Inday TrendingInday Trending
Iniwan ng Dalaga ang Mahirap na Nobyo upang Magpakasal sa Mayamang Binata; Pagsisisihan Pala niya Ito

Iniwan ng Dalaga ang Mahirap na Nobyo upang Magpakasal sa Mayamang Binata; Pagsisisihan Pala niya Ito

“Sorry talaga, Anthony. Wala kang kasalanan. Itʼs just that, hindi ko na kayang hintayin kung kailan ka aasenso sa buhay. Sawang-sawa na kasi ako sa ganito,” mariing sabi ni Selena sa nobyong si Anthony habang kumakain sila ngayon sa isang fastfood chain.

Halatang ikinabigla iyon ng binata, ngunit hindi maikakaila ang lungkot sa mga mata nito nang mga sandaling ʼyon. “Bakit naman biglaan kang nakikipag-break, Selena? Dahil ba ʼyon sa lalaking nakilala mo sa bar kagabi?”

Nanlaki ang mga mata ni Selena sa narinig na sinabi ng nobyo. “Papaano mong nalaman ang tungkol doon?” nabibiglang tanong niya.

“Sinundan kita. Binantayan kita, kasi nag-aalala akong baka may mangyari sa ʼyong hindi maganda. Lasing na lasing ka na kasi kagabi… pero dapat pala hindi na lang ako sumunod.” Gumuhit ang matinding hinanakit sa mukha ni Anthony habang inaalala ang mga pangyayaring nasaksihan niya kagabi, kung saan nakita mismo ng dalawa niyang mga mata na nakipaghalikan sa ibang lalaki ang kaniyang nobya.

Dahil doon ay natahimik ang dalaga. Nawalan siya ng sasabihin dahil hindi niya alam kung papaano sasagutin iyon. Sino nga ba namang hindi mahihiya kapag nahuli ka ng nobyo mo habang nagtataksil sa kaniya?

“Kung iyan ang desisyon mo, wala na akong magagawa. Salamat na lang sa lahat, Selena at sana, maging masaya ka.”

Sa huli ay pinakawalan siya ni Anthony kahit pa nga napakabigat sa kalooban nitong sayangin ang anim na taong pinagsamahan nila. Samantala, makalipas lamang ang ilang linggo, si Selena ay agad na tinanggap ang alok na kasal ni Leo. Ang mayamang lalaking nakilala niya sa bar nang gabing sinundan pala siya ni Anthony.

Binigyan siya ni Leo ng isang engrandeng kasal na alam niyang hindi kayang ibigay sa kaniya ni Anthony. Sa isip-isip niya nang mga panahong iyon ay tama nga ang kaniyang naging desisyon, kaya naman pinutol na niya ang lahat ng kaugnayan niya kay Anthony. Ang huling balita niya sa binata ay nag-resign daw ito sa kompanyang pinapasukan nito bilang isang production operator.

Mabilis na lumipas ang mga araw, linggo at buwan. Ngayon ay limang buwan nang maybahay ni Leo si Selena. Limang buwan na ring nagtitiis si Selena dahil unti-unting nagbago ang pakikitungo sa kaniya ni Leo.

Nagsimula siya nitong ituring na katulong kaysa asawa. Utos dito, utos doon. Palagi pa itong galit! Kung umuwi ito ay palaging gabi na at lasing pa! Grabeng paghihirap ang dinadanas ngayon ni Selena.

Bukod pa roon, kabi-kabila ang mga babae nito. Hindi lang siya nito ginagawang alila, ginagawa pa siya nitong martir!

Labis na nagsisisi si Selena dahil ipinagpalit niya ang napakabuti niyang nobyo sa isang lalaking bulsa lang naman ang may laman! Wala na siyang nagawa pa, kundi ang layasan ito at hiwalayan ito.

Naisip niya, mahal na mahal siya ni Anthony kaya baka tanggapin pa siya nito kung siya ay babalik pa sa kaniya. Agad niyang kinontak ang kanilang mga kaibigan, pati na rin ang ilang kamag-anak ni Anthony ngunit wala silang alam kung nasaan ito.

Hanggang sa pagkalipas ng dalawang taon, nagtatrabaho sa isang grocery store noon si Selena…

“Guys, be ready, ha? Ngayon darating ang may-ari nitong grocery store. Ang sabi, balak daw nilang ilipat ang lahat ng trabahante rito sa main branch sa Maynila, pansamantala dahil ire-renovate daw itong atin,” anang kanilang branch manager nang umagang iyon.

Noong unaʼy wala namang pakialam si Selena sa sinasabi ng kanilang boss, hanggang sa isang pamilyar na lalaki ang dumating at binati nito!

“Welcome po, Sir Anthony!” masayang bati ng kanilang branch manager sa may-ari ng grocery store na walang iba, kundi si Anthony, ang ex niya!

Laking gulat ni Selena ngunit bigla siyang nabuhayan ng loob. Kaya pala nag-resign noon si Anthony sa pinagtatrabahuhan nito ay dahil sinubukan nitong magnegosyo na lang at nagtagumpay nga ito! Ngayon, saksakan na ng yaman si Anthony. Hindi niya nga lang akalaing ito pala ang kaniyang boss.

Agad na nabuo ang isang balak sa isip ni Selena. Aakitin niya ulit si Anthony upang magbalikan silang dalawa.

Napapangiti na siya sa kaniyang iniisip, nang biglang pumasok ang isang napakagandang babae at umangkla sa braso ni Anthony.

“Hon, tamang-tama ang dating mo. Ipapakilala kita sa kanila.” Bumaling sa kanila si Anthony. “Guys, meet my wife, Yngrid.”

Doon ay tila pinagbagsakan na ng langit at lupa si Selena. May asawa na si Anthony at wala na siyang babalikan pa. Nasa huli pala talaga ang pagsisisi.

Advertisement