Suko na ang Babae sa Pagiging Isang Ina; Makabangon Pa Kaya Siya?

Dahil sa pagkakaroon ni Rona ng anak na may espesyal na pangangailangan ay naging mabigat sa kaniya ang pagiging isang ina at mas lalo pa ngang nasubukan ang babae ngayong nasundan pa ang panganay nila.

“Alam mo, anak, magpasalamat ka na lang sa Panginoon kasi normal ang bunso mo. Ilang araw pa lang ‘yang anak mo na sinisilang ay parang galit na galit ka na sa mundo,” wika ni Aling Santa, nanay ni Rona na bumisita mula sa probinsya.

“Alam niyo naman kung gaano kahirap ang sitwasyon ko kay Bonoy, kung hindi nga lang masama magpala*glag noon ay malamang wala itong bunso ko. Pwede bang dito na lang kayo sa akin, ‘ma? Hindi ko na kayang magbayad pa ng kasambahay, hirap na hirap na ako sa buhay ko!” iyak ni Rona sa kaniyang ina.

“Hoy! Sampalin ko ‘yang bibig mo e! Buti ka nga dalawa lang ‘yang anak mo, e, kayo? Anim kayong pinanganak ko at ni kahit minsan hindi ko inisip na magpala*glag kaya tumigil ka sa kakaganyan mo. Matuto kang magpasalamat lalo, sa araw araw na bigay ng Diyos sa atin, sa bawat oras na ayos ang mga anak mo, ipagpasalamat mo iyon!” sita naman kaagad ng ale sabay hampas ng mahina sa binti ng kaniyang anak.

“Alam kong nahihirapan ka na, pero alam mo rin na hindi ako pwedeng magtagal dito sa Maynila dahil nandoon ang tatay mo sa probinsya. Kaya mo ito, anak! Naniniwala ako!” dagdag pa ng ale sabay yakap kay Rona.

Humagulgol na parang batang inigawan ng kendi ang babaeng si Rona. Kahit na 35 anyos na ang babae ay napaka-iyakin nito. Nagsimula iyon sa kaniyang anak na huli ang pagdebelop ng utak kaysa sa edad nito.

Simula kasi nang ipanganak niya si Bonoy, ang panganay ng babae ay nagbago ang buhay niya. Kailangan niyang bitiwan ang trabaho at manatili na lamang sa bahay upang matutukan ang paglaki ng bata. Kasabay na rin dito ang samu’t-saring panghuhusga na kailangan niyang harapin bilang isang ina. Nagsimula rin doon ang panghihina nya sa pananampalataya sa Diyos. Palagi niyang tinatanong ang Panginoon kung bakit sa kaniya nangyayari ang lahat ng ito.

“Bunso, tumahan ka na! Parang awa mo na, kailangan ko pang paliguan si kuya mo!” iyak ni Rona sa tatlong linggong gulang niyang bunsong anak.

Advertisement

Hanggang sa mas lumakas pa ang iyak ng sanggol at nagwawala naman na sa banyo ang panganay niyang anak. Tila hindi na niya alam ang gagawin kaya naman sumalampak na lamang siya sa sahig saka umiyak kasabay ng kaniyang mga anak.

“Parang t*nga! Para akong t*nga! Pero hindi ko na kaya!” saad niya sa sarili.

Umalis na ang kaniyang ina at wala silang kasama sa bahay. Ang asawa niya ang nagtratrabaho ng doble-doble upang masuportahan ang lahat ng pinansiyal nilang pangangailangan.

Hanggang sa tumunog ang telepono niya at nakita niyang tumatawag ang kaniyang ina. Dali-dali siyang bumalik sa katinuan at binuhat ang bunsong anak.

“Ma, kausapin mo muna si bunso. Paliliguan ko lang saglit si Bonoy,” saad niya sa ina saka inilagay sa ang bata sa crib at itinabi ang telepono rito. Mabilis siyang kumilos para paliguan ang isang anak at laking gulat niyang tumahan ang bunso niya sa labas.

Natapos na ni Rona ang gawain.

“Ma, paano mo napapatahan si bunso ko? Bakit hindi ko magawa?” umiiyak na namang tanong ng babae sa kaniyang ina.

“Anak, sabi ko naman sa’yo ay magpasalamat ka sa Diyos dahil binigyan ka niya ng isa pang anghel. Kausapin mo siya, Rona, dahil anak mo siya. Huwag mo siyang utusan o huwag mo siyang kainisan dahil nararamdaman iyan ng sanggol. Iparamdam mo sa bata kung gaano mo siya kamahal at gagaan ang lahat. Pero bago iyon, humingi ka ng patnubay sa Panginoon, subukan mong magdasal ulit, Rona, subukan mo lang,” sagot naman ni Aling Santa saka natapos ang kanilang pag-uusap sa pag-iyak ng babae.

Advertisement

Ilang minuto pa ang nakakalipas ay saglit na pumikit si Rona at bumagsak ang kaniyang luha. Hinawakan niya ang kanyang dalawang anak at mataimtim itong tumawag muli sa Panginoon.

“Lord, ang dami ko nang tanong sa inyo at ang dami ko na ring pagkukulang. Pero isa lang ang hiling ko ngayon, bigyan niyo ako ng lakas na maging isang ina sa dalawa kong anak. Huwag na rin po sanang maging iyakin ang bunso ko at mas maging palangiti na siya. Lord, tulungan Mo ako!” iyak ni Rona. Patuloy lamang sa pagpatak ang mga luha niya hanggang sa gumaan ang kaniyang loob.

Pagdilat ng kaniyang mga mata ay tulog na ang bunso niya habang nakangiti ito at ang panganay naman niya’y pinupunasan ang mga luha niya.

Ngayon niya naramdaman na hindi siya kailanman iniwan ng Panginoon at simula noon ay bumalik ang pananampalataya ng babae. Naging mas madasalin na rin ito at naging mas palangiti. Ang anak naman niyang bunso ay lumaking masiyahin din. Ngayon ay nakakatuwang na niya ang dalawang anak sa bahay habang lumalaki ang mga ito.