Inday TrendingInday Trending
Nagulantang ang Magkakapatid sa Balita ng Kanilang Magulang; Sila na ang Gumawa ng Paraan Upang Mapigilan ang Hiwalayan

Nagulantang ang Magkakapatid sa Balita ng Kanilang Magulang; Sila na ang Gumawa ng Paraan Upang Mapigilan ang Hiwalayan

Ipinatawag ng mag-asawang Ludovico at Arminda ang kanilang mga anak sa kanilang mansiyon upang sabihin sa mga ito ang kanilang malaking rebelasyon.

“Ano ho? Pakiulit nga ho? Maghihiwalay kayo ni Mama?”

Pinaulit ng panganay na si Crisanto ang sinabi ng kaniyang Papang si Ludovico, 67 taong gulang. Magkakaharap silang pamilya sa malaking sala sa mansyon ng mga Sta. Mina.

“Narinig ninyo ang sinabi ko. Maghihiwalay na kami ng Mama ninyo.”

Nakatungo lamang si Arminda habang hinahayaan ang patriyarka ng pamilya na ipaliwanag ang kanilang sitwasyon.

Tatlo ang anak nina Ludovico at Arminda. Ang panganay na si Crisanto ay CEO ng isang malaking kompanya. Ang pangalawa naman na si Rueda ay isang interior designer at fashion magazine editor.

Ang bunso nilang si Adriana ay mechanical engineer at part-time professor sa isang pamantasan sa Maynila. Lahat sila ay titulado na.

“Bakit po? Sa edad ninyong ito? Ngayon ninyo pa naisipang magpa-annul?” takang-taka si Adriana sa kanilang Mama at Papa.

“Ipaliwanag nga po ninyo ang nangyayari, Ma at Pa. Hindi namin makuha. Bakit sa tanda ninyo na ito saka pa ninyo naisipang magpa-annul? What the hell is happening?” hindi na napigilan ni Crisanto ang kaniyang bibig.

Sinuweto siya ni Rueda. “Kuya, you’re being tactless again. Show some respect naman.”

“Okay. I’m sorry. Hindi lang ako makapaniwalang mangyayari ito. Ano po bang nangyari? Ma?” bumaling ang sulyap ni Crisanto sa kanilang Mama na kanina pa tahimik.

“Don’t tell me Papa na may iba na kayong ka-affair?” bigla na lamang untag ni Adriana sa ama.

“W-wala. Hindi ko magagawang lokohin ang Mama ninyo. Naging tapat ako sa kaniya simula’t sapul. Pinalaki namin kayo nang maayos and look at you now. May sari-sarili na kayong buhay. May sari-sarili na kayong yabang.” paliwanag ni Ludovico sa mga anak.

“But you are not answering our question, Papa. Ano’ng nangyari? Bakit bigla-bigla kayong nagdedesisyon ngayong maghiwalay?” giit ni Adriana.

“Because… we fell out of love. Nagising na lang kaming hindi na namin mahal ang isa’t isa,” saad ni Ludovico.

Nakabibinging katahimikan ang namagitan. Tila ninanamnam pa ng tatlong anak ang rasong ibinigay ng kanilang ama. Halata sa mukha ng tatlo na pinipigilan nilang matawa.

“Kung ayaw ninyong maniwala, fine. Malalaki na kayo, at matatanda na kami. Malaya kaming gawin kung anong gusto naming gawin even without consulting you,” turan ni Ludovico.

Tumayo na ito at naglakad patungo sa kuwarto. Nagpaalam naman si Arminda na magtutungo sa kusina upang maghanda ng kanilang hapunan. Naiwan sa sala ang magkakapatid.

“Parang mga teenager naman sila! Ano ba yan? Ano na lang ang sasabihin ng mga kamag-anak at kakilala natin? Kung kailan tumanda, saka naman nag-inarte sina Mama at Papa!” naiinis na turan ni Adriana.

“Stop it, Adriana! Wala tayo sa posisyon para husgahan ang Mama at Papa. Masyado tayong naging abala sa mga buhay natin kaya hindi na tayo updated sa mga nangyayari sa kanila. Tingnan mo nga oh. Kinailangan pa nila tayong ipatawag sa special meeting na ito para malaman natin what’s going on sa mansiyon na ito,” sabi ni Rueda.

“Eh ikaw lang naman ang busy lagi Ate Rueda! Mas mahalaga pa nga sa iyo ang fashion events mo kaysa sa anniversary nina Mama at Papa ‘di ba? So huwag mong sabihin sa akin iyan. Kahit noong mga bata pa tayo lagi mo akong sinisisi sa maraming bagay kahit wala naman akong kasalanan,” sagot ni Adriana sa kaniyang Ate Rueda.

“Stop it, guys! Hindi tayo nagpunta rito para ungkatin ang mga differences at issues natin noong mga bata pa tayo. Ang mahalaga ngayon, kailangang makaisip tayo ng paraan kung paano mapagbabati sina Mama at Papa at huwag na silang maghiwalay,” awat at atas ni Crisanto sa kanila.

“Here comes the leader again. Sabagay, ikaw naman talaga ang bida ng pamilya. Ang CEO at sumunod sa yapak ng Papa. Ikaw nga pala ang panganay,” pasaring ni Rueda.

