“Pareng Jun, sahod na sa biyernes. Sasama ka ba sa inuman, doon naman daw tayo sa bahay nila George at saktong anibersaryo raw nung mag-asawa!” yaya ni Benjie, katrabaho ng lalaki.
“Pare, mukhang pass muna ako ngayon. May problema yata kami ng misis ko e,” malungkot nitong sagot.
“Anong klaseng sagot ‘yan? Saka bakit parang hindi ka sigurado?” balik na tanong naman ng lalaki.
“Ewan ko ba, hindi naman kami nag-aaway nitong mga nakaraan pero parang may mali. Kasi halos magdadalawang linggo ko nang napapansin na nagigising siya sa madaling araw at uupo sa may dulo ng kama namin saka siya iiyak. Mukhang may mabigat na pinagdadaanan yata ang misis ko na hindi sinasabi sa akin,” problemadong sagot ni Jun.
“Naku! Baka naman nahuli ka na ni misis!” tumatawang sagot ni Benjie sa kaniya.
“Loko! Wala akong babae pero alam kong nitong mga nakaraang buwan ay napapadalas na ang pag-inom ko, pero hindi na siya katulad noon na palagi akong binubungangaan pag-uwi. Ngayon para bang wala na siyang pakialam pa sa mga bisyo ko. Kahit nga ang pagyoyosi ko sa bahay ay hinahayaan na lang din niya,” paliwanag naman muli ni Jun sa kaniya.
“O, siya, sige na. Ako na bahala magsabi kina George na hindi ka makakasama sa biyernes. Ayusin mo na ‘yang problema niyo ni misis, baka madawit pa ako!” pagloloko pang muli ng kaniyang katrabaho at tumawa na lang ito saka siya nilubayan.
Patuloy naman sa pag-iisip si Jun kung ano ang nagawa niyang mali nitong mga nakaraang buwan at bakit kaya parati na lamang umiiyak ang kaniyang asawa. Kaya napagpasyahan niyang magpapakabait muna siya rito.
“Mahal, nandito na ako,” bati ni Jun sa kaniyang misis na abala sa paghihiwa ng sibuyas nang maabutan niya.
“O, ang aga mo yata. Anong mayroon at bakit maaga ka? Magluluto pa lang ako ng hapunan natin, maupo ka muna riyan at laruin mo si Jr.,” sagot naman kaagad ni Jessica sa asawa.
“Bago ang lahat, pahalik muna ako sa asawa ko!” lambing pang muli ng lalaki at mabilis na yumakap patalikod sa kaniyang misis at hinalikan ito sa batok.
“Pawis ako, Jun!” iritang sagot naman ni Jessica sa kaniya at saka abalang nagpatuloy sa mga paghihiwa nito.
Kaagad namang nalungkot ang lalaki nang maramdaman niyang tama ang kaniyang hinala. May problema talaga silang mag-asawa na hindi sinasabi sa kaniya ng babae. Maaring galit ito dahil sa sunod-sunod na pagbabarkada at pag-inom niya o ‘di kaya naman may nakalimutan na naman ang lalaking gawin o sabihin sa babae.
Halos buong gabing nakiramdam ang lalaki sa kaniyang misis hanggang sa natapos na ito sa lahat ng gawaing bahay at nahiga na sila sa kanilang kwarto.
“Mahal, pwede ba akong magtanong sa’yo?” malambing na saad ng lalaki.
“Ano po iyon?” kalmadong sagot naman ni Jessica sa kaniya.
“May problema ba tayo?” nakangusong wika ni Jun sa kaniyang misis at mabilis itong yumakap sa tiyan ng babae.
“Ano bang nangyayari sa’yo, Jun, bakit panay yata ang lambing mo sa akin ngayon? Wala naman tayong problema, bakit? May problema ba tayo na dapat kong malaman?” baling ng babae at saka pasimpleng hinampas sa balikat ang mister.
“E, kasi ano, nakikita kasi kita na palaging umiiyak. Bumabangon ka sa madaling araw at palihim na umiiyak, hindi ko alam anong mali ang nagawa ko bakit ka nagkakaganoon. Ano bang problema? Pag-usapan natin…” malungkot at nakayap pa rin na wika ni Jun sa misis.
Saglit na natawa ang babae at saka mas natawa pa ito nang makita niya ang itsura ng mister. Malungkot na malungkot kasi ito at parang batang nakapulupot sa kaniya.
“Tingnan mo ‘to, tinatawanan mo na lang ako ngayon,” singit pang muli ni Jun sa kaniya.
“Wala tayong problema, wala talaga kaya tumigil ka na sa kakayakap mo sa akin at mag-usap tayo ng maayos,” sagot ni Jessica rito.
“Hindi ako umiiyak nang dahil lamang sa problema, nakikipag-usap ako sa Panginoon,” nakangiti niyang sinabi sa asawa.
“Nagdedebosyon lamang ako sa ganoong oras at maniwala ka sa akin, wala tayong problema. Nitong mga nakaraang buwan ay mas naging malapit ako sa Panginoon at mas gusto ko pang makipag-usap sa kaniya. Kaya, Jun, nagdarasal ako, hindi ako umiiyak,” dagdag pa nito.
“Kung gusto mo ay susuportahan kitang makabalik sa simbahan at sa pagkanta mo. Sasamahan ka namin ni Jr. lalo na ngayon na malaki na siya,” mabilis na sagot ni Jun sa misis niya. Hindi na sumagot pa ang babae at niyakap na lamang ang asawa.
Bago ikasal ang dalawa ay matagal ng kumakanta si Jessica sa kanilang relihiyon at halos kalimutan niya lahat nang mabuntis at nanganak. Wala kasing katulong ang mag-asawa kaya naman nagsakripisyo na si Jessica.
Totoo ang sinabi ng babae na nagdarasal siya sa madaling araw, ito kasi ang oras na inilalaan niya upang kausapin ang Panginoon sa lahat ng bagay na nais niyang sabihin dito. Ngunit lingid sa kaalaman ng mister niya na kasama ang lalaki sa dasal ng misis niya na huminto na ito sa kabibisyo at mas magkaroon ng oras para sa kanila. Ngayon napatunayan ni Jessica na napakamakapangyarihan ng pagdarasal dahil simula noon ay unti-unti na ngang umiwas ang lalaki sa bisyo at mas nadadala na niya ito sa simbahan kasama ng kanilang anak.
Ikaw, kabayan? Ano ang kwentong answered prayer mo?