
Nakipagsosyo ang Karibal ng Lalaki sa Kaniyang Misis sa Kanilang Negosyo; May Matindi Pala Itong Plano
Nang araw na iyon ay may dumating na ‘di inaasahang bisita si Rowel sa kanyang opisina.
“A certain Mr. Manuel Cerudo insists to see you, sir, but he has no appointment,” wika ng sekretarya niya.
“Okay, let him in, Cynthia,” sagot niya.
Pinapasok ng babae ang lalaki na agad naman niyang hinarap at kinamayan.
“Thanks for letting me see you, Rowel. I know you’re a very busy man…sana hindi ako nakaabala sa iyo,” bungad nito.
“It’s alright, Manuel. What can I do for you? Sit down,” tugon niya.
Hindi na nagpaliguy-ligoy pa ang kanyang bisita.
“Business ang dahilan ng pagparito ko, Rowel. Mahalagang proposal ang isa-suggest ko sa iyo. Can I smoke?” anito.
Sa isip ni Rowel ay hindi pa rin nagbabago ang lalaki, mahilig pa rin itong manigarilyo.
“Ya, sure! About sa proposal na sinabi mo, sige pag-usapan natin ‘yan.”
At inihayag nga ni Manuel ang pakay niya kay Rowel. Bagaman nagtataka, patangu-tango lamang si Rowel at matamang nakikinig sa mga salitang lumabas sa bibig nito.
Kinagabihan, habang naghahapunan sa kanilang bahay…
“Guess who kung sino ang pumunta kanina sa opisina, Esther?” tanong niya sa asawa.
“Sino, darling?”
“Si Manuel. May business proposal siyang sinabi sa akin. Sa tingin ko naman ay maganda ang proposal niyang iyon. May pera naman tayo na hindi nagagamit…nasa bangko lang kaya umoo na ako sa kanya,” sabi niya.
“Talaga? Pinuntahan ka niya? P-pero…bakit naman kaya ikaw pa ang nilapitan niya?” nagtatakang tanong ni Esther sa kanya.
“I really don’t know. Siguro alam niyang may pera nga tayo…at…kilala natin siya.”
“Let’s talk about it, privately, darling.”
Sinenyasan siya ng misis na ang ibig sabihin ay pag-usapan nila ang tungkol doon nang ‘di naririnig ng mga anak nila na kasakukuyan nilang kasabay na kumakain ng hapunan.
Nang magkasarilinan na sila sa kwarto ay itinuloy nila ang kuwentuhan.
“Kailangan niya kamo ng malaking halaga para madagdagan ang anim niyang milk tea shop?” tanong ni Esther.
“Oo, pero ang maganda sa kanyang proposal, ang pera ay lilitaw na utang sa kasulatan…but actually, parang sosyo natin iyon. Makakahati tayo sa pakinabang,” paliwanag niya.
“Okay nga kung ganoon, darling. Yes, maganda ang proposal niya sa iyo pero isang bagay ang ‘di mo dapat kalimutan, pinakamahigpit mong karibal noon sa akin si Manuel…na hanggang ngayon e, ewan ko kung bakit binata pa rin at wala pang asawa,” sabi ni Esther.
Nginitian lang ni Rowel ang misis.
“Iyon marahil ang dahilan kung bakit gusto niya tayong maging kasosyo. Siguro ay mahal ka pa rin niya hanggang ngayon kaya nga wala pa rin siyang asawa…at komo sinuwerte siya sa negosyo, gusto ka niyang bahagian. Kung tama ang hinala ko’y malaki pa rin talaga ang tama niya sa iyo, darling,” natatawa niyang sabi.
Natawa rin si Esther sa tinuran niya.
“Tigilan mo nga ako, uy! Ganoon ba naman ka-martir ang lalaking ‘yon? Alam mo naman na kaibigan lang ang turing ko sa kanya kahit noon pa.”
“Oo. Nagpakatandang binata dahil sa iyo ang kaibigan nating iyon, ‘di ba?”
Ganoon ang teorya ni Rowel sa paglapit ng matindi niyang karibal noon sa asawa niyang si Esther na si Manuel. Magkakaibigan silang tatlo at parehong masugid na manliligaw ng misis niya, pero sa bandang huli ay siya ang nagwagi sa puso ni Esther at umuwing talunan ang karibal niya. Ngunit kahit ganoon ay wala siyang maipipintas kay Manuel, mabait ito at tanggap ang naging desisyon ni Esther na siya ang pinili.
“Kunwari lang ay umuutang siya, pero palagay ko talaga ay gusto lang niyang makasosyo kami…o si Esther sa maunlad niyang milk tea business. And as far as I’m concerned wala namang masamang pagbigyan siya,” napapangiting sabi niya sa isip.
Kinaumagahan, pagdating niya sa opisina ay tinawag niya ang kanyang sekretarya.
“Cynthia, will you please call up Mr. Cerudo?” utos niya.
“Yes, sir!” anito.
Agad na tinawagan ng sekretarya niya si Manuel ngunit ang sekretarya nito ang nakausap ng babae at pagkatapos ay sinabi sa kanya ang napag-usapan ng mga ito.
“Sir, nakausap ko po ang sekretarya ni Mr. Cerudo. Nagbilin daw po ito na kung tatawag daw po ay siya na lamang ang kausapin at sasabihin na lang daw po niya sa boss niya ang napag-usapan ninyo. Wala raw po kasi sa opisina si Mr. Cerudo, may pinuntahan daw po.”