“Rueda, puwede ba? Stop that non-sense!” asik ni Crisanto kay Rueda.

“Oh, akala ko ba nandito tayo para mag-isip ng paraan para maayos ito? Ano kayong dalawa ngayon?” turan ni Adriana sa dalawang nakatatandang kapatid. Natahimik sila.

“Okay, okay. Once and for all, isantabi na muna natin ang mga hindi natin napagkakasunduan bilang mga magkakapatid. Magpokus tayo sa real problem at the moment. Ang problema natin, paano natin makukumbinsi ang mga magulang natin, na nasa senior age na, na huwag nang maghiwalay through annulment. Sabi ninyo nga, strange, unusual, and nakakahiya,” basag ni Crisanto sa katahimikan.

At muling pumailanlang ang katahimikan. Tila bawat isa ay nag-iisip ng magandang mungkahi.

“Kumuha kaya tayo ng asian cruise, bigyan natin sila ng package. Travel. Baka need lang nila ng second honeymoon,” suhestyon ni Adriana.

“O kaya naman ipakiusap natin kay Father Moren? Baka need lang nila ng counseling,” saad naman ni Rueda. Si Father Moren ang spiritual adviser ng kanilang pamilya. Kura paroko ito ng kanilang bayan.

“Wait, I have a better idea. Ipagsama natin ang mga iyan. Which leads to renewal of vows tapos ang honeymoon ay sa cruise. Okay ba sa inyo?” tanong ni Crisanto sa dalawang kapatid.

Sumang-ayon naman ang dalawa, at naghatian na sila ng tasking o gawain upang maisingit na sa kanilang mga oras ang pag-aasikaso para sa renewal of vows ng kanilang mga magulang.

Sa prepasyong iyon, nagkaroon ng pagkakataon ang magkakapatid na muling mapalapit sa isa’t isa. Mas naging close sila. May mga bagay silang hindi napagkakasunduan subalit iisa naman sila sa kagustuhang huwag maghiwalay nang tuluyan ang kanilang mga magulang.

“Natutuwa ako dahil ngayon na lang yata tayo ulit nagkasama-sama. Ilang taon na ba ang nakalipas simula noong huli natin itong ginawa?” tanong ni Crisanto sa mga nakababatang kapatid.

“Hay naku matagal na matagal na! Mga bata pa tayo noon. Sinorpresa natin sa birthday niya si Mama. Nakakamiss balikan ‘no? Pero… habang lumalaki tayo… siyempre may mga differences tayo kahit magkakapatid tayo. We often fight, pero at the end of the day, mahal pa rin naman natin ang isa’t isa hindi ba?” sabi ni Rueda sa kaniyang mga kapatid. Nagyakap silang tatlo.

“Guys, kailangan na nating sabihin kina Mama and Papa ang plano natin para ‘di sila mabigla. We will set an appointment with them,” sabi ni Crisanto.

At muli ngang humarap ang tatlong magkakapatid sa kanilang Mama at Papa. Inilatag nila rito ang kanilang inihandang renewal of vows. Kasado na ang lahat. Wala nang iintindihin sina Ludovico at Arminda kundi dumalo sa seremonya.

“So, are you in po ba, Ma and Pa?” kinakabang tanong ni Adriana.

Tumayo si Ludovico. Naglakad-lakad.

“Yes. We will do it,” sagot niya sa mga anak.

Bumadha ang kasiyahan sa mukha ng tatlong magkakapit. Lakas-loob na nagtanong si Rueda.

“S-so Pa, since you just said na you’re in sa renewal of vows ninyo ni Mama, does it mean na hindi na kayo maghihiwalay? Na okay na ulit kayo?”

Buong-tamis na ngumiti si Arminda. Tumayo ito at lumapit kay Ludovico. Ipinulupot niya ang mga bisig sa mga bisig ng asawa.

“We will never do that mga anak. It’s a prank!” sabi ni Arminda.

Halos mahulog sa kinauupuan nila ang tatlong magkakapatid.

“I should commend your planning capabilities pero mas magaling kaming magplano ng Papa ninyo. Mana nga kayo sa amin. We planned it. Kunwari maghihiwalay kami, para magkausap-usap na kayo at magkabati-bati,” paliwanag ni Arminda.

“Mga anak, ayaw naming mawala sa mundong ito na hindi namin matitiyak ng Mama ninyo na magiging maayos at magiging magkasundo ulit kayong tatlo. That’s why nag-isip kami kung paano namin kayo mapapapunta rito at mapagsasama-sama. And we are successful!” paliwanag ni Ludovico.

Tawa nang tawa ang tatlong magkakapatid. Kanino pa nga ba sila magmamana ng katalinuhan kundi sa mga magulang nila? Lumapit sila sa dalawa at niyakap. At least, buo pa rin ang kanilang pamilya!

At natuloy nga ang renewal of vows nina Ludovico at Arminda sa simbahan kung saan din sila ikinasal. Pagkatapos ng kasalan, sumama na rin ang magkakapatid sa asian cruise na regalo nila sa kanilang mga magulang. Pagkakataon na iyon para makapagbonding ulit sila bilang isang masaya, matatag, at kumpletong pamilya!

Advertisement