Inday TrendingInday Trending
Lumaki sa Sama ng Loob ang Dalaga Dahil sa Pantataboy sa Kaniya ng Ina, Hindi Siya Makapaniwala nang Malaman ang Katotohanan

Lumaki sa Sama ng Loob ang Dalaga Dahil sa Pantataboy sa Kaniya ng Ina, Hindi Siya Makapaniwala nang Malaman ang Katotohanan

“Mama, sa’yo ko po gusto sumama! Hindi po ba’t sabi mo hindi mo ako papabayaan? Mahal mo po ako, mama, hindi ba? Huwag niyo po ako ibigay kay papa!” iyak ni Sanya habang nakapulupot sa kamay ng kaniyang ina, isang gabi nang magdesisyon itong ibigay na siya sa kaniyang ama.

“Dati lang ‘yon, hindi na ngayon! Sumama ka na sa tatay mo! Ayoko na sa iyo!” bulyaw ni Aling Era sa kaniyang anak habang inaalis ang mahigpit nitong yakap sa kaniyang kamay.

“Huwag mo po sabihin ‘yan, mama, parang awa mo na po! Ayoko po mahiwalay sa’yo, mama!” giit niya saka muling yumakap sa beywang ng ina.

“Sinabi nang ayoko na sa’yo, eh! Dalian mo na, naghihintay na ang tatay mo, o! Doon ka na sa kaniya, siya gusto kang makasama, ako, ayoko na!” sambit pa nito sa kaniya dahilan upang lalong umagos ang kaniyang luha.

“Hindi po totoo ‘yan, mama! Huwag po kayo magsinungaling!” hikbi niya habang pilit na hinahabol ang kumakawalang ina.

“Ano ka ba? Sinabi nang naghihintay ang tatay mo, eh! Sige na! Umalis ka na!” bulyaw nito sa kaniya saka siya tinulak dahilan upang mapaupo siya sa kalsada at agad namang lumakad papalayo ang kaniyang ina.

“Mama!” habol niya, ngunit bigla na siyang niyakap ng kaniyang ama dahilan upang lalo siyang humagulgol, tanaw-tanaw ang imahe ng kaniyang inang unti-unti nang lumiliit.

Bunga ng isang “broken family” ang batang si Sanya. Pagkasilang pa lamang sa kaniya ng kaniyang ina, nalaman agad nitong may iba nang kinakasama ang kaniyang amang nagtatrabaho sa ibang bansa na naging dahilan ng pagkasira ng kanilang pamilya.

Simula noon, ang kaniyang ina na ang tanging tumaguyod sa kaniya. Hindi man nito mabigay lahat ng materyal na bagay na nais niya, buong pusong pagmamahal naman ang naramdaman niya dito. Walang araw sa loob ng isang dekada, na hindi niya maituturing hindi siya masaya, dahil araw-araw, naparamdan ng kaniyang ina na buo ang kanilang pamilya kahit pa silang dalawa na lamang.

Kaya ganoon na lamang ang kaniyang pagtataka sa biglaang desisyon ng kaniyang ina noong gabing iyon. Ang sabi nito’y papasyal lamang sila sa parke at kakain sa labas, ngunit pagdating nila sa parke, may isang lalaki nang naghihintay doon, bumaba sa isang magandang sasakyan, na ika ng kaniyang ina, ito raw ang kaniyang ama.

Sapilitan siyang isinakay ng kaniyang ama sa naturang sasakyan. Wala siyang ibang ginawa kundi umiyak at igiit na ibalik siya sa kaniyang ina ngunit hindi siya pinapakinggan nito. Ilang araw lang, lumipad na sila patungo sa ibang bansa.

Doon na nagsimula ang marangyang pamumuhay ng batang si Sanya. Sa katunayan nga, sa ibang bansa pa siya pinag-aral ng ama mula elementarya hanggang makatapos siya ng kolehiyo.

Ngunit walang araw na hindi niya naisip ang kaniyang ina dahilan upang pilitin niya ang kaniyang ama na pauwiin siya kahit saglit sa Pilipinas.

“Nais ko pong makita ang mama ko, may gusto lang po akong itanong sa kaniya,” sambit niya dito, pinayagan naman siya nito at kinabukasan, agad siyang umuwi ng Pilipinas.

Agad siyang nagtungo sa dati nilang bahay, ngunit laking gulat niya, wala doon ang kaniyang ina. Agad siyang nagtanong sa kanilang mga kapitbahay, at ika ng mga ito, isang buwan na raw itong nakaratay sa ospital.

Agad niya itong pinuntahan kahit pa labis ang sama ng loob niya dito. Naabutan niya ang isang nars sa loob ng silid ng kaniyang ina ngunit hindi niya ito inintindi at agad siyang sumigaw, “Bakit? Bakit mo ako basta na lang binigay? Paano mo nagawa ito sa nag-iisa mong anak? Wala ka ba talaga puso, ha!” dahilan upang labis na magulat ang nars.

Dahan-dahan siyang nilapitan nito at pinakalma, “Ikaw siguro ang batang lagi niyang ikinuwento sa akin,” sambit nito na agad niyang pinagtaka, “Walang araw na hindi ka iniisip ng iyong ina. Alam mo ba, tuwing gabi, bago siya matulog, tinitignan niya ang litrato mo sa kaniyang kwintas, tapos iiyak siya nang iiyak. Paminsan nga’y nadadala na rin ako,” dagdag pa nito saka siya pinaupo sa tabi ng ina, “Nais niya lang daw na maging maganda ang buhay mo, kahit pa kapalit nito ang habang buhay niyang pangungulila sa’yo,” mga katagang tila nagpalambot sa kaniyang puso.

“To-totoo ba lahat ng sinasabi mo?” tanong niya sa nars.

“Oo naman, ma’am. Ito ang mga patunay,” ika nito saka ibinigay sa kaniya ang tatlong makakapal na notebook na naglalaman ng mga liham ng kaniyang ina para sa kaniya araw-araw.

Mangiyakngiyak niya itong binuksan at doon sa unang pahina, nabasa niya ang saloobin ng kaniyang ina noong gabing ibigay siya nito sa kaniyang ama.

Labis siyang humagulgol nang malaman ang katotohanan. Agad niyang niyakap ang kaniyang ina at humingi ng tawad.

“Gumising ka na, mama, gusto kong marinig mo lahat ng sama ng loob ko, gusto ko makita kang umiyak, umiyak sa saya at hindi na sa lungkot,” hikbi niya.

Walang gabing hindi siya nanalanging muling gumising ang ina. Ginawa niya ang lahat upang mailigtas lamang ang ina kahit pa gumastos man siya ng malaki at sa kabutihang palad, isang buwan lang ang lumipas nagawa ng kaniyang inang dumilat at umiyak sa harapan niya.

“Pa-patawarin mo ako,” dahan-dahang sambit nito agad naman niya itong niyakap dahil sa tuwang kaniyang nararamdaman.

Simula noon, wala nang sinayang na araw ang dalaga. Pinili niyang tumigil muna dito sa Pilipinas sa piling ng kaniyang ina at ika niya, “Kapag lumakas ka na, mama, ipapasyal kita kung saan ako lumaki.”

Madalas, may mga pangyayari sa ating buhay na hindi natin agad mabigyan ng kasagutan dahilan upang magtanim tayo ng sama ng loob. Ngunit lagi nating isaisip, lahat ng bagay ay nangyayari para rin sa ating ikabubuti.

Advertisement