Inday TrendingInday Trending
Nagpabuntis ang Babae sa Kasintahan ng Kaniyang Nawawalang Kakambal; Anong Hinaharap ang Naghihintay sa Kanila?

Nagpabuntis ang Babae sa Kasintahan ng Kaniyang Nawawalang Kakambal; Anong Hinaharap ang Naghihintay sa Kanila?

“Huwag mong asahang pananagutan ko ‘yan. Naganap ang lahat dahil sa kagustuhan mo,” wika ni Ramilo kay Dessa.

Ginusto ng babae ang isang gabing namagitan sa kanila. Pagkatapos ng kanilang pagnin*ig ay luha pala ang kapalit niyon. Parang punyal na tumarak sa dibdib ni Dessa ang tinurang iyon ni Ramilo ngunit mahinahon pa rin niya itong sinagot.

“Alam ko naman ‘yon. Gusto ko lang talagang magkaroon ng alaala sa iyo sakaling magtagpo kayong muli ni Eliza,” sambit ng babae.

Si Eliza ang kakambal ni Dessa at ito ang kasintahan at ang babaeng pinakamamahal ni Ramilo. Kahit noong mga bata pa sila ay gustung-gusto na ng lalaki ang kapatid niya hanggang sa sumapit sa tamang edad ay niligawan ni Ramilo ang kanyang kambal at naging magkarelasyon ang mga ito. Kahit may nararamdaman na siya noon kay Ramilo ay nagpaubaya siya para sa kapatid kaya kahit masakit ay pinilit niyang paglabanan ang nararamdaman, ngunit isang araw ay bigla na lamang umalis sa kanilang lugar si Eliza nang hindi man lang nagpapaalam sa kanila. Kahit sa nobyong si Ramilo ay hindi nito sinabi kung saan ito tutungo, kaya halos magunaw ang mundo nito sa pagkawala ng kapatid niya.

Nang gabing iyon ay nakita ni Dessa si Ramilo na lasing na lasing at humahagulgol. Hindi nito matanggap na iniwan ito ng kakambal niya. Hindi niya natiis na alalayan ang lalaki pauwi sa bahay nito ngunit sa sobrang kalasingan ay nakalimot ito at may namagitan sa kanila. Sa isip ni Dessa ay maaari siyang tumanggi pero dahil muling nabuhay ang pagmamahal niya kay Ramilo ay nagpagalaw siya rito. Kahit alam niya na ang kapalit ng panandaliang kaligayahang iyon ay ang pasakit na dadalhin nito sa kanya.

“Alam kong kahit kailan ay hindi mo masusuklian ang pagmamahal ko sa iyo, Ramilo, kaya masaya na rin ako sa nangyaring ito sa atin. Sana ay agad na mabuo sa aking sinapupunan ang iyong punla upang may maiwan sa akin na magandang alaala,” sabi pa ni Dessa.

‘Di nagtagal ay nagbunga nga ang namagitan sa kanilang dalawa. Hindi nabigo ang pangarap ni Dessa na magkaroon sila ng anak ni Ramilo.

“Babae ang anak ninyo, Ramilo. Napakagandang bata nito,” wika ng komadronang nagpa-anak kay Dessa.

“Anak lang ho ‘yan ni Dessa, Impong Semia. Hindi ko anak ang batang ‘yan,” tanggi ni Ramilo.

“Diyos kong bata ito. Ano’t nagsasalita ka nang ganyan?” gulat na tanong ng matanda.

Hindi na kumibo pa si Ramilo at agad na umalis. Pinilit lang naman siya ng mga magulang niya na samahan si Dessa sa komadrona dahil pumutok na ang panubigan nito.

Oo, alam ng mga magulang ni Ramilo na magkakaanak na sila ni Dessa, ang kapatid ng kasintahan niya. Kahit laking gulat at pagtataka ng mga ito kung bakit sa madaling panahon at sa pagkawala ni Eliza ay bigla niyang nabuntis ang kapatid nito’y agad na natanggap ng mga ito ang namagitan sa kanila. Kesyo wala na raw magagawa nariyan na iyan, eh, kaya kailangan niya itong panagutan sa ayaw at sa gusto niya.

Nang mga oras na iyon ay wala siyang pakialam kay Dessa, ang mahalaga ay ang mahanap niya si Eliza. Sa pag-alis niya sa bahay ng komadrona ay ang paghahanap sa kasintahan ang inatupag niya. Hindi pa rin siya sumusuko na muling makikita ang babaeng pinakamamahal niya na kahit sa pinakaliblib na kagubatan ay pinuntahan niya para hanapin ito.

