
Bintangera ang Ginang na Ito, Nagising Siya sa Katotohanan nang Minsan Siyang Bigyan ng Tulong ng Matandang Pinagbibintangan Niya
“O, bakit ganyan ka makatingin sa akin? Huwag mong sabihing ako ang pinagbibintangan mong nagsumbong sa barangay, ha?” tanong ni Mang Elo sa ginang na kakadaan lamang sa kaniyang harapan at tila kakain na siya nang buo sa sama ng titig, isang umaga matapos nitong magsisisigaw sa harapan ng kanilang bahay.
“Oo, ikaw nga! Ikaw lang naman ang sumbungerong pakialamerong matanda dito sa barangay, eh!” bulyaw ni Rowena sa matanda dahilan upang maglabasan na ang iba nilang kapitbahay, bakas sa kaniyang mukha ang labis na galit sa matanda.
“Hoy, Rowena, para sabihin ko sa iyo, kakauwi ko lang dito! Tatlong linggo akong naospital, tapos ngayong pag-uwi ko, makakarinig ako nang malulutong na masasamang salita? Ni hindi ko alam na ako pala ang minumura mo!” sambit ng matanda sa kaniya, ngunit hindi niya ito inintindi.
“Wala akong pakialam! Wala namang ibang magtatangkang magsumbong sa akin kundi ikaw! Ni hindi ka na naawa, alam mo namang ako lang ang nagtataguyod sa mga anak ko! May sanggol pa ako tapos ipapaputol mo pa ang kuryente ko?” sigaw niya pa sa matanda dahilan upang manghina ito’t mapahawak sa kanilang pintuan.
“Hi-hindi nga ako ang may pakana niyan!” uutal-utal na sagot nito, halatang nahihirapan na itong huminga. “Itanggi mo pa! Sana tuluyan ka nang nabura sa mundong ito! Bakit kasi ginamot ka pa ng mga doktor!” galit na galit na bulyaw niya saka umuwi ng kanilang bahay, nagsimula namang magbulungan ang kanilang mga kapitbahay.
Kilala bilang palengkera ang ginang na si Rowena sa kanilang barangay. Halos araw-araw na lamang kasi siyang may kaaway at pinagsasalitaan sa kanilang lugar. Halos lahat din ng kaniyang mga kapitbahay ay galit na sa kaniya dahilan upang ganoon na lamang siyang mahirapan makahingi ng tulong sa tuwing wala na siyang maipapakain sa kaniyang tatlong anak.
Mag-isa niyang tinataguyod ang kaniyang tatlong anak, kabilang na ang isang sanggol dahilan upang magdoble kayod siya kahit pa bago lamang siyang panganak.
Ngunit noong araw na iyon, nagising na lamang siya sa katok ng mga tanod. Nais siyang hulihin ng mga ito dahil sa pagnanakaw niya ng kuryente sa kaniyang kapitbahay na naging dahilan ng labis niyang pagkagalit. Agad niyang pinaghinalaan ang pinakamalapit niyang kapitbahay na matanda, madalas kasi siya nitong pinagsasabihan na mali ang kaniyang ginagawa.
Halos buong pagkatao ng matanda ang kaniyang pinagsalitaan. Ipinarinig niya ito sa lahat ng kanilang kapitbahay at nang mapansing hindi siya napapansin ng matanda, dumaan pa siya sa harap nito’t tinignan ito ng masama.
Doon na sila nagsimulang magkaharap ng matanda. Ngunit, pagkaalis na pagkaalis niya sa tapat ng bahay nito, agad itong bumagsak dahilan upang mataranta ang mga nakikiisyoso nilang kapitbahay. Agad naman siyang tumakbo sa kaniyang bahay at doon nagkulong. Labis ang kabang nararamdaman niya ngunit ika niya, “Dapat lang sa kaniya ‘yon! Wala siyang awa sa mga mahihirap na tulad ko!”
Maya-maya pa, mayroon na namang kumakatok sa kanilang pintuan.
“Ang mga tanod na naman!” buntong hininga niya. Ngunit laking gulat niya ng isang mayamang babae ang bumungad sa kaniya at agad siya nitong sinampal, “A-aray ko!” sigaw niya, aamba na sana siya upang gumanti ng sampal nang bigla itong nagsalita.
“Kapag may masamang nangyari sa tatay ko, makakahanap ka talaga ng katapat mo,” banta nito sa kaniya, “Ito limang libo, pinapabigay ng maawin kong tatay para sa isang hampaslupang tulad mo, ayusin mo ugali mo!” sigaw pa nito saka hinagis sa kaniyang mukha ang mga pera.
Halos umapaw siya sa galit sa ginawa ng dalaga. Habang pinupulot niya ang pera, narinig niya ang kaniyang mga kapitbahay na masayang binati ang dalaga. Walang-wala sa kung paano siya tratuhin ng kaniyang mga kapitbahay.
Narinig niya pa ang mga usapan sa kanilang barangay na lahat pala sila ay walang kuryente ngayon dahil pumutok ang pinagkukuhanan ng kuryente ng kanilang barangay.
Nais niya nang lumubog sa lupa noong pagkakataon na ‘yon. Labis ang pagkahiyang kaniyang nararamdaman.
Doon niya napagtantong mali talaga ang ugaling pinapakita niya sa kaniyang mga kapitbahay. Lalo na, ang ginawa niyang pagbibintang sa mahinang matanda. Ika niya, “Kung may masamang mangyayari kay Mang Elo, labis ko itong pagsisisihan.”
Kinabukasan, agad niyang dinalaw sa ospital ang naturang matanda. Bumungad sa kaniya ang dalagang sumampal sa kaniya, dahilan upang kabahan siya nang labis.
“Gusto ko lang humingi ng tawad,” nakatungong sambit niya, laking gulat niya nang ngumiti lamang ito at agad siyang pinapasok.
Agad siyang pinatawad ng matanda at handa pa itong tulungan siya. Ganoon na lamang ang kaniyang saya dahil sa wakas, kahit sa unang pagkakataon ng pagpapakabait niya, nakatagpo kaagad siya ng taong handa siyang tulungan.
Simula noon, inayos na ng ginang ang kaniyang pag-uugali. Hangga’t maaari’y nakikisama na siya sa kaniyang mga kapitbahay dahilan upang ganoon na siya tanggapin at tulungan ng mga ito.
Madalas tayong nalalayo sa mga tao sa paligid natin dahil sa ating pag-uugali. Walang bayad ang pagiging mabait, bakit hindi natin subukan upang lahat tayo’y maging masaya sa buhay.

