May Malaking Peklat sa Mukha ang Lalaki; May Kahindik-hindik na Kwento Pala sa Likod Nito

May Malaking Peklat sa Mukha ang Lalaki; May Kahindik-hindik na Kwento Pala sa Likod Nito

HeartbreakingLoveStories

Kinakatakutan at pinangingilagan si Silverio sa lugar nila dahil sa balitang may taga o malaking pilat ito sa mukha kaya lagi na lamang nakatago ang kaliwang pisngi nito. Ang sabi ng iba ay tinaga daw ito noon ng namayapang ama dahil nakita daw nito ang batang may sungay at inakalang dem*nyo. Sabi pa ay kung sino ang napapalapit rito’y kung hindi mamam*atay ay mamalasin. Kaya naman nilalayuan siya ng lahat.

“Alyssa, bago ka pa lang sa baryong ito. Kaya ngayon pa lang ay pinapapaalalahanan na kitang lumayo-layo ka sa lalaking iyan. Malas ‘yan at baka mapahamak ka pa,” eksaheradang wika ng tiyahin ni Alyssa na si Gema.

“Hindi po ba sobra naman kayo sa sinasabi niyo sa kaniya?” nakangusong wika ni Alyssa. Mga tao nga naman, masyadong mapanghusga.

“Ah! Basta lumayo ka sa kaniya. Naiintindihan mo ba?”

“Opo,” walang magawang sambit ni Alyssa.

Ang totoo ay nahihiwagaan siya sa tunay na nangyari sa lalaki. Imposibleng iyon lamang ang rason kung bakit may taga ang mukha nito. Mahahaba ang pilat nito, hindi man niya naranasan ay alam niyang napakasakit no’n.

ISANG araw ay nakasabay niya si Silverio na bumili ng softdrinks sa tindahan ni Aleng Guada. Nginitian niya ito, ngunit isnabero pala ito.

“‘Kala mo walang pilat sa mukha,”

Alanganing lumingon ang lalaki na halatang hindi komportable sa presensya niya. “Ahh, k-kasi itong t-tindahan na ito lang ang hindi a-ako tinataboy. Kaya dito ako laging bumibili,” nauutal na paliwanag ni Silverio.

Wala naman sa loob na biglang nakaramdam ng matinding awa sa lalaki si Alyssa. Napakalupit nga naman ng mga kapwa nila tao. Hindi naman hayop si Silverio upang itaboy ng mga ito.

Maya-maya rin ay walang paalam na umalis ang lalaki sa harapan niya. Napaka-lungkot siguro nang buhay nito. Malamang wala itong kaibigan, dahil pinangingilagan ito ng lahat. Dahil lang sa pilat nito sa mukha kaya hinusgahan na ito ng karamihan.

“Silverio, gusto mo ng mangga?” Alok niya sa lalaki nang makitang bumibili na naman ito ng kung ano-ano sa tindahan ni Aleng Guada.

Simula no’ng araw na malaman niyang wala itong ibang binibilhan kung ‘di si Aleng Guada lang ay lagi na niyang inaabangan ang lalaki. Nais niya itong maging kaibigan at nais niyang kilalanin ito nang lubos at patunayan sa lahat na normal na tao si Silverio at hindi ito gaya nang sinasabi nila.

“Hindi ka ba natatakot sa’kin?” Nakukulitang wika ng lalaki.

“Bakit naman ako matatakot sa’yo?”

“Hindi mo ba alam ang sinasabi nila sa’kin? Dem*nyo ako, malas at salot. Kaya baka madamay ka sa kamalasan ko kaya umalis ka na at lumayo,” anito.

“Kung malas ka e ‘di sana matagal nang na bankrupt ang tindahan ni Aleng Guada. ‘Di ba dito ka lagi sa kaniya bumibili? Saka hindi totoong dem*nyo ka, dahil wala ka namang sungay— oo may pilat ka sa mukha pero alam kong hindi ka masamang tao.