“A, okay. Sinabi ba kung saan daw nagpunta?” tanong niya.
“He’s in the hospital, sir…may appointment daw po kay Dr. Mercado ng Makati Medical Center.”
Nagulat si Rowel sa tinuran ng sekretarya.
“Dr. Mercado? Kilala ko ‘yon, si Dr. Eliseo Mercado ‘yon na c*ncer specialist sa ospital na iyon,” bulong niya sa sarili. “W-well, tatawagan ko na lang mamaya ang sekretarya niya para sabihin na itutuloy na namin ni Mr. Cerudo ang napag-usapan namin. Thank you, Cynthia,” sabi pa niya.
Hindi muna inintindi ni Rowel ang nalaman niya. ‘Di nagtagal ay nagpirmahan na sila ng kontrata.
“Actually kaya ko pa namang magbukas ng isa pang milk tea shop without borrowing, pero malaki ang maibabawas sa aking ipon..at isa pa, magagamit natin ang iyong sosyo sa isang taong renta sa puwesto,’ wika ni Manuel sa kanya.
“Isang magandang pagkakataon itong ibinigay mo sa akin. Kung kailangan mo pa ng pondo, may mauutangan pa ako,” sagot niya.
“Huwag na, pare. Ireserba natin ang iyong credit force sa ibang pagkakataon. Let’s toast…for the new partnership.”
“Good luck sa atin.”
Isinelebra nila ng araw na iyon ang pagsasabib nila sa negosyo.
Makalipas ang ilang buwan
“O, kumusta ang bagong milk tea outlet ni Manuel?” tanong ni Esther.
“Nagdaan ako roon kanina at maayos naman…maraming kustomer. Nga pala, gusto mo bang magtrabaho uli? Tutal, malalaki na naman ang mga anak natin, eh,” sabi ni Rowel.
Nagulat ang misis niya.
“Aba, nakasosyo ka lang sa negosyo, gusto mo nang apurahin ang pagpapayaman, a! Hmmm… sige, nami-miss ko na rin ang magtrabaho,” wika ng asawa.
“Buweno, sa susunod na linggo ay ikaw na ang magiging general manager ng Sweet Blend Milk Tea Chain. Hindi na magagampanan ni Manuel ang trabaho dahil pupunta na raw siya sa Amerika next week.”
“A-ano? A-aalis si Manuel?”
At ipinagtapat na ni Rowel ang totoo kay Esther.
“Doon na raw muna siya, darling. Gusto ni Manuel na makita sa huling pagkakataon ang lugar kung saan siya ipinanganak. May dapat ka pang malaman tungkol sa kanya, may terminal c*ncer si Manuel…at may taning na ang buhay niya. Tatlong buwan na lang ang ilalagi niya sa mundo,” bunyag niya.
“Diyos ko, kawawa naman pala siya. Hindi ko akalain na may pinagdadaanan pala si Manuel,” gulat na sambit ni Esther na ‘di napigilang maluha sa sitwasyon ng dating manliligaw.
Nagdaan ang ilang buwan at tuluyang pumanaw si Manuel, sa Amerika ito binawian ng buhay. Dumating sa Pilipinas ang labi ng lalaki dahil ang hiling nito ay sa sariling bansa pa rin mailibing. Dahil wala nang ibang pamilya at kaanak ay ang mag-asawa ang nag-asikaso ng lahat para sa libing nito.
“Ibang klase si Manuel, nagawa niyang makipagsosyo hindi pala para mapalapit sa iyo kundi para iwan ang pinaghirapan niyang negosyo sa atin,” wika ni Rowel sa asawa.
“Sadyang napakabuti ni Manuel sa atin kahit na nasaktan siya noon. Malaking negosyo ang iniwan niya sa atin, Rowel. Ibinigay niya iyon nang walang hininging kahit na ano. Matagal na kasi niyang plano na magkaroon tayong tatlo ng negosyo, hindi nga lang natuloy noon dahil nga ikaw ang pinili kong mapangasawa, pero sa huling sandali ay tinupad pa rin niya iyon,” naluluhang sabi ni Esther habang pinagmamasdan nila ang lapida ng kanilang kaibigan.
“Tama ka, Esther. Napakabuti niyang tao at kaibigan din sa akin. Hindi siya nagtanim ng sama ng loob sa ating dalawa sa kabila ng lahat. Hinahangaan ko si Manuel. At ito nga, gumawa siya ng dahilan para pagmalasakitan natin ang kanyang naipundar,” sambit ni Rowel sabay lapag ng mga bulaklak sa puntod ng dating karibal.
“Hindi natin siya bibiguin. Aalagaan at palalaguin pa natin ang iniwan niyang pamana sa atin, darling. Habambuhay natin itong ipagpapasalamat sa kanya,” tugon naman ni Esther na nagtirik na rin ng kandila.
Taimtim nilang ipinagdasal ang kaluluwa ni Manuel at dalangin nila ang kapayapaan nito sa kabilang buhay.
Kakaiba talagang kaibigan si Manuel. Bihira ang gaya niya na mas pinahalagahan ang pakikipagkaibigan at isinantabi ang nararamdaman. Sana lahat ay tulad niya.