Tinulungan ng Mabait na Guro ang Batang Kalye na Makapag-Aral; May Balik palang Suwerte ang Kabutihan Niya

Bata pa lamang si Curth ay ibinenta na siya ng mga magulang niya sa isang negosyante para alilain. Bukod sa palaging masungit ay napakalupit nito. Kaunting pagkakamali lang niya ay bugbog-sarado ang inaabot niya kaya pinagplanuhan niya kung paano ito matatakasan. Nagtagumpay naman siya na maisakatuparan ang pag-alis sa mala-impyernong lugar na iyon.

“Akala ko’y hindi na ako makakaalis. Ayokong magtagal doon na kasama ang salbahe kong amo,” sabi niya sa isip.

Mula nang umalis sa poder ng malupit na amo ay ang lansangan na ang naging tirahan niya. Natutulog siya sa malamig na semento sa tuwing sasapit ang dilim dahil wala naman siyang ibang matutuluyan ngunit kahit ganoon ang kalagayan niya ay may pangarap naman si Curth. Pursigido siyang makapag-aral kaya nag-isip siya ng paraan para magawa iyon. Nag-apply siya bilang taga-hugas ng mga pinggan sa isang maliit na karinderya.

“Parang-awa niyo na po, tanggapin niyo na ako. Masipag po ako, kailangan ko lang pong kumita ng pera para makapag-aral ako,” pakiusap niya sa may-ari ng karinderya.

Pinagtawanan siya ng babae.

“Ano? Gagamitin mo sa pag-aaral ang kikitain mo rito? Barya lang ang kaya kong ipasuweldo sa iyo, bata. Siguradong hindi iyon sasapat para makapag-aral ka!” tugon nito.

“Ako po ang bahala. Pagkakasyahin ko po iyon,” aniya.

“Sige na nga. Puwede ka nang mag-umpisa ngayon,” sagot ng babae.

Advertisement

Gaya ng sinabi ng babae ay maliit na halaga lang ang ibinayad nito sa kaniya ngunit balewala iyon kay Curth. Kahit kulang ang pera niya ay buo ang loob niyang ituloy ang balak.

Nang sumunod na araw, may isang lalaking guro ang kumain sa karinderya. Nakakuha siya ng pagkakataon na magtanong.

“Sir, sir, Teacher po kayo?” tanong niya rito.

“O-oo. Bakit mo naitanong?” nagtatakang sagot ng lalaki.

“Ako po pala si Curth. Tulungan niyo naman po akong makapag-aral. Gusto ko pong matuto at makapagtapos.”

Hindi agad naisubo ng guro ang kinakain dahil sa sinabi niya.

“Gusto mong mag-aral? Teka, nasaan ba ang mga magulang mo?” tanong nito.

Ikinuwento ni Curth sa guro ang mga pinagdaanan niya . Nakaramdam ito ng awa sa kalagayan ng bata.

Advertisement

“Kawawa ka naman pala, bata. Eh, magkano naman ang kinikita mo rito? Saan ka tumutuloy ngayon?”

“Maliit lang po ang kinikita ko rito, sir. Diyan lang po ako natutulog sa labas ng karinderya, sa may kariton,” sagot niya.

“Ako nga pala si Gilbert, Teacher Bert na lamang ang itawag mo sa akin. Huwag kang mag-alala at tutulungan kitang makapag-aral ng libre.”

“Talaga po?!”

“Oo. Saka isa pa, wala naman akong ibang kasama sa bahay ko, kaya doon ka na rin tumira. Bukas ay isasama kita sa eskwelahan para makapasok ka sa klase ko. Dadaanan kita rito mamaya at susunduin kita,” wika ng guro.

“Naku, maraming salamat po, sir!”

Pagkatapos ng trabaho ni Curth sa karinderya ay sinundo siya ni Teacher Bert para sa bahay na siya nito tumira. Kinaumagahan naman ay isinama siya nito sa eskwelahan. Pinakiusapan nito ang Principal para makapasok siya sa klase nito. Nag-aral nang mabuti si Curth. Pinagsabay niya ang pag-aaral at pagtatrabaho. Nagtatrabaho siya sa gabi at nag-aaral naman siya sa umaga.

