Inday TrendingInday Trending
Bata Pa Lamang, Inako na ng Babae ang Responsibilidad sa Kanilang Pamilya; Bakit Nang Mapagtapos sa Pag-aaral ang mga Kapatid, Gabi-Gabi Siyang Napapaiyak?

Bata Pa Lamang, Inako na ng Babae ang Responsibilidad sa Kanilang Pamilya; Bakit Nang Mapagtapos sa Pag-aaral ang mga Kapatid, Gabi-Gabi Siyang Napapaiyak?

“’Nay… magsasaing na po ba ako?”

Nanlilisik ang mga matang tiningnan siya ng kaniyang inang si Aling Magda. Lasing na naman sa lambanog. Simula nang sumakabilang-buhay ang kanilang tatay, naging lasenggera na ito. Hindi na ito ang kanilang dating nanay na malambing at masipag.

“B-bakit mo pa ‘ko tinatanong, hik! Alam mo na ‘yan, Maybeline. Ikaw ang panganay. Kaya mo na ‘yan. Huwag mo na ko tanungin sa bagay na ‘yan, malaki ka na… hik!”

“Eh ‘Nay… wala po akong sasaingin. Wala po tayong bigas… gutom na po sina Jek-Jek at Pen-Pen,” naiiyak na sabi ni Maybeline. Kanina pa umiiyak sa gutom ang maliliit na kapatid. Mabuti na lamang at nakita niyang may bunga na ang puno ng saging sa kanilang likod-bahay, kahit na medyo hilaw pa ito. Inilaga niya at ipinakain sa mga kapatid. Isinawsaw nila sa bagoong isda at calamansi upang magkalasa.

Dumukot ang ina sa bulsa ng blusa nito.

“W-Wala na ko pera eh. Bukas na lang kayo kumain… inom na lang kayo tubig…” sabi nito, hanggang sa makatulog na, na may kasamang hilik.

Tumulo na lamang ang luha sa mga mata ni Maybeline.

Sa murang edad ay naging ina at ama na siya sa kaniyang dalawang nakababatang kapatid, tanggap naman niya.

Makalipas lamang ng ilang buwan ay iniwan naman sila ng kanilang ina sa kanilang tiyo; hindi sinabi kung saan ito pupunta at hindi na muling bumalik pa sa kanila.

Gustuhin man ng kaniyang tiyo na ampunin ang kaniyang dalawang kapatid, upang isama sa bayan, hindi pumayag si Maybeline, dahil ayaw niyang mawalay sa kaniyang dalawang kapatid,

“Paano ‘yan Maybeline, ibinilin kayo sa akin ng Nanay ninyo. Hindi ko rin kayo madadala sa bahay, dahil masikip na roon,” sabi ng kaniyang Tiyo Nestor.

“Dito na lamang po kaming magkakapatid, tiyo. Kaya ko naman pong alagaan ang mga kapatid ko,” sabi ni Maybeline.

“Sige pero mag-iingat kayo ha? Lagi kayong magsasara ng pinto.”

Kaya araw-araw, maagang gumigising si Maybeline upang asikasuhin ang kaniyang dalawang maliliit na kapatid. Kaya na niyang magluto ng agahan dahil bata pa lamang siya ay lagi na niyang pinapanood magluto ang kaniyang nanay at tatay noong nabubuhay pa ito. Sanay na sanay siya sa mga gawaing-bahay. Kapag tapos na siyang magluto ay isinasabay naman niya ang pagpapakulo ng pampaligo ng dalawang kapatid.

At sabay-sabay silang papasok sa paaralan. Si Maybeline ay nasa Grade 5, habang si Jek-Jek ay Grade 2, at Grade 1 naman si Pen-Pen.

Sa murang edad ay pinapasok na niya ang mga gawaing mabibigat upang makadagdag sa pambili ng makakain ng kaniyang mga maliliit na kapatid, bukod pa sa panggastos na iniaabot sa kaniya ng tiyuhin. Paminsan din ay dinadalaw sila nito, sa araw ng Sabado at Linggo.

Simple lamang ang pangarap ni Maybeline, ang makapagtapos siya ng pag-aaral, gayundin ang mga kapatid upang magkaroon ng magandang kinabukasan, kaya sa murang edad ay para bang naging mulat na ito sa lahat ng bagay at ang kaniyang pag-iisip ay naging matanda na.

Kaya naman nagsumikap siyang makatapos ng pag-aaral upang mabuhay ang kaniyang mga kapatid. Naging working student siya sa hayskul, at nakalimutan na ang kolehiyo, dahil kailangan na niyang paunahin ang mga kapatid na sila muna ang makatapos.

Bilang ate, at tumatayong ama at ina sa pamilya, kailangan niyang magsakripisyo.

Matuling dumaan ang panahon…

Tapos na sa kursong Industrial Engineering si Jek-Jek. Nakaraos na rin siya. Pero si Pen-Pen pa, kaya kinailangan niya pang magtiyaga sa pagkayod.

