
Iisang Lalaki ang Nobyo ng Dalawang Magkaibigan, Labis nitong Nasubok ang Kanilang Samahan nang Magkabukingan
“Tinuring pa naman kitang parang isang kapatid tapos malalaman kong nobyo mo rin pala ang nobyo ko!” sigaw ni Klarita, isang araw nang madatnan niya sa bahay ng kaniyang matalik na kaibigan ang kaniyang nobyo. Agad na nagtago ang lalaki nang makita siya.
“Aba, kasalanan ko bang ayaw mo ipakita sa akin ang litrato ng nobyo mo, ha? Kaya hindi ko alam na iisang tao lang pala ang nanliligaw sa akin noon at ang nobyo mo! Pero pasensya ka na, ha, dahil tama ka, nobyo ko na siya, at wala ka nang magagawa doon!” sagot ni Jelay habang pilit na pinapalabas sa kaniyang bahay ang kaibigan.
“Anong wala? Nasaan ‘yang lalaking ‘yan? Makakatikim sa akin ‘yan!” sambit nito habang mangiyakngiyak, nagpupumilit pa rin itong makapasok sa kaniyang bahay.
“Magpakababae ka naman, Klarita, nakakaawa ka, eh, ako na nga ang pinili, hindi ba? Hindi ka na daw niya mahal! Hahabol ka pa? Umalis ka na dito at huwag mo na kaming guluhin!” bulyaw niya sa kaibigan saka niya ito tinulak nang malakas upang tuluyan nang makalabas ng kaniyang bahay.
“Ah, edi ang ibig mong sabihin, mas pipiliin mo ‘yang lalaking ‘yan na pinagsabay tayo kaysa sa pagkakaibigan natin?” tanong nito sa kaniya habang inaayos ang sarili mula sa pagkadapa.
“Oo naman, sino ka ba para piliin ko? Mabibigyan mo ba ako ng pamilya? Eh, puro tsismis at utang ang bigay mo sa akin! Umalis ka na!” sagot niya dito saka niya tuluyang sinara ang gate ng kaniyang bahay. Rinig na rinig niya ang hagulgol ng kaniyang kaibigan ngunit hindi niya ito inintindi.
Matalik na magkaibigan ang dalawang dalaga. Kahit pa nagkakilala lamang sila noong pagtungtong nila sa kolehiyo, tinuring nilang bilang kapatid ang isa’t-isa.
Sa tulong din ng kaniyang kaibigang si Klarita na unang nakapagtrabaho sa kanila, nagawa ni Jelay na makapasok sa isang kilalang hotel kung saan ito nagtatrabaho dahil upang makaipon siya’t makapagpatayo na rin ng sarili niyang bahay.
Ika nga niya, “Ang galing no, sabay nating naabot ang pangarap nating makapatapos ng pag-aaral, makahanap ng maganda trabaho at makapagpatayo ng sariling bahay, sana magkaroon na rin ako ng nobyo katulad mo para sabay naman tayong ikasal!” na labis namang ikinatuwa ng kaniyang kaibigan.
Sa katunayan pa nga, tinulungan pa siya ng kaniyang kaibigan na makahanap ng nobyo. Pinapakilala siya nito sa mga katrabaho nito ngunit wala siyang matipuhan.
Hanggang isang araw, ibinalita niya sa kaibigan na may nanliligaw na sa kaniya. Labis ang saya nito at nais makita ang lalaki dahilan upang papuntahin niya sa kaniyang bahay ang lalaki pati na ang kaniyang kaibigan.
Bago pa man dumating si Klarita, sinagot na niya ang binata dahil ika niya, “Gusto ko ipakilala na kita sa kaibigan ko bilang nobyo ko, tiyak matutuwa iyon!”
Ngunit laking gulat niya nang magsisisigaw ang kaniyang kaibigan sa kaniyang bahay nang makita ang binata dahilan upang ganoon na lamang siya magalit. Doon niya tinuldukan ang kanilang pagkakaibigan at mas pinili ang binata kahit pa nalaman niyang pinagsabay sila nito.
Naging maayos naman ang pagsasama nila ng naturang lalaki noong mga unang buwan. Pinatuloy niya na rin ito sa kaniyang bahay dahil nangungupahan lang pala ito. Binigay niya lahat ng nais nito, mapamateryal na bagay man o kahit ang kaniyang puri dahilan upang akalaing niyang magiging kuntento na ang binata sa kaniya at hindi na maghahanap pa ng iba.
Ngunit isang araw, nahuli niya itong may kasamang ibang babae sa mismong bahay niya. Labis siyang nasaktan sa nakitang kababuyan at agad niyang pinalayas ang lalaki kahit pa mahal na mahal niya ito. Nalaman niya pang ito pala ang tunay na asawa ng lalaki at kabit lamang siya.
Halong madurog ang kaniyang mundo nang mapagtantong nagamit lang siya ng binatang iyon. Wala siyang malapitan kahit na sino at biglang pumasok sa isip niya ang dati niyang kaibigan.
Ngunit palabas pa lang siya ng kaniyang bahay, nagulat na lamang siyang naghihintay na doon ang isang dalagang may bitbit-bitbit na pagkain, at nakangiting nakatingin sa kaniya.
“Patawarin mo ako,” tangi niyang nasambit, agad siyang niyakap nito at doon na sila muling nagkaayos.
Kinuwento niya ang pait na kaniyang naranasan sa kaibigan. Pinakinggan lamang siya nito at niyakap na tila bang wala siyang nagawang kasalanan dito. Doon niya napagtantong wala talagang katulad ang kaibigan niyang ito.
Simula noon, nangako si Jelay na hindi na muling ipagpapalit ang kaniyang kaibigan kahit pa kaninong lalaki. Ika niya, “Sa buhay, mas kailangan mo ng taong masasandalan kaysa taong magpapasa sa’yo tapos sasaktan ka lamang.”