“O, Curth, parang antok na antok ka? Napuyat ka na naman kagabi ‘no?” tanong ni Teacher Bert nang makita siya na panay ang hikab sa klase nito.

Advertisement

“Sorry po sir, bukod po kasi sa pagtatrabaho ko sa karinderya ay nagtitinda rin po ako ng balot at chicharon para may pandagdag po ako sa baon ko.”

“Aba, kaya pala wala ka na naman sa higaan mo kagabi, ha? Tumakas ka na naman pala? Hindi mo na kailangang gawin iyan dahil binibigyan naman kita ng perang pambaon mo at saka mayroon ka ring allowance na natatanggap sa eskwelahan dahil isa ka sa matatalinong estudyante. Iskolar ka rito.”

“Pasensya na po, sir, p-pero gusto ko pong paghirapan ang pag-aaral ko at ang pagtuloy ko sa inyong bahay. Ang perang ibinibigay niyo sa akin at ang allowance na natatanggap ko bilang iskolar ay iniipon ko po para sa aking pagpasok sa high school at kolehiyo.”

Napahanga ang guro sa sinabi ni Curth. Hindi niya inakala na makakatagpo siya ng batang kagaya nito.

Kahit mahirap ay nagtiyaga si Curth hanggang sa nakapagtapos siya sa elementarya at high school. Nang tumuntong siya sa kolehiyo ay ipinagpatuloy niya ang pagiging working student. Nagtrabaho siya bilang school assistant sa pinapasukang unibersidad. Mabilis na lumipas ang mga taon at nakapagtapos siya sa kursong Edukasyon. Nakuha rin niya ang pinakamataas na marka sa Board Exam ngunit isang araw, isang magandang balita pa ang bumungad sa kaniya.

“Teacher Bert, inalok po ako ng isang kilalang unibersidad sa Amerika na roon ako magturo!” masaya niyang sabi sa lalaking guro.

“Talaga? Wow, congratulations, Curth! I’m proud of you, malayo na talaga ang narating mo!”

“Salamat po, sir, kundi dahil sa inyo ay hindi ako makakapag-aral. Utang ko po sa inyo ang aking tagumpay,” aniya.

Advertisement

“Hindi, Curth. Ikaw ang gumawa sa iyong tagumpay. Lahat ng tao ay may karapatang makapag-aral lalo na ang mga kagaya mo na masipag, matiyaga at matalino,” sagot ng guro.

Tatlong taong nagturo sa Amerika si Curth. Isa siya sa pinakamahusay na guro roon. Pagkatapos ng tatlong taon ay bumalik siya sa Pilipinas para ibahagi naman sa kaniyang mga kababayan ang mga natutunan niya. Nang siya ay bumalik ay naisipan niyang hanapin ang mga magulang na nag-abandona sa kaniya ngunit sa kasamaang palad ay matagal na palang namayapa ang mga ito. Nabalitaan din niya na may sakit at mahina na ang guro niyang si Teacher Bert. Nagmamadali niya itong dinalaw.

“Ipinagmamalaki kita, Curth. Ang balita ko’y sikat na sikat ka sa unibersidad kung saan ka nagturo,” sabi ng guro sa mahinang boses.

“Malaki po ang naitulong niyo sa akin, sir, para maabot ang aking pangarap. Ngayong narito na ako ay ako naman po ang mag-aalaga sa inyo. Ngayong wala na ang aking mga magulang ay kayo na ang itinuturing kong magulang, Teacher.”

Mula noon ay si Curth na ang nag-alaga sa kaniyang mabait na guro. Buo na ang desisyon niya na samahan ito hanggang sa mga huling sandali ng buhay nito. Ipinagpatuloy rin niya ang pagtuturo sa mga estudyanteng mahihirap para maabot rin ng mga ito ang naabot niya balang araw.