Galit ang Babae sa Biyenang Lalaki at Halos Isumpa Niyang Mawala na Ito; Mangyayari Kaya ang Nais Niya?

“Mahal, kalahati na muna ng sahod ko ang ibibigay ko sa’yo ah. Itong kalahati ay ibibigay ko muna kay papa. Kailangan niya kasing pumunta bukas sa ospital upang magpa-check up,” nakikiusap na wika ni Wilbert sa kaniyang asawa na si Olivia.

“Masisira na naman ang budget ko nito,” nakabusangot na wika ni Olivia.

“Babawi ako, mahal. Pasensiya na talaga ah,” anito sabay gawad ng halik sa kaniyang labi.

Lagi na lang talagang nauuna sa budget ng asawa ang ama nitong sakitin. Kaya heto na naman sila at kailangan niyang budgetin ang ibinigay ng kaniyang asawa.

“Nakakainis naman. Paano na ang mga bata nito?” aniya sa sarili habang nakatitig sa perang kabibigay lang ng kaniyang mister.

Alam niyang masamang hilingin na sana ay pum*naw na ang kaniyang biyenang lalaki, ngunit iyon ang pinaka-mabilis na paraan upang hindi na nahahati ang budget niya.

Isang araw ay nagulat na lang si Olivia nang isama ni Wilbert ang ama nito dala-dala ang maletang may mga lamang damit.

“Mahal, napagpasyahan kong dito na lang muna sa’tin tumira si papa upang mas mabantayan natin siya at mas maalagaan mo siya. Kaysa doon pa siya sa bahay namin, mag-isa na lamang siya doon at walang nag-aalaga,” wika ni Wilbert.

Advertisement

“A-ano?” Hindi makapaniwalang sambit ni Olivia. “I-ikaw, kung iyon ang gusto mo,” aniya kahit labag sa loob ang pagtira ng biyenan sa bahay nila.

Ngayon na kasama na niya ang biyenan ay sisiguraduhin niyang bubudget-in niya ang kinakain nito upang mas makatipid.

“Lolo, kumain lamang kayo nang kumain hanggang sa mabusog kayo,” malambing na wika ni Jen, ang anim na taon niyang anak na ngayon ay karga ng biyenan.

“Ang bait naman ng apo ko,” masayang wika naman ng matanda sa malambing na apo. Nang bigla niyang agawin ang mangkok na nilalagyan ng pagkain nito.

“Mama! Bakit mo kinukuha ang pagkain ni lolo?” Galit na harap sa kaniya ng anak.

“Mamaya naman itong tira niya. Wala na nga siyang naiaambag sa bahay ay napakalakas pa niyang kumain,” mataray na wika ni Olivia saka padabog na tinalikuran ang dalawa.

Napakasama talaga nang pakikisama niya sa biyenan at wala siyang pakialam. Gusto nga niyang magalit ito upang mas mapabilis ang pagkam*tay nito.

Isang araw ay nalaman ni Olivia na buntis siya sa kaniyang pang-apat na anak at dahil may edad na siya kaya sinabi ng doktor sa kaniya na delikado ang kaniyang pagbubuntis at maaari iyong mawala kung hindi nila iingatan. Kinakailangan niyang magpahinga at bawal ang mapagod. Ngunit napaka-imposibleng mangyari niyon dahil may tatlong anak siya at asawa— isama pang may sakitin siyang beyanan.

Advertisement

Nakaramdam siya nang lungkot dahil paano niya maaalagaan ang mga anak niya? Walang ibang naaasahan sa bahay nila kung ‘di siya lang. Nang laking gulat niya nang makitang nagluluto ang kaniyang biyenan para sa kanilang magpapamilya.

“Papa—” gulat na gulat niyang sambit.

“Hayaan mo na ako rito, Olivia. Magpahinga ka na sa kama mo at ako na ang bahala sa mga apo ko. Nabalitaan kong delikado ang pagbubuntis mo ngayon kaya huwag ka nang mag-alala kaya ko ito,” masiglang wika ng kaniyang biyenan.

Katulad nang sinabi nito ay mula nga sa araw na iyon ay ang kaniyang biyenan na ang gumagalaw sa kanilang tahanan. Maaga itong gumigising upang lutuan ng almusal ang kaniyang asawa at mga anak. Naglilinis rin ito ng bahay at ito na rin mismo ang nagpapaligo sa tatlo niyang chikiting at pati siya’y inaalagaan rin nito.

Araw-araw iyong ginagawa ng kaniyang biyenan hanggang sa nakapanganak siya nang normal. Ilang araw din siyang nanatili sa ospital at ito lamang ang naiwan sa tatlo niyang anak. Nang makauwi ay masaya niyang ipinakita sa biyenan ang itsura ng kaniyang bunsong anak at apo nito.

“Napaka-gwapong bata,” masayang may halong lungkot na wika ng kaniyang biyenan. “Olivia, tutal ay nakikita ko namang maayos ka na ay magpapaalam na rin ako.”

“Saan naman po kayo pupunta pa?”

“Balita ko merong malapit na home for the aged dito. Baka doon na lamang ako pupunta. Bisitahin niyo na lamang ako kapag may oras kayo,” nakangiting wika ng matanda.

Advertisement

“Pa, hindi niyo po kailangang umalis. Tatay kayo ng asawa ko at ikaw na lang ang mayroon siya kaya bakit pa kayo lalayo sa’min. Sorry po sa lahat ng pangit na asal na ipinakita ko sa inyo noon. Pinagsisihan ko po iyon lahat, naisip ko na ang sama-sama kong manugang sa inyo pero wala kayong ibang ginawa kung ‘di ang mahalin ako,” mangiyak-iyak na wika ni Olivia.

“Siyempre naman, dahil ikaw ang mahal ng anak ko.”

“Patawarin niyo po sana ako, pa. Kapag aalis kayo, malulungkot ang mga apo ninyo, pati si Wilbert at lalo naman ako. Pamilya tayo kaya bakit pa kayo lalayo. Dito na lang kayo, magsama-sama tayong lahat nang masaya,” buong pusong wika ni Olivia.

“Maraming salamat, anak,” mangiyak-iyak na wika ng biyenan sabay yakap sa kaniya.

Napagtanto ni Olivia ang pagkakamali niya. Napakabuti ng kaniyang biyenan. Napakalawak rin ng puso nito, dahil kahit pinakitaan niya na ito nang masama ay nanatili itong mabuti sa kaniya.

Ituring nating tunay na magulang ang ating mga biyenan. Minahal nila tayo na parang tunay na anak, kaya ibalik natin sa kanila ang pagmamahal na iyon. Huwag maging masama sa kanila dahil para mo na ring minaltrato ang iyong sariling magulang kung gayon.