, may ipapagawa ako sa’yo para sa Ortigas branch. Ang gagawin mo ay ipapasok sa system ‘yung mga data sa mga dokumentong ipapadala ko diyan sa bahay mo,” ang sabi ng kaniyang boss.

“Pero, sir ‘di ba po gawain ‘yan ng accounting clerk?” pag-aalangan ni Mira.

“Yes, I know. Kaso umuwi sa probinsiya ‘yung bagong accounting clerk nila dun pati ‘yung accounting clerk mo ‘di ba? Tapos marami pa silang pending reports dahil mali-mali ‘yung gawa ng dating accounting clerk pag check ni Nancy, ‘yung accounting officer dun. Kaya lalong natambakan sila at kailangan ng tulong ni Nancy. Will you be able to help us?” tanong ng kaniyang boss.

Kahit na gustong tumanggi ni Mira sa kaniyang boss sapagkat hindi na ito sakop ng kaniyang trabaho ay pumayag na lang din siya dahil nahihiya siyang tumanggi at wala naman siyang magagawa.

“Sige po sir,” napilitang sagot ni Mira.

“Great! Please coordinate with Nancy. Sa kaniya ka muna magrereport at kukuha ng instructions since mas gamay niya ang needed reports for Ortigas branch,” ang sabi ng kaniyang boss.

Advertisement

Pagkababa ng telepono ay saka naglabas ng sama ng loob si Mira. Bukod sa napilitan na nga siyang gawin ang trabahong hindi naman niya sakop ay nakaramdam pa siya nang pagkainsulto sapagkat mapapasailalim siya sa kapwa niyang Accounting Officer na may kaparehas niya lang naman ng posisyon at sahod.

Kinabukasan ay ipinadala na ni Nancy ang mga dokumentong kailangan ni Mira para sa kaniyang trabaho. Ikinagulat ni Mira ang dami nito. Hindi niya inaasahan na ganun pala karami ang kailangan niyang pagtrabahuhan kaya naman kahit maaga pa lang ay mainit na ang kaniyang ulo.

Ilang sandali pa ay tumawag na sa kaniya si Nancy.

“Good morning, Mira! This is Nancy, accounting officer from Ortigas branch. Natanggap mo na ‘yung paunang mga dokumento na ipinadala ko?” bungad ni Nancy.

“Yes, halos kararating lang. Pero what did you say again? Pauna? Eh sobrang dami nito. Tapos pauna pa lang pala ‘to?” paglilinaw ni Mira.

“Oo. Actually, marami pa rito sa akin. Pasensiya ka na. Hayaan mo pag natapos ko na rin i-check at ayusin ‘yung mga naunang report ay tutulong din ako sa’yo sa pag-eencode ng data. Maraming salamat talaga at matutulungan mo ako. Hindi ko alam kung paano tatapusin ang lahat ng ‘yan mag-isa,”

Grabe ano bang pinaggagagawa ng accounting clerk mo? Sige na sisimulan ko na ‘to,” asar na pagkakasabi ni Mira bago ibaba ang telepono.

Kahit naasar si Mira na gawin ang trabahong hindi naman niya dapat ginagawa ay napilitan pa rin siyang gawin ang mga ito. Madalas ay padabog siya kung gawin ito at parati siyang binubugnot kada linggo sa tuwing may bagong mga dokumentong pinapadala si Nancy sa kaniya.

Advertisement

Noong umpisa ay mabilis siyang makapagpasok ng mga data sa system ngunit ‘di nagtagal ay unti-unti nang bumagal sa pagtatrabaho si Mira. Lalo pa niyang binagalan nang tumulong na sa kaniya si Nancy sa pag-eencode sapagkat ayaw niya na talaga itong gawin at nais na lamang niya na si Nancy na lang ang tumapos nito sapagkat para naman ito sa branch nila at wala na dapat siyang kinalaman pa doon. Kaya naman kahit sa oras ng trabaho ay gumagawa siya ng ibang mga gawain sa bahay o ‘di kaya ay abala siya sa pakikipagchat sa mga kaibigan.

Isang araw ay kinamusta siya ng kaibigan niya sa trabaho na taga ibang departamento at binalitaan siya tungkol sa inanunsiyo ng kanilang boss.

“Mira, mabuti ka pa at may trabaho ka pa rin hanggang ngayon kaya may natatanggap ka pa ring sahod,” ang sabi ng kaniyang kaibigan.

“Naku! Nakakainis nga eh. Hindi ko naman trabaho ‘to at hindi naman ‘to para sa branch natin. Pinapasa lang nila sa akin ‘yung gawain dapat ng iba,” pagrereklamo ni Mira.

“Masuwerte ka pa rin, mars! Kung hindi siguro umuwi sa probinsiya ‘yung accounting clerk mo, baka sa kaniya na pinagawa ni boss lahat ng ginagawa mo ngayon. At baka wala ka na ring trabaho at sasahurin gaya namin ngayon,” ang sabi ng kaniyang kaibigan.

“Ha? Anong sinasabi mo?” pagtataka ni Mira.

“Nagpa-meeting si boss kanina. Ang sabi niya, baka matagalan pa raw bago makapag-operate uli ‘yung hotel natin kaya maghanap raw muna kami ng ibang puwedeng mapasukan or mapagkakakitaan. Though hindi pa naman niya kami tinatanggal ay may chance daw na magbawas ng empleyado ‘pag tumagal pa raw ang ganitong sitwasyon nang dahil sa pandemya,” pahayag ng kaibigan ni Mira.

Nang dahil dito ay biglang natauhan si Mira. Napagtanto niya na maraming tao ngayon ang walang trabaho at wala ring sinasahod kaya naman dapat niyang pahalagahan ang trabaho na ibinigay sa kaniya kahit hindi pa niya ito linya.

Advertisement

Mula noon ay sineryoso at inayos na Mira ang pinapagawang trabaho sa kaniya ng kaniyang boss. Hindi niya na ginagamit ang oras ng trabaho sa ibang mga personal na gawain bagkus ay parati pa niyang tinatanong kay Sir Jobert kung mayroon pa itong mga ibang ipapagawa sa kaniya kahit na para pa ito sa ibang mga branch o ibang departamento.

Ikinatuwa ito ni Sir Jobert kaya naman patuloy niyang pingtrabaho si Mira lalo na at mayroon pa siyang ibang mga branch at mga negosyo na marami pang mga dokumento na kailangan asikasuhin. Nang dahil dito ay nagkaroon ng seguridad si Mira sa kaniyang trabaho. Isa siya sa mga empleyadong hindi nawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya.