Inday TrendingInday Trending
Marangyang Kasalan ang Nais ng Dalaga Kaya Naman Todo Kayod ang Nobyo Niya; Subalit Hindi Nito Inasahan ang Kaniyang Natuklasan

Marangyang Kasalan ang Nais ng Dalaga Kaya Naman Todo Kayod ang Nobyo Niya; Subalit Hindi Nito Inasahan ang Kaniyang Natuklasan

Tila namamalikmata si Gerald nang iabot sa kaniya ni Audrey, ang kaniyang fiancee, ang napakahabang listahan nito para sa paghahanda nila sa kasal.

“B-Babe, s-sigurado ka ba rito? Hindi ba masyadong magastos ito?” halos nabubulunang tanong ni Gerald.

“Hindi ‘no. Actually kulang pa iyan. May mga hindi pa ako nadagdag gaya ng lechong baka. Pero iniisip ko pa kung isasama natin, kasi iyan ang hinahanap-hanap ng mga tao sa probinsiya kapag may kasalan,” saad ni Audrey.

“Pero baka naman puwede nating tapyasin… mukhang hindi kakayanin ng budget natin babe…” hirit ni Gerald. Aabot sa 300,000 piso ang magiging gastusin nila para sa marangyang kasalan at reception na pinangarap ng kaniyang girlfriend. Pitong taon na silang magkasintahan.

“Ayoko. Iyan ang kinasanayan sa probinsiya. Ang Kuya Anselmo ko, sa ganiyang paraan ikinasal. Ayoko namang mapahiya ang pamilya ko. Saka, tinitipid mo ba ako? Akala ko ba mahal mo ako?” parunggit ni Audrey kay Gerald.

“Hindi naman sa ganoon, babe. Mahal na mahal kita, kaya gusto ko ang best para sa magiging ina ng mga anak. Kaya nga ako nagsusumikap sa pagtatrabaho para maibigay ko sa iyo ang pangarap mong magarbong kasal. Kaya lang…”

“Kaya lang, ano? Hindi mo kaya? Gerald naman. Pinalalagpas ko na nga minsan ang mga dates natin sa mga fast food chain eh. Dapat sa mamahaling restaurant mo ako dinadala. Kapag mahal mo ang isang tao, dapat handa kang gumastos para sa kaniya,” inis na sabi ni Audrey.

Nilapitan ni Gerald ang fiancee at niyakap ito.

“Oo naman, babe. Huwag kang mag-aalala. Gagawa ako ng paraan para maibigay sa iyo ang mga bagay na magpapasaya sa iyo. Mahal na mahal kita,” pangako ni Gerald sa mapapangasawa.

Pagkahatid kay Audrey, nakipagkita si Gerald sa kaniyang kabarkadang si Anton, na lagi niyang nasasabihan ng mga sama ng loob.

“Mahal mo ‘di ba? Hindi naman siguro kayo tatagal nang pitong taon kung hindi mo siya kayang tiisin,” sabi ni Anton.

“Oo naman. Mahal na mahal ko si Audrey. Unang kita ko pa lamang sa kaniya, alam kong siya na ang babaeng ihaharap ko sa dambana. Magiging ina ng mga anak ko. Pero may pagkamaluho kasi si Audrey. Minsan nga nagi-guilty na ako sa sarili ko kapag hindi ko siya nadadala sa mga lugar na gusto niya, kagaya ng mamahaling mga restaurant,” bulalas ni Gerald.

“Anong plano mo niyan?” untag sa kaniya ni Anton.

“Bahala na. Kung kinakailangang mag-overtime sa trabaho, gagawin ko. Kung kinakailangang humanap ng dagdag na kita, papasukin ko, Balak ko ring mag-loan sa bangko,” sabi ni Gerald.

“Hindi ka pa man kasal, may utang ka na. Advice lang pare, pag-isipan mong mabuti. Kung talagang mahal ka ni Audrey, maiintindihan naman niya siguro na mas mahalagang maging handa kayo sa buhay-mag-asawa kaysa sa maluhong kasalan. Akin lang naman iyan. Kasi ang misis ko, sa huwes lang kami ikinasal, ayos na sa kaniya. Pero desisyon mo naman iyan eh,” huling payo ni Anton.

Ginawang araw ni Gerald ang mga gabi sa kaniyang pagtatrabaho bilang clerk sa isang kompanya. Lagi siyang overtime. Sinubukan din niya ang online selling upang makompleto ang kaniyang ipon.

Umutang din siya sa bangko at iba pang mga pautangan gaya ng 5-6. Naaprubahan naman ang mga ito.

“Bahala na…” nausal ni Gerald sa kaniyang sarili. Alam niya kasing mababaon siya sa mga utang sa interes pa lamang na kailangan niyang bayaran. May ipon na siyang 150,000 piso. Kalahati pa ang kailangan niya para sa budget nila sa kasal. Sinabi niya ito kay Audrey.

“Tumatakbo ang oras, Gerald! December ang kasal natin hindi ba? Anong petsa na ngayon? Ipapahiya mo yata ako sa mga kamag-anak ko sa probinsiya eh,” pasaring sa kaniya ni Audrey.

“Huwag kang mag-alala babe, gagawa ako ng paraan. Huwag ka na mag-alala…” paglalambing ni Gerald. Hahalikan niya sana si Audrey subalit tumanggi ito.

Isang araw, tinawagan ni Anton si Gerald.

“Pare, magkita tayo. May kailangan kang malaman,” sabi ni Anton.

“Bakit hindi na lang dito sa telepono, pare? Abala ako ngayon. Need ko magovertime. Alam mo namang kailangan kong humataw para sa kasal namin ni Audrey,” tugon ni Gerald.

“Mahalaga ito, Gerald. Nakasalalay sa sasabihin ko sa iyo ang lahat ng paghahanda mo,” turan naman ni Anton.

Nang gabing iyon ay nagkita nga ang magkaibigan.

“Nakita ko si Audrey na may kasamang ibang lalaki. Mukhang mayaman,” pagtatapat ni Anton sa kaibigan. Ipinakita niya rito ang mga kuhang larawan niya. Mukhang sweet na sweet sa isa’t isa si Audrey at ang lalaki habang sila ay nasa mamahaling restaurant.

Agad na nagtungo si Gerald sa condo unit ni Audrey upang komprontahin ito. Laking-gulat nila sa isa’t isa. Nadatnan ni Gerald ang lalaking kasama ni Audrey sa mga kuhang larawan ni Anton. Awtomatikong sinuntok niya ito sa mukha. Todo-awat naman si Audrey.

“Hayop ka! Alam mo bang ikakasal na kami, ha?!” galit na galit si Gerald sa lalaki habang inaawat siya ni Audrey.

“Tama na, Gerald! Wala nang kasalang magaganap. Ayoko na! Hindi na kita mahal!” galit na sabi ni Audrey. Para namang binuhusan nang malamig na tubig si Gerald sa mga narinig.

“Sinadya kong mag-demand ng marangyang kasal sa iyo para maipamukha sa iyong mahal ako, at para umurong ka nang pakasalan ako. Hindi na kita mahal. Matagal na. Hindi ikaw ang makakapagbigay ng kaligayahan ko, Gerald. Hindi mo ako mabibigyan ng maganda at marangyang buhay!”

Malaking sampal para kay Gerald ang narinig mula kay Audrey. Pinagpalit siya nito sa mas mayamang lalaki. Walang nagawa si Gerald. Pakiramdam niya ay wasak na wasak ang kaniyang puso at pagkatao. Pakiramdam niya ay nasayang ang lahat ng kaniyang pinaghirapan. Nabaon siya ngayon sa utang at hindi niya alam kung paano makakabangon.

Sa halip na magmukmok, naisip na lamang ni Gerald na gamitin ang perang hawak niya sa isang negosyong matagal na niyang naiisip gawin. Balak niya, sisimulan niya ang negosyo kapag nakasal na sila ni Audrey.

Kailangan niyang makabangon at hindi siya maaaring magmukmok dahil patong-patong ang kaniyang mga utang. Pumatok ang kaniyang negosyo na mga franchise ng iba’t ibang stalls gaya ng siomai, siopao, french fries, at marami pang iba. Sa loob ng isang taon ay nabayaran ni Gerald ang lahat ng kaniyang pagkakautang, lumago ang kaniyang negosyo, at mas gumanda pa ang kaniyang buhay.

Isang araw, habang naglalakad sa mall, hindi sinasadyang makasalubong ni Gerald si Audrey: malaki na ang pinagbago nito. Mukhang pagod at tila tumanda nang maraming taon. May karay-karay itong anak. Nagulat ito nang makita siya. Malaki na rin kasi ang kaniyang pinagbago sa kaniyang pananamit. Mas lalo siyang naging gwapo at matikas.

“Gerald… kumusta ka na?” tanong ni Audrey.

“A-ayos naman… ikaw? Kumusta ka?”

Hindi sumagot si Audrey. Nangilid ang mga luha nito sa kaniyang mga mata.

“H-Heto, may asawa na. Losyang na… para akong kumuha ng batong ipupukpok sa ulo ko dahil sa naging asawa ko. Siya yung… ipinagpalit ko sa iyo. Sayang Gerald. Sayang…” punumpuno ng pagsisisi ang mga mata ni Audrey.

Naputol ang pag-uusap nila nang may tumawag sa cellphone ni Audrey. Nagpaalam na si Gerald.

Habang nasa sasakyan si Gerald, hindi niya naiwasang mapangiti. Wala nang epekto sa kaniya si Audrey. Hindi siya nangingiti dahil sa sitwasyon nito ngayon, kundi dahil naka-move on na siya sa mapait at masakit na karanasan noon.

Anuman ang kinahinatnan ng buhay ng dating fiancee, hindi niya iyon ikinatutuwa kahit na niloko siya nito at ipinagpalit sa ibang lalaki. Subalit, iyon ang buhay na pinili niya; ang bunga ng kaniyang mga desisyon. Isasama niya pa rin sa kaniyang mga panalangin ang kaayusan ng buhay ni Audrey.

Advertisement