Inday TrendingInday Trending
Pilit na Naghahanap ng Kasagutan ang Lalaki Tungkol sa Pagkawala ng Kaniyang Misis sa Ibang Bansa, May Mapala Kaya Siya?

Pilit na Naghahanap ng Kasagutan ang Lalaki Tungkol sa Pagkawala ng Kaniyang Misis sa Ibang Bansa, May Mapala Kaya Siya?

“Pa, huwag ka na kayang pumunta sa ibang bansa. Baka maabutan mo lang doon si mama na may ibang pamilya. Masasaktan ka lang,” saad ni Andeng, panganay na anak ng lalaki.

“Hayaan mo na, anak, limang taon na rin naman ang nakalipas. Swerte tayo kapag natagpuan natin siya kahit ba may pamilya na siya roon. Malay mo ay maitanong ko kung bakit biglang hindi na lamang siya nagparamdam sa loob ng matagal na panahon,” sagot naman ni Fernan.

“Ano pa ho bang aasahan niyong sasabihin niya? E, ‘di ayaw niya sa hirap kaya naman iniwan niya na lang tayong parang bula,” mataray na sagot ng dalaga.

“Siya, hayaan mo, anak, mag-uuwi na lang ako ng ibang nanay niyo,” pabiro na lamang na sinabi ni Fernan sa dalaga.

Limang taon na ang nakakalipas simula noong nangibang bansa ang asawa niyang si Paola at makalipas lamang ang ilang buwan ay nawala na lamang ito na parang bula.

Maraming nagsasabi na may pamilya na raw ito roon kaya naman iniwan na sila. Hindi rin naman maialis ng lalaki sa kaniyang isipan na malaki ang posibilidad para mangyari iyon dahil wala nang ibang bukang bibig ang misis niya noon kung ‘di ang yumaman at ayaw niya sa buhay na isang kahig isang tuka. Mga bata pa kasi sila noong nagsama at nagka-anak kaya naman hirap na hirap sa buhay ang dalawa. Mas piniling mag-abroad ng babae noon sapagkat alam niyang ito lamang ang makakapag-ahon sa kanila sa hirap ngunit para naman sa lalaki ay gusto lamang tumakas ng kaniyang asawa sa napakarami nilang problema.

“Mga anak, nandito na ako sa trabaho ko. Lagi niyong aalagaan ang mga sarili niyo. Wala na kayong nanay at ngayon ay wala pa kayong tatay, ” umiiyak na wika ni Mang Fernan nang makausap niya ang kaniyang mga anak.

“Si papa, ilang araw pa lang ang nakakalipas ay naho-homesick na! Sabi ko naman kasi sa’yong ‘wag ka na mag-abroad. Umuwi ka na rito!” asar naman ni Gio, pangalawa niyang anak.

Saglit na nagpunas ng luha ang lalaki at ngumiti na lamang sa kaniyang dalawang anak.

Bukod sa pag-iipon niya para sa pagkokolehiyo ng mga ito ay gusto talaga niyang hanapin ang kaniyang misis. Ilang beses man niyang sinasabi na tanggap na niya ang buhay nila ngayon at nakalimutan na niya ito ay hindi iyon totoo. Mahal na mahal niya si Paola at nais niyang marinig ang eksplanasyon sa babae sa kung ano man ang dahilan ng pagkawala niya. Kinokondisyon na rin niya ang sarili na may pamilya na itong iba ngayon at iba pang mas malalang bagay na pwedeng mangyari sa kaniya sa ibang bansa.

Lumipas ang ilang buwan at taon ay patuloy lamang sa pagtratrabaho si Fernan kahit na wala pa rin siyang nakikitang bakas o anino ng kaniyang dating asawa.

“Pare, pwede bang ikaw na muna ang tumagpo sa kliyente ko? Masama lang talaga ang pakiramdam ko,” pakiusap ni Manny, katrabaho ni Fernan.

“Walang problema, pare, ako na ang bahala. Tutal, day off ko rin naman ngayon at wala akong gagawin,” sagot ng lalaki. Saka kinuha ang binebentang pagkaing ng kasamahan niya. Nagluluto ito ng mga putaheng Pinoy at pinapaorder sa kapwa OFW roon.

