Isang Milagro nang Mabuntis ang Babae Gayong Baog ang Kaniyang Asawa; Anong ang Katotohanan sa Likod Nito?

“Nabalitaan nʼyo na ba? Buntis daw si Ara!”

“Talaga?! Paano mangyayari ʼyon, hindi baʼt baog si Nelson?”

“Iyon nga ang ipinagtataka namin, e. Papaanong mangyayari ʼyon? Hindi kaya may ibang lalaking nakabuntis kay Ara?”

Kalat na kalat na sa kanilang lugar ang balita ng pagbubuntis ni Ara, simula nang mahimatay ito sa labas ng kanilang bahay. Alam din kasi ng lahat na hindi maaaring magkaanak si Nelson dahil sa nangyaring aksidente noon na naging dahilan ng kaniyang pagkabaog. Isang electrician kasi si Nelson at buhat nang aksidenteng makuriyente sa ginagawa niyang outlet noon ay nawalan na rin siya ng kakayahang magkaanak pa. Kaya naman ganoon na lamang din ang kalakas ang bali-balitang baka may ibang lalaking nakabuntis kay Ara.

“Paano nangyari ʼyon, mahal? Paano?!” nagtatakang tanong din ni Nelson sa asawa matapos nilang malaman ang resulta ng check up ni Ara.

“Hindi ko rin alam! Hindi ko rin alam, Nelson!” Umiiyak si Ara. “Maniwala ka sa akin, hindi kita niloloko!” Pilit na kinukumbinsi ng babae ang kaniyang mister. Halos lumuhod na siya sa harap nito para lang paniwalaan siya ng asawa, ngunit talagang malaki ang pagdududa nito sa kaniya.

Gustong magdamdam ni Ara ngunit hindi niya naman masisi si Nelson. Alam niyang mabigat din ang pinagdaraanan nito, simula pa nang maaksidente ito.

Naguguluhan talaga sila sa nangyayari. Siguradong sigurado si Ara sa kaniyang sarili na hindi niya niloloko si Nelson. Ngunit lalo pang nadagdagan ang duda nito dahil kalat na ang tsismis sa kanilang lugar tungkol sa pagkakaroon niya ng kalaguyo.

Advertisement

Ang sabi ng doktor sa ospital kung saan dinala si Ara nang mawalan siya ng malay ay tatlong buwan na raw siyang buntis sa isang malusog na batang lalaki. Ngunit imbes na tuwa ay pagtataka, pagdududa at galit ang naramdaman nila!

Dahil doon ay naisipan ni Nelson na magpatingin sila sa Doktor upang ipa-double check kung ano nga ba talaga ang nangyayari. Hindi naman tumutol si Ara upang patunayan sa asawa na talagang nagsasabi siya ng totoo.

“Doc, ano po ba talaga ang nangyayari? Totoo bang buntis ang asawa ko?” kinakabahang tanong ni Nelson sa kausap na doktor.

“Oo, totoong buntis si Misis, Mister. Pero huwag ka munang mag-isip ng kung anu-ano. Kung totoo po ang sinasabi nʼyong nagkaroon lang kayo ng problema sa pagkakaroon ng anak simula nang aksidente kayong makuriyente, I suggest na mag-undergo po ulit kayo sa check up upang malaman natin ang totoo dahil baka nagkaroon ng milagro.” Tinanguan nila ang suhestiyon ng doktor.

At ganoon nga ang ginawa nila. Nagpasiyang muling magpatingin si Nelson sa espesiyalista upang alamin kung totoo nga ang iniisip ng doktor.…ganoon na lamang ang gulat nila nang malamang totoo ngang nagkaroon ng milagro, dahil muling bumalik sa normal ang lagay ni Nelson!

“Congratulations po, sir!” bati ng espesiyalistang tumingin sa kaniya nang makita ang labis na kasiyahan sa kaniyang mga mata.

Si Ara naman ay halos mapahagulhol sa sobrang tuwa sa nalaman laloʼt napatunayan niya nang hindi niya nga talaga niloloko ang kaniyang asawa.

Dito napagtanto ni Nelson na masiyado niyang minaliit ang asawang si Ara nang dahil lang sa pagkakaroon niya ng mahinang kumpiyansa. Inisip niyang maaari ngang mangyari ang tsismis nang hindi iniisip na noon pa man ay naging mabuting asawa na sa kaniya si Ara.

Advertisement

Natigil na rin ang mga haka-haka sa kanilang lugar dahil napahiya ang mga ito nang mabalitaan ang resulta ng eksaminasyon kay Nelson.

Labis na saya ang hatid sa kanila ng panibagong miyembro ng kanilang pamilya na sa nalalapit na ika-siyam na buwan ay makakasama na nila.

“Patawarin mo ako, mahal, kung pinagdudahan ko ang pagmamahal mo sa ʼkin. Hindi ko alam kung anong salita ang sasabihin ko sa laki ng kasalanan ko sa ʼyo.”

Ngumiti si Ara sa asawa at sinapo niya ang mukha nito. “Okay lang,” bulong niya sabay halik sa tungki ng ilong nito upang iparamdam na talagang pinatatawad na niya ito at naiintindihan.

“Salamat, Mahal. Hinding-hindi na mauulit ang nangyaring ito. Mahal na mahal kita.”

Ganoon pa man, ipinangako ni Nelson sa kaniyang sarili na kailan man ay hindi na muling makikinig sa haka-haka ng ibang tao. Marami nang napatunayan si Ara sa kanilang pamilya at hindi niya hahayaang masira sila dahil lang sa maling sabi-sabi ng ibang tao.