Hanggang sa dumating na ang takdang panahon. Natapos ni Pen-Pen ang kursong Accounting.

Tuwang-tuwa si Maybeline. Kahit na hindi siya nakatuntong sa kolehiyo, pakiramdam niya ay napakagaling niya dahil nakapagpatapos siya ng mga kapatid; kahit siya ay napag-iwanan na.

Subalit ang katuwaan sa puso ni Maybeline ay biglang nawala nang magsipag-asawahan ang dalawang kapatid. Matapos ang pag-aaral at magkaroon ng trabaho, bumukod na sila dahil may sari-sarili ng pamilya.

Hanggang sa mapagtanto ni Maybeline, mag-isa na lamang siya.

Iniwan na siya ng lahat.

Hindi niya mapigilang mapaiyak tuwing gabi, sa tuwing susuyurin niya ng tingin ang kanilang lumang bahay. Wala man lamang nabago sa bahay na iyon. Ni hindi niya naipaayos. Naging abala siya sa buhay niya para sa kapakanan ng kaniyang mga kapatid, na ni araw ng Sabado o Linggo, hindi man lamang siya madalaw.

Nakaramdam ng awa sa kaniyang sarili si Maybeline. Kung tutuusin, bata pa siya, subalit pakiramdam niya ay losyang na siya. Mukha na siyang matanda.

Napabayaan na niya ang sarili. Nakalimutan niya ang sarili. At ngayon, wala na siyang ibang kasama kundi ang sarili pa rin niya.

Sarili pa rin niya ang kakapitan niya…

Subalit masaya siya sa ginawa niya para sa mga kapatid niya. Mahal na mahal niya ang mga kapatid, subalit hindi pa rin niya maiwasang makaramdam ng hinanakit; na pakiramdam niya ay etsa puwera na siya, dahil wala na silang pakinabang sa kaniya.

Nakatulugan ni Maybeline ang pag-iisip habang hilam ang mga mata sa luha…

Kinabukasan, habang naghahanda papasok sa trabaho bilang isang manggagawa sa pabrika, isang hindi inaasahang tao ang dumating.

Nagkatitigan sila.

“M-Maybeline… anak…”

Ang kanilang nanay. Tumanda na ito subalit maayos ang pananamit. Mukhang naging maayos ang buhay nito.

“Ano hong ginagawa ninyo rito? Mukhang maganda ho ang naging buhay ninyo simula nang iwan ninyo kaming magkakapatid, ‘Nay. Simula nang akuin ko ang responsibilidad sa pamilyang ‘to!” galit na sabi ni Maybeline. Bumulwak ang luha sa kaniyang mga mata. Halo-halong emosyon ang naglalatang sa kaniyang dibdib.

“A-Anak… patawarin mo ako sa ginawa kong pag-abandona sa inyo noong maliliit pa kayo. Aaminin ko anak, naging mahina ako noon. Hindi ko alam ang gagawin ko simula nang mawala ang tatay ninyo. Hindi ko alam kung paano ko kayo bubuhayin. Kaya minabuti kong umalis, magpakalayo-layo. Lasing ako noong umalis ako. Hindi ko nakita ang kalsada, nabangga ako ng sasakyan at nabaldog ang ulo ko sa sahig,” salaysay ni Aling Magda.

“Nagkaroon ako ng amnesia. Wala akong maalala, Isinama ako ng nakabangga sa akin sa bahay nila, na isang mayamang lalaki. Biyudo. Inalagaan niya ako. Napamahal na siya sa akin. Maraming panahong wala akong maalala, anak. Hanggang sa nangibang-bansa kami, wala akong maalala sa nakaraan ko. Hanggang sa unti-unti ay nakaalala na ako. Kaya bumabalik ako ngayon, anak…” lumuluhang salaysay ni Aling Magda. Lumapit ito kay Maybeline at hinawakan ang mga kamay ng anak.

“Hayaan mong bumawi ako sa mga pagkukulang ko sa iyo. Ako na lamang din mag-isa dahil sumakabilang-buhay na rin ang lalaking nagmahal at tumulong sa akin. Panahon na para makabawi ako sa iyo, anak…”

At nagyakap ang mag-ina.

“Nahihiya ako sa iyo dahil mas naging nanay ka pa sa akin… mas malakas ka kaysa sa akin.”

Nagkita-kita ang magkakapatid, at napatawad na rin nila ang kanilang nanay. Humingi rin ng tawad sina Jek-Jek at Pen-Pen sa kanilang Ate Maybeline dahil hindi na nila ito nadadalaw dahil sa kaabalahan sa trabaho at sariling pamilya.

Samantala, lumipat na rin si Maybeline sa bahay na pag-aari ng kaniyang nanay, na ipinamana sa kaniya ng naging asawa. May kasama na siya. May kasama na ang kaniyang nanay. Hindi na sila mag-iisa. Panahon na upang magpatawad at bumawi sa isa’t isa.

Advertisement