“Eliza, Eliza! Bumalik ka na! Mahal kita, Eliza!” sigaw niya.

Nang mapagod…

“Bakit mo ako pinahihirapan? Bakit? Ano bang ginawa kong kasalanan at iniwan mo na lang ako?” hagulgol niya.

Biglang bumalik sa alaala niya nang magkasama pa sila ni Eliza.

“Kailan nga ba tayo papakasal?” tanong sa kanya ng kasintahan.

“Sa lalong madaling panahon, mahal ko. Kaya sa susunod na linggo, humanda ka’t mamamanhikan na kami,” aniya.

“Talaga? Hindi na ako makapaghintay.” sambit ng babae.

Ang balak nilang pagpapakasal ay hindi na natuloy dahil sa biglang pag-alis ni Eliza sa kanilang barrio. Sa ‘di malamang dahilan ay naglaho ito na parang bula. Sa pagkawala ni Eliza, ang kakambal nitong si Dessa ang nagpatuloy ng pagmamahal sa kanya, na kahit wala siyang nararamdaman dito ay matapat pa rin siya nitong pinagsisilbihan. Wala itong sawang umaalalay sa kanya, kahit pagtulong sa paghahanap niya sa kapatid nito’y ginagawa ng martir na babae para lamang sa kanya.

Nang mabuntis niya si Dessa ay wala siyang nagawa kundi itira ito at ang sanggol na iniluwal nito sa bahay niya. Nagsasama sila sa iisang bubong ngunit wala siyang pagmamahal na nararamdaman sa mga ito, pero kahit ganoon ang sitwasyon nila ay ginagawa pa rin ni Dessa ang obligasyon nito sa kanya. Ipinaglalaba siya nito, ipinagluluto, at iba pa.

Minsan ay nagpaalam si Dessa na pupuntahan ang komadrona at hilot na si Impong Semia.

“Ramilo, maaari bang pakitingnan ang anak…anak ko? Sasaglit lang ako kay Impong Semia. Masama kasi ang pakiramdam ko nitong huling araw, eh,” sabi ng babae.

Kumunot agad ang noo ni Ramilo.

“Bakit ‘di mo isama ang batang ‘yan? Ayokong bantayan o alagaan ang anak mo,” sabi ng lalaki.

Sa tinuran ni Ramilo ay hindi na napigilan ni Dessa ang sumagot.

“Hanggang kailan mo ba matitiis ang anak mo? Hindi ka ba naaawa sa kanya? Ako…kaya kong tiisin ang lahat dahil mahal kita, pero alang-alang sa bata, nakikiusap ako…kahit kaunting pagtingin lang, Ramilo. Kahit sa kanya na lang dahil siya’y dugo’t laman mo,” tugon ni Dessa.

Sa sinabi ng babae ay hindi man lang natinag si Ramilo at hindi man lang kumibo. Wala talaga itong pakialam kaya wala na itong nagawa pa kundi umiyak at tumalikod. Nag-impake na ito ng mga damit at inilagay iyon sa maleta, pagkatapos ay kinarga ang natutulog na sanggol sa kuna. Kahit masakit ay nakapagdesisyon na ito na umalis sa poder ni Ramilo.

“Panahon na para mahalin ko naman ang aking sarili. Ikaw na lamang ang pag-uukulan ko ng atensyon, anak. Kung hindi ka kayang mahalin ng iyong ama ay ako ang magmamahal sa iyo,” sambit ni Dessa sa sanggol na yakap-yakap niya.

Hindi na siya nagpaalam kay Ramilo at tuluyan na siyang lumayo at pumunta sa mga kamag-anak niya sa Malolos.

Makalipas ang ilang linggo

“Uy, Ramilo nabalitaan mo na ba?” tanong ng pinsan niyang si Roldan nang magkita sila sa plaza.

“Ano ‘yon, insan?”

“Si Eliza, nagbalik na rito sa atin si Eliza,” sabi ng lalaki.

Sa narinig ay nabuhay ang dugo sa buong katawan ni Ramilo. Sa wakas, bumalik na ang babaeng nag-iisa sa puso niya. Marami siyang tanong na nangangailangan ng kasagutan kaya dali-dali niyang pinuntahan ang nobya sa bahay nito ngunit pagdating niya roon, imbes na matuwa ay nanlumo siya nang madatnan niya na may ibang kasamang lalaki si Eliza at nagdadalantao na rin ito.

