
Mas Pinili ng Lalaki na Mapangasawa ang Babaeng Mapera; Pagsisisihan Niya ang Ginawang Desisyon
Isang empleyado ng gobyerno si Romiel. Dahil lumaki sa mahirap na pamilya ay nangarap din siya na magkaroon ng marangyang buhay kaya nga ang tanging hiling niya ay ang makapangasawa ng babaeng kahit hindi kagandahan ay mapera.
Mataas ang pangarap ni Romiel. Kung hindi niya maabot ang minimithing iyon sa kaniyang trabaho, sana’y makakilala na lamang siya ng babaeng makapagbibigay sa kaniya ng mga luho niya ngunit tila nagbago ang paniniwala niya nang makilala si Selda.
“May gagawin ka mamayang uwian? Maaari ba kitang yayain na kumain sa labas?” tanong ni Romiel kay Selda, ang bago niyang ka-opisina. Simple lang itong babae na lumaki rin sa hirap. Nagtiyaga lang itong mag-aral at nagtapos para makapagtrabaho para sa pamilya.
“Wala naman. Teka, Romiel, nanliligaw ka ba?” balik na tanong ng babae.
“Hindi pa ba halata, Selda? Mula nang makilala kita’y hindi ka na maalis sa puso at isipan ko,” aniya at hinawakan ang mga kamay ng dalaga.
“Aaminin ko, Romiel, pareho tayo nang nararamdaman. Nang una kitang makita ay may kakaiba na akong naramdaman sa iyo, isang matinding paghanga,” bunyag ni Selda.
Mula nang ipagtapat nila ang espesyal na nararamdaman sa isa’t isa ay naging opisyal silang magkasintahan. Naging maayos naman ang takbo ng relasyon nilang dalawa ngunit nag-iba ang lahat nang dumating sa buhay nila si Irene.
Ang babae ang bagong supervisor nila sa opisina. Nagmula naman si Irene sa may kayang pamilya.
Bukod sa maganda rin ang babae ay ubod pa ito ng galante kaya madaling napalapit dito ang loob ni Romiel.
“Nakakahiya naman sa iyo, Irene. Ikaw na naman ang nanlibre sa amin,” wika ng lalaki sa katrabaho.
“Wala ‘yon! Saka masarap naman kayong ilibre, eh, lalo ka na, Romiel, masaya kang kasama,” anito sa naglalambing na boses.
Napalunok si Romiel sa sinabi ng babae. Pakiramdam niya ay parang nagbibigay ito ng motibo. Lalaki siya, kaya alam niya ang galawan ng mga babaeng gaya ni Irene.
‘Di nagtagal ay mas lalong napalapit ang loob ni Romiel kay Irene kaya ang relasyon niya kay Selda ay biglang nanlamig. Kung dati, araw-araw na inihahatid at sinusundo ni Romiel ang nobya, habang tumatagal ay nagiging madalang na lamang na gawin iyon ng lalaki. Ang palagi na nitong kasa-kasama ay si Irene na araw-araw namang nagbibigay sa kaniya ng iba’t ibang regalo. Binibilhan siya nito ng mga bagong sapatos, damit, pabango at iba pa. Ang babae ang nanliligaw sa kaniya at dinadaan siya sa mga materyal na bagay. Aminin man niya o sa hindi, iyon ang kahinaan niya.
Isang araw ay kinumpronta na siya ni Selda tungkol sa kanilang relasyon.
“Seryoso ka pa ba sa ating dalawa, Romiel? May pakialam ka pa ba sa relasyon natin? Tapatin mo nga ako, totoo bang nakikipagmabutihan ka kay Irene?” sunud-sunod na tanong nI Selda.
Nagulat si Romiel. Wala siyang kamalay-malay na may nalalaman na pala ito sa lihim na relasyon nila ni Irene.
“P-patawarin mo ako, Selda, p-pero napag-isip-isip ko na si Irene ang babaeng nararapat sa akin. Sana ay manunawaan mo ako,” pagtatapat niya.
Hindi napigilan ni Selda na maiyak sa ginawang pag-amin ng lalaki. Nilakasan nito ang loob bago muling nagsalita.
“Minahal kita, Romiel. ‘Di ko akalain na magagawa mo ito sa akin, p-pero kung iyan ang desisyon mo ay irerespeto ko dahil mahal kita. Kung mas sasaya ka sa piling niya ay ako na ang magpaparaya,” hayag ni Selda.
Nakaramdam ng guilt si Romiel sa ginawang pakikipagkalas kay Selda. Napagtanto niyang napakabuti ng puso ng babae.
Naging maayos ang paghihiwalay ng dalawa at nagpatuloy ang relasyon ni Romiel kay Irene hanggang yayain na niya itong magpakasal.
“Ano, tinatanggap mo na ba akong maging asawa?” tanong ni Romiel na inilahad sa harap ni Irene ang isang mamahaling singsing.
“Oo, Romiel, tinatanggap kong maging asawa mo,” sagot ng babae.
Natuloy ang kasal nina Romiel at Irene at nagsama silang mag-asawa sa iisang bubong. Ngunit habang tumatagal ay unti-unti ring nakikilala ng lalaki ang tunay na katauhan ng babaeng pinili niyang maging asawa.
“Hoy, hindi ka kakain ‘pag hindi mo natapos ang lahat ng ipinapagawa ko sa iyo!” sigaw ni Irene sa kanilang kasambahay.
Nang minsang dumalaw ang nanay at kapatid ni Romiel sa kanilang bahay ay pinagtataguan ng pagkain ni Irene ang mga ito at nang umalis ay pinaringgan pa ng hindi magagandang mga salita.
“Diyos ko, nagkamali ako sa pinili kong maging asawa,” bulong niya sa sarili.
Ngayon ay nagsisisi si Romiel kung bakit si Irene pa ang pinili niyang maging kabiyak. Masama pala ang ugali ng babae at napaka-matapobre. Nakaramdam din siya nang panghihinayang nang mabalitaang ikinasal na rin sa ibang lalaki si Selda. Napakabait daw na asawa nito kaya napakasuwerte raw ng lalaking napangasawa ng dati niyang kasintahan. Labis siyang nanghihinayang kung bakit hindi si Selda ang pinili niya, masaya sana ang kaniyang buhay may asawa.
Magsisi man siya ay huli na. Iyan ang napala niya dahil mas pinili niya na bilhin siya ng kaniyang naging asawa kaysa manatili sa babaeng nagmahal sa kaniya ng tapat at totoo.