Nangunguna sa Pagiging Babaero ang Lalaking Ito; Nagbago ang Lahat nang Magbalik ang ‘Pers Lab’ Niya

“Ang lupit mo talaga, Jeremy! Sabay sabay mong hiniwalayan ‘yung tatlo at sa video call pa? Anong mayroon ka na wala ako!?” mapang-asar na wika ni Cedric, katrabaho ng lalaki habang nag-iinuman ang dalawa sa loob ng bar.

“Pabor naman silang magsabay sabay sa pagiging nobya ko kaya dapat pabor din sila na maghiwalay ng ganoon. Masyado nang nakakapagod. Sakit na rin sa ulo minsan ‘pag ang daming babae,” napapakindat namang sagot ng lalaking si Jeremy.

“Kailan ka ba kasi magseseryoso ulit? Kailan ba maghihilom ‘yang puso mo para naman tigilan mo na ang kakapanakit sa iba,” saad muli ni Cedric sa kaniya.

Ngunit hindi na sumagot si Jeremy nang may mahagip ang mga mata niyang isang babae. Mabilis itong tumayo at nagpunas ng mukha tsaka nagtungo sa dalagang nag-iisa.

“Sabihin mong naduduling lang ako,” bulong niya sa sarili nang makita pa ng malapitan ang babae.

“Cathy, ikaw ba ‘yan?” tanong niya sa babae.

Ngumiti lamang ang babae at inilingan siya. Hindi naman makapaniwala si Jeremy sa kaniyang nakita.

“Sorry, pero kamukhang kamukha mo ito,” pahayag pang muli ng lalaki sabay labas ng telepono at ipinakita ang litrato ng babaeng si Cathy.

Advertisement

“Ay, wow, kamukha ko nga! Sino siya?” biglang sagot ng babae at nagkaroon ito ng interes na kausapin siya. Lumipas ang buong magdamag na nagkwentuhan ang dalawa hanggang sa nakuha niya ang numero nito at naging magkaibigan sila.

“Jeremy, mukhang tinamaan ka na talaga riyan kay Faith ha? Isang buwan na at siya lang ang babae mo!” asar muli ni Cedric sa kaibigan.

“Pare, parang dininig ng Panginoon ang dasal ko na bumalik sa akin ang taong hinihiling ko. Siya na talaga ang tuluyang makakapagpabago sa akin,” seryoso nitong sagot.

“Pare, baka naman hindi talaga si Faith ang mahal mo, baka naman si Cathy pa rin,” seryoso nitong wika.

“Hindi ba’t senyales na ito na para kami sa isa’t isa? Baka itong pangalawang buhay niya ang ibinigay ng Panginoon para mapunta naman siya sa’kin. Para maging kami naman,” nakangiting sagot ni Jeremy sa kaniya.

“Alam mo, pare, ayaw kong basagin ‘yang kasiyahan mo pero sana minamahal mo talaga si Faith dahil si Faith siya at hindi dahil lamang sa kamukha siya ni Cathy,” pahayag muli ni Cedric.

“Ganoon na rin ‘yun! Basta, kapag pumayag siyang pakasalan ako, hindi na ako mambabae pang muli!” maligayang baling ni Jeremy. Napailing na lamang si Cedric sa sagot ng kaibigan.

Apat na taon na ang nakakalipas simula nang mawala ang babaeng minahal ni Jeremy na si Cathy. Nagkaroon ito ng ibang lalaki at sa kasamaang palad ay naaksidente pa na siyang ikinasawi ng babae. Kaya naman simula noon hanggang nitong mga kasalukuyan ay hindi na niya nagawang magkaroon pa ng seryosong relasyon. Bukod sa nawalan daw siya ng tiwala sa babae at pag-ibig ay wala na siyang ginawa kung ‘di hanapin sa ibang babae si Cathy. Ngunit nagbago nga ang ikot ng mundo niya nang makilala niya si Faith. Sabi ng iba ay doppleganger daw siya ni Cathy dahil sa labis na pagkakahawig nilang dalawa. Ngunit para sa kaniya ay ito na ang hinihintay niyang tadhana.