“H-hindi maaari…”

Nang makita siya ni Eliza ay nagpaliwanag ito sa kanya kung bakit ito umalis at matagal na hindi nagpakita sa kanya.

“Patawad, Ramilo. Umalis ako at nagpakalayu-layo dahil hindi ikaw ang mahal ko. Kaibigan lang ang tingin ko sa iyo mula pa noon. Pilit lamang tayong ipinagkasundo ng mga magulang ko dahil sila ang may gustong magkatuluyan tayo pero ang totoo’y si Nicolas ang iniibig ko, kaya sa kanya ako sumama at nagpakasal. Ngayon ay dinadala ko rin ang una naming anak,” bunyag ng babae na ipinakita pa sa kanya ang suot na wedding ring. “Noon pa man ay may pagtingin na sa iyo ang kapatid kong si Dessa. Siya ang tunay na umiibig sa iyo, Ramilo. Alam ko na ang nangyari sa inyong dalawa at natutuwa ako dahil napakasuwerte mo sa aking kakambal. Napakabuti niyang babae, wala ka nang hahanapin pa sa kanya kaya bigyan mo siya ng pagkakataon,” dagdag pa nito.

Gumuhong lahat ang pangarap ni Ramilo para sa kanila ni Eliza. Tuluyan na palang nawala sa kanya ang babaeng akala niya’y minahal din siya. Napagtanto niya na nagmahal siya ng babaeng wala naman palang gusto sa kanya. Isa siyang malaking gunggong.

Bigla niyang naalala si Dessa.

“Ipinagpalit ko ang babaeng tunay na nagmamahal sa akin at ang aming anak para sa iyo, Eliza. Ang laki kong tanga,” sabi ni Ramilo sa isip na labis na pinagsisisihan na minahal ang isang tulad nito.

Dahil sa nalaman niya ay buo na ang kanyang pasiya. Anim na oras ang inabot bago niya narating ang bahay ng mga kamag-anak nina Eliza sa Malolos. Natunton niya roon si Dessa na mag-isang inaalagaan ang kanilang anak.

Lumuluha siyang nilapitan ang kanyang mag-ina.

“Nagbalik na siya, Dessa. Nagbalik na ang kakambal mo,” bungad niya.

Nagulat pa ang babae nang makita siya at sa ibinalita niya.

“Talaga? Eh, bakit ka pa pumunta rito? Dapat ay matuwa ka dahil bumalik na si Eliza. Magiging masaya ka na ulit,” sambit nito.

“Bumalik siya, pero hindi na siya sa akin. May iba pala siyang mahal. Pinaikot lang niya ako. Ang sakit, Dessa, ang sakit nang ginawa sa akin ni Eliza. Sana’y hindi ko na lang siya minahal. Bakit kasi hindi ko nakita na ikaw ang mas karapat-dapat kong mahalin? Mula noon hanggang ngayon ay nariyan pa rin ako sa puso mo. Alam kong patuloy mo pa rin akong iniibig kahit na walang kapalit,” wika niya sabay yakap nang mahigpit kay Dessa.

“Mahal kita, Ramilo. Kapag nagmamahal ay kaya mong tiisin ang lahat ng sakit para sa taong minamahal mo,” tugon nito sa kanya.

“Salamat sa pagmamahal mo, Dessa. Hayaan mong makabawi ako sa inyo ng ating anak. A-ano nga ba ang pangalan ng anak natin?” tanong niya.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay kinilala niya ang anak nila ni Dessa.

“Jasmin, Jasmin ang pangalan ng anak natin, Ramilo.”

Kinarga niya ang bata at inangkin na kanyang-kanya ito.

“Patawarin niyo ako ng mama mo, anak ko. Napakalaki ng pagkukulang ko sa inyo. Hindi pa huli ang lahat, sisikapin kong maging mabuting ama at asawa sa inyo ng mama mo,” sabi niya saka hinagkan sa noo ang sanggol na kanyang dugo’t laman.

Pinakasalan ni Ramilo si Dessa. Natutunan na rin niya itong mahalin gaya ng pagmamahal niya noon kay Eliza. Hindi naman talaga mahirap ibigin si Dessa dahil sa taglay nitong kabaitan ay madaling nahulog ang loob niya sa kanyang asawa.

Sa paglipas ng panahon ay tuluyan nang nabura sa puso niya ang pangalang Eliza at pumalit na roon ang kakambal nitong si Dessa. Hindi siya nagkamali sa babaeng pinili dahil ito ang nagturo sa kanya ng tunay na kahulugan ng pag-ibig kasama ang kanilang anak.

Advertisement