Nangako ang Batang Lalaki sa Babae na Pakakasalan Niya Ito sa Kanilang Paglaki; Matupad Kaya Niya ang Pangakong Iyon?

Napakagulo ng classroom nila dahil oras na nang uwian. Masayang iniligpit ng batang si Cheska ang kaniyang mga gamit dahil sabik na siyang umuwi upang maglaro nang bigla siyang harangin ng kaniyang kaklaseng si Marvin.

“Ano ba?!” Inis na singhal ni Cheska. “Umalis ka nga sa dadaanan ko,” dugtong pa nito.

“Cheska, alam mo bang napakaganda mo? Gusto ko paglaki natin, ikaw ang maging nobya ko. Liligawan kita at pakakasalan. Pangako ko iyan,” pursigidong wika ni Marvin na tinawanan lamang ng batang si Cheska.

“Ewan ko sa’yo, sipunin,” anito sabay takbong palayo sa batang si Marvin.

Mga bata pa lang sila ay tinatangi na ng puso ni Marvin si Cheska, hanggang ngayon na malalaki na sila ay hindi man lang nagbago ang kaniyang naramdaman para rito.

Mas lalong tumingkad ang ganda ng babae habang nagdadalaga ito, at gano’n pa rin siya. Hindi na siya katulad noon na sipunin, ngunit mukha pa rin siyang tambay na walang mararating sa buhay. Kay layo na lalo ni Cheska sa kaniya, nakikita niya kung paano ito nagsusumikap maging maayos lamang ang buhay, samantalang siya— papetiks-petiks lang.

“Hi Cheska,” nakangiting bati ni Marvin sa dalaga na tanging irap lamang ang sinagot nito. “Kahit isang hello lang buo na ang araw ko,” pahabol niya na labis niyang pinagsisihan.

Hinarap siya ni Cheska at tinignan mula ulo hanggang paa. “Alam mo Marvin, sayang ka. Sayang ang itsura mong hindi mo nagagamit sa tama. Graduate ka naman sana ng kolehiyo, ngunit sa tingin ko sa’yo ay wala kang pangarap sa buhay. Huwag kang makuntento sa maliliit na bagay. Hindi pwedeng hanggang d’yan ka na lang kung nasaan ka ngayon. Gamitin mo pinag-aralan mo. Nangako-ngako ka pa noon sa’kin, tapos pinapakita mong wala kang mararating,” mahabang wika ni Cheska.

Advertisement

Nasaktan si Marvin sa prangkang sinabi ni Cheska. Hindi niya akalain na naaalala pa nito ang ipinangako niya noong grade four pa lamang sila. Akala niya’y nakalimutan na iyon ng babae. Tama si Cheska, kung gusto niya talagang matupad ang ipinangako nita rito noon. Kailangang ipakita niyang karapat-dapat siyang maging bahagi ng buhay nito.

Umalis si Marvin sa probinsya nila at nagdesisyong mag-abroad. Sisiguraduhin niyang sa kaniyang pagbabalik ay bagong Marvin na ang makikita ni Cheska.

“Tol, inuman tayo mamaya pagkatapos ng trabaho,” ayaw sa kaniya ni Erwin ang kasama niyang engineer.

“Sige lang tol, may pinag-iipunan kasi ako.” Agad naman niyang tanggi.

“Grabe ka talaga, Marvin. Apat na taon na tayong magkasama pero ni minsan, hindi ka man lang sumasama sa mga inuman. Para bang may sampung pamilya kang binubuhay at takot na takot kang makuhanan iyang ipon mo,” natatawang wika ni Erwin.

Malapad namang ngumiti si Marvin. “Gano’n talaga tol, kapag nagmamahal. Nag-iipon ako para sa future namin nang magiging asawa ko,” aniya.

“Hmm? May nobya ka pala?”

“Magiging nobya pa lang,” sagot niya.

Advertisement

“Dapat alam ng babae na pinag-iipunan mo ang kinabukasan niyo. Baka hindi mo alam, may ibang pamilya na ang babaeng tinatangi mo. E ‘di nasaktan ka pa dahil labis kang umasa— para lang sa wala.”

Tama si Erwin, mula noong nag-abroad siya ay wala na siyang balita pa kay Cheska. Basta ang alam niya, ginagawa niya ang lahat nang ito upang sa susunod na makita siya ng babae ay ibang Marvin na siya at pwede na siyang mahalin nito.

Makalipas ang mahigit apat na taon, ngayon ay pauwi na siya ng Pinas. Sabik na siyang makauwi sa kanila at makita si Cheska. Siguro ay mas lalo itong gumanda at sumeksi. Masaya siya at nasasabik na. Ngayon ay may maipagmamalaki na siya sa babae.

“Nay, kumusta na po kaya si Cheska?” Pawaring tanong niya sa ina.

“Si Cheska? Iyong kababata mo noon anak? Naku! Ayon, sayang lang ang ganda, dahil nag-asawa ng sugarol ayon nalosyang.” Puno ng panghihinayang na wika ng ina.

“Nag-asawa na si Cheska?” Hindi makapaniwalang sambit ni Marvin.

Isang linggo rin ang lumipas bago nag-krus ang landas nila ni Cheska. Ang magandang mukha ng babae noon ay nawala na. Ang seksing katawan nito’y lumosyang na. Hindi na niya halos nakilala ang babaeng ilang dekadang iningatan ng kaniyang puso.

“Marvin? Ikaw na ba ‘yan? Ang laki na nang pinagbago mo. Ang gwapo mo na ngayon, tuluyan nang nawala ang batang sipunin at ang binatang tambay noon,” masayang kausap ni Cheska sa kaniya.

Advertisement

Malungkot na ngumiti si Marvin. “Ikaw rin. Ang laki na nang ipinagbago mo. Akala ko pa naman madadatnan kitang katulad pa rin nang dati, maganda at may matayog na pangarap sa buhay. Akala ko ba hindi mo nakalimutan ang ipinangako ko sa’yo noon? Nagsumikap ako dahil sa pangakong iyon, Cheska. Pero bakit nag-asawa ka, sa lalaking wala pang kwenta…” Puno nang hinanakit na wika ni Marvin.

“Kailanman ay hindi ko kinalimutan iyon, Marvin. Ngunit mahirap maghintay nang walang kasiguraduhan. Matagal kang nawala. Wala kang ipinangakong iba sa’kin, kung ‘di iyong pangako mo lang noong elementarya tayo. Saka hindi ko kagustuhang makasal, sina papa at mama ang nagtulak sa’kin na pakasalan si Arnold,” malungkot na wika ni Cheska.

“Gano’n pa man ay nangyari na ang lahat, may anak na kami ni Arnold. Hindi nga siguro para sa’kin ang kasal na ipinangko mo Marvin. Pero masaya akong makita kang ganyan. Maunlad ka na sa buhay, hindi na ikaw ang tambay na masaya lang sa kakarampot na bagay. Mapalad ang babaeng mamahalin mo,” anito sabay tapik sa balikat niya saka siya nilampasan.

Hindi umayon sa gusto niya ang lahat nang plano niya noon. Ngunit kahit na masakit ang nangyari sa kanila ni Cheska ay nagpapasalamat pa rin siya sa babae. Kung hindi dahil sa masakit na salita nito noon sa kaniya ay hindi niya babaguhin ang sarili niya. Hindi siya magsusumikap. Ngunit nalulungkot nga lang siya sa sinapit ng babae.

Kung maibabalik lamang niya ang oras. Sana hindi niya tinagalan ang pag-uwi, baka sakaling nagbago ang takbo ng buhay nilang dalawa.