Saka huwag kang naniniwalang salot ka, sinasabi rin nila ‘yan sa mga b*kla pero totoo bang salot ang mga b*kla? ‘Di ba, hindi naman? Kaya huwag kang nagpapaniwala sa kanila. Lahat nang sinasabi nila sa’yo, sila ‘yon mismo. Kasi hinuhusgahan ka nila, wala ka pa ngang ginagawang masama.” Mahabang litanya ni Alyssa, sabay alok muli ng mangga. “Ito oh! Kumuha ka na.”

Iyon ang simula nang pagkakaibigan nila ni Silverio. Kahit na marami ang tumtutol lalo na ang tiyahin niyang si Gema ay walang pakialam si Alyssa. Mabuting tao si Silverio at iyon ang totoo.

“Silverio, ano ba talaga ang nangyari d’yan sa pilat sa mukha mo?” Alanganing tanong ni Alyssa. Maiintindihan niya kung hindi nito sasagutin ang kaniyang taong, karapatan iyon ng lalaki.

“Ito,” anito sabay kapa ng pilat sa mukha. “Galit na galit si papa no’n kay mama dahil nahuli niya ang mama kong may ibang lalaki. Grabe ang naging away nila no’ng araw na iyon, nang biglang hinugot ng papa ang kaniyang itak upang taga-in ang mama. Sa batang isipan ay naisip kong protektahan ang nanay ko. Hinarang ko taga kaya sa mukha ko na punta imbes na kay mama.

Upang pagtakpan ang kasalanan nila. Pinalabas nilang nakita ako ni papa bilang isang dem*nyo kaya tinaga-taga niya ako. Sa labis na pagsisisi naman ng mama ko, isang araw nakita ko na lang siyang naka-b*gti sa kisame. ‘Yong papa ko naman tumalon siya sa mataas na building upang magpakam*tay. Simula noon kumalat na ang balitang malas ako, dahil ako ang naging dahilan nang pagkawala ng mga magulang ko,” malungkot nitong paliwanag.

“Dapat ipinaliwanag mo ang sarili mo.”

“Walang maniniwala sa’kin Alyssa, dahil iyon na ang nakatatak sa isipan ng lahat,” malungkot na saad nito.

“Naniniwala ako sa’yo Silverio. Kaya simula ngayon, buburahin ko na ang maling paniniwala nila sa’yo. Marami yata akong kakilalang tsismosa dito,” pursigidong sambit ni Alyssa na may pilyang ngiti sa labi.

Pinakalat nga ni Alyssa ang totoong balita kung ano ang tunay na nangyari kay Silverio. May ibang agad na naniwala, may iba namang hindi. Ngunit ang mahalaga ay hindi na kagaya noon na kinakatakutan at pinangingilagan ng lahat si Silverio. May iba na ring kumakausap rito at may ibang nakikipagkaibigan na sa lalaki. Lalo na noong pina-laser nito ang pilat sa mukha.

“Bakit ngayon mo lang pinatanggal ang pilat mong iyon? Sana noon mo pa ginawa,” wika ni Alyssa.

“Naisip ko kasing wala nang saysay upang alalahanin ko ang nakaraan, lalo na’t nais kong gumawa nang bagong alaala, kasama ka Alyssa.”

Mangiyak-iyak na niyakap ni Alyssa si Silverio. “Tama ka. Kalimutan mo na ang iyong nakaraan, dahil puro sakit lang naman ang dulot no’n sa’yo.”

“Kung hindi dahil sa’yo, hindi magbabago ang tingin sa’kin ng mga tao. Salamat at dumating ka,” masayang wika ni Silverio, habang yakap-yakap si Alyssa.

Nawala ang pilat sa mukha ni Silverio, kasama ang masamang paniniwala ng mga tao sa kaniya. May tao talagang darating sa buhay natin na magtatama sa lahat ng mali at para sa kaniya ay si Alyssa ang taong iyon.

More Stories