Advertisement

“Faith, pakasalan mo na ako,” seryosong wika ni Jeremy sa babae habang nanunuod ang dalawa ng pelikula sa bahay ng lalaki.

Halos masamid at naubo naman sa gulat si Faith sa kaniyang narinig.

“Jeremy, ayos ka lang ba? Hindi mo pa nga ako kilala, hindi mo pa ako lubusang kilala. Saka akala ko tropa-tropa lang ‘to. Nanliligaw ka ba?” natatawang sagot ni Faith sa kaniya.

“Mahigit isang buwan na tayong magkakilala, ayaw ko nang may sayangin pang oras o panahon at baka mawala ka na naman sa akin. Ayaw ko nang mawala ka sa akin Cathy,” mabilis niyang sagot.

“Ayan, hindi naman si Faith ang nakikita mo. Si Cathy, ‘yung past mo. Mahirap ‘yan, Jeremy! Isa pa, may asawa na ako sa ibang bansa,” pagtatapat naman ng babae na siyang ikinagulat naman ni Jeremy.

“Asawa? Bakit ka may asawa, anong sinasabi mo?” naguluhan niyang tanong.

“Asawa, kasal, married, taken na ako!” bulalas ng babae sabay tawa.

“Akala ko talaga magkaibigan lang tayo, akala ko gusto mo lang ng tropang babae na mapagkukwentuhan mo tungkol diyan sa past mo. Sorry kung nabigyan kita ng ibang pakahulugan pero, seryoso, may asawa na ako,” dagdag pa ng babae.

Advertisement

“Pero, may naging mga lalaki na rin ako kahit kasal ako. Nasa ibang bansa kasi ‘yung mister ko kaya nalulungkot din ako. Payag ka bang maging kabit? Na kapag umuwi siya, hindi muna pwede ‘to?” tanong muli ni Faith na siyang lalong nakapagpagimbal kay Jeremy. Parang naririnig at nakikita niya ang kaniyang sarili kung paano siya mambabae.

Hindi na sumagot pa ang lalaki at doon din natapos ang ‘pagkakaibigan’ ng dalawa. Tila naramdaman ni Jeremy ang sakit at kahihiyan na binibigay niya sa isang babae kapag tinatanong niya ito kung ayos lang ba ang maging kabit o magkaroon ng iba pang babae sa buhay niya nang siya mismo ang napalagay sa ganoong lugar.

“Pare, para akong minulto ni Cathy. Pakiramdam ko ay nabuhay siyang muli para gisingin ako sa mga pambabae ko,” seryosong wika ni Jeremy sa kaibigan.

“Ayaw mo bang maging kabit? Ayaw mo nun, si Cathy pa rin makakasama mo pero sa ibang katauhan lang at ibang pagkakataon,” sagot naman ni Cedric sa kaniya.

“Baka ito talaga ang gusto ng Panginoon, ang makita at maramdaman ko ang mali ko. Siguro ‘yung ibang lalaki papatusin ‘yung alok ni Faith lalo na kung first love mo ba naman ‘yung nasa pagmumukha ng ibang tao. Pero napagtanto ko na kapag tunay ang pag-ibig, kapag para sa’yo dapat ay wala kang kahati. Dapat ikaw lang, dapat kayo lang,” hugot ni Jeremy at alam ni Cedric na sa mga oras na iyon ay nahimasmasan na ang kaibigan niya.

Sa isang iglap din ay nawalang parang bula si Faith at kahit anong hanap nila ay hindi na muli nilang natagpuan ang babae. Simula noon ay hindi na muling nambabae pa si Jeremy at mas pinahalagahan niya ang pakikipagrelasyon.