Naghintay ang lalaki sa plaza na palaging pinupuntahan ng kapwa niya OFW at nang paparating na ang babaeng bibili ng paninda ni Manny ay biglang hindi nakagalaw si Fernan sa kaniyang kinatatayuan.

“Paola? Ikaw ba ‘yan?” tanong niya sa sarili.

Ngumiti ang babae at kaswal siyang tinanong nito.

“Ito na ba ang order kong sinigang, kabayan? Salamat!” saad sa kaniya ni Paola.

“Hindi mo man lang ba ako kakamustahin, Paola?” seryosong niyang sagot sa babae. Saglit na tinitigan siya wariy sinusuri ito.

“Saglit lang, kakilala mo ba ako sa Pinas? Baka naman pwede mo akong matulungan. Naaksidente ako noong dumating dito at nawalan ng alaala. Kaya hanggang ngayon wala akong alam kung anong nakaraan ko,” paliwanag niya sa lalaki.

“Tigilan mo ako sa mga panloloko mo! Hindi mo na ako maloloko pa!” galit na wika ng lalaki.

“Saglit lang! Huwag kang ganyan!” pakiusap naman kaagad ng babae.

“Makinig ka sa akin, please,” pagmamakaawa nito.

Galit man ngunit nakinig siya kay Paola sa paliwanag nito. Sumama siya sa tinitirhan ni Paola at sa kumupkop na pamilya sa kaniya na dalawang mag-asawang matatandang Pilipino na roon na naninirahan sa ibang bansa.

“Swerte ko na nga lang na sila na ang nag-alaga sa akin simula nang maaksidente ako. Ilang beses namin na binalak na mag-report sa kinauukulan tungkol sa akin ngunit kahit pangalan ko ay hindi ko maalala. Ni hindi ko maalala saan ako nagtratrabaho rito kaya wala sa akin ang mga gamit ko. Ginawan lang nila ako ng bagong pagkatao para maging maayos ang kalagayan ko kahit na isa lamang akong dayuhan dito. Mukhang tadhana na lumabas ako ngayon para makita kita. Kaano-ano ba kita? Bakit galit na galit ka sa akin noong nakita mo ako? May utang ba ako sa’yo? Paola ba ang pangalan ko?” sunod-sunod na tanong sa kaniya ng dating asawa.

Hindi na sumagot pa si Fernan at umiyak na lamang ito sa babae.

Doon na niya ikinuwento sa babae ang lahat ng nangyari. Hindi naman makapaniwala si Paola na may pamilya siyang iniwan kaya naman kaagad silang umuwi sa Pinas.

“Pa, mukhang totoo nga ang sinabi mo. Nag-uwi ka nga ng bagong mama namin,” wika ni Gio sa kaniya.

“Sana maintindihan niyo rin siya katulad ng pag-intindi ko sa kaniya. Masakit man na tinitignan niya ako na parang ibang tao ay mas masaya akong malaman na wala siyang ibang pamilya. Ibig sabihin hindi niya tayo pinagpalit, hindi niya tayo sinasadyang iwan,” sagot ni Fernan sa kaniya.

“Ang weirdo lang para sa akin. Para tayong nag-aalaga ng ibang tao. Hindi siya si mama,” sagot naman muli ng kaniyang anak.

“Darating din ang tamang panahon na maalala niya tayo lahat at kapag nangyari ‘yun. Nandito lang tayo sa tabi niya, hindi tayo bumitiw,” pahayag ni Fernan saka tinapik sa balikat ang kaniyang binata.

Dumaan pa ang ilang taon ngunit wala pa ring naalala ang babae. Gayun pa man ay hindi sumuko si Fernan sa kakadasal na may maalala nang muli ang kaniyang asawa. Sa isang banda ay mas bumait at mas naging mapagmahal naman ang kaniyang misis lalo na sa kaniyang mga anak. Nakikita niyang malaki ang pinagbago nito kahit nga mahirap pa rin sila sa probinsiya. Iisa lamang ang panalangin ngayon ng kaniyang pamilya at ‘yun ay ang bumalik na ang alaala ni Paola ngunit hindi ang masasama nilang nakaraan at pinagdaanan.

Advertisement