Sinabihang Kuripot at Madamot ng Lalaki ang Kaibigan Niyang Mapera; Nang Mangailangan Siya ay Grabe ang Gagawin Nito

Sinabihang Kuripot at Madamot ng Lalaki ang Kaibigan Niyang Mapera; Nang Mangailangan Siya ay Grabe ang Gagawin Nito

InspiringKarmaStories

“Jeff, tara! Sama ka sa amin! Nag-aaya si Wendell na mag-inom,” yaya ni Toby sa kaibigan.

“Sorry, pare, hindi ako pwede, eh. Nangako ako kay misis na maaga akong uuwi ngayon,” sagot ng lalaki.

“Sama ka na! Isang round lang naman tayo!” pagpupumilit ni Toby.

“Pasensya na, pare. Saka na lang ha? Naghihintay si misis sa bahay, eh,” tugon ng kaibigan.

Nang magpaalam ito para umuwi ay inis na napakamot sa ulo niya si Toby.

“Bwisit! Ayaw mo lang kamong matokahan! Kuripot!” gigil niyang bulong sa sarili.

Empleyado si Toby sa isang kilalang kumpanya, may mataas na posisyon, may malaking sahod at mga benepisyo. Marami rin siyang mga kaibigan sa pinagtatrabahuhang opisina. Tuwing Biyernes ng gabi ay kasama niya ang mga ito sa inuman at gimikan.

Isa sa mga kaibigan niyang empleyado rin doon ay si Jeff. Gaya niya ay mataas din ang posisyon nito sa ibang departamento. Bukod sa katrabaho ay kapitbahay din niya ito. Pareho silang nakatira sa isang subdivision sa Makati. Sa kanilang magkakaibigan ay si Jeff ang mas nakakaangat sa buhay. Anak mayaman ang lalaki na ang mga magulang ay may sari-sariling pinatatakbong negosyo pero kahit laki sa yaman ay simpleng tao lamang ito. Mas gusto nitong magtrabaho sa ibang kumpanya kaysa magtayo ng sariling negosyo o magtrabaho sa kumpanya ng pamilya. Ang sabi ng kaibigan ay masaya ito sa trabaho sa kanilang kumpanya.

Noong una ay gustung-gusto ni Toby na kaibigan si Jeff dahil ngayon lang siya nagkaroon ng kaibigan na mayaman na, mabait pa at marunong makisama sa mga katrabaho, pero habang tumatagal ay naaasar na siya rito dahil sobra itong kuripot. Kahit kailan ay hindi niya ito naisama sa inuman at pag-gimik nilang magkakabarkada.

“O, nasaan si Jeff?” tanong ng kaibigan nilang si Wendell.

“Umuwi na! Hinihintay daw ng misis niya,” sabi niya.

Natawa na lang ang mga kasama niya.

“Lagi naman siyang ganyan! Ni minsan ay hindi naman sumama ang kumag na ‘yon kapag may inuman session tayo,” wika ng kaibigan nilang si Manny.

“Baka naman talagang Andres de Saya ang mokong kaya palaging nagmamadaling umuwi,” sabad pa ni Wendell.

At naghagalpakan ng tawa ang tatlo. Habang nag-iinuman ay pinag-usapan nila ang tungkol kay Jeff, na porket hindi nila ito tunay na kaibigan at takot sa asawa kaya palagi itong tumatanggi sa kanila kapag lumalabas. Kawawang Jeff, walang kalaban-laban sa maaanghang at masasakit na salitang binitawan ng mga kaibigan.

Minsan, nagkaroon ng party sa opisina nila. Kaarawan ng may-ari ng kumpanya at naisip ng mga lider ng bawat departamento na mag-ambagan para bigyan ng mamahaling regalo at bonggang party ang boss nila pero pagdating sa singilan ay hindi man lang nag-ambag si Jeff kahit anong halaga bagkus ay nagpaluto lang ito ng spaghetti sa misis nito na ambag daw sa handaan sa opisina. Nabwisit na naman si Toby at dalawa pang kasama.

“Siya itong may kaya, eh, siya pa itong hindi nagbigay ng perang pangregalo kay boss. Ang kunat talaga ng loko! Pwe!” bulong ni Manny sa kanila.

“Sinabi mo pa. Para lang masabi na nagbigay, nagdala ng spaghetti? Ano ito, children’s party?” sabad naman ni Wendell.

“Hayaan niyo na, buti nga at nagbigay pa. Nung nakaraang taon kahit singkong duling ay wala,” sagot naman niya.

Nang sumunod na linggo, napagkasunduan ng magkakaibigan na magpunta sa casino. Ang nagyaya ay ang isa pang mapera sa kanilang grupo na si Manny. Balita nila ay maraming magaganda at seksing babae ang nagpupunta roon kaya atat na sila, ngunit nang araw na iyon ay kulang ang pera ni Toby. Katatapos lang niyang iintrega sa misis ang sahod niya kaya pamasahe at pangkain na lamang sa buong linggo ang natira sa kanya. Naisip niyang umutang ng pera kay Jeff, baka sakaling sa pagkakataong iyon ay pagbigyan siya nito.

“Jeff, pwede bang makautang ng pera?” tanong niya.

“Saan mo gagamitin ang pera, pare? Sa pagsusugal? Narinig ko kayo nina Manny at Wendell kanina na balak ninyong magpunta sa casino mamayang uwian. Kahapon lang tayo sumuweldo, a! P-pare, huwag mong mamasamain ang sasabihin ko ha? Iwasan mo ang pagsusugal, wala iyang maidudulot na mabuti,” wika sa kanya ng kaibigan.

Napahiya si Toby sa tinuran ni Jeff. ‘Di niya akalaing harap-harapan siya nitong pagsasabihan, pero kahit parang sinampal ay sinubukan niya pa ring manghiram dito ng pera.

“Naintrega ko na kasi kay misis ang sahod ko. Isang linggong budget na lamang ang natira sa ATM ko. Biglaan din kasi ang pagyaya ni pareng Manny, eh. Kaya nga baka pwedeng makautang ako sa iyo? Ibabalik ko rin naman bukas, wala akong dalang ekstrang pera,” pakiusap niya.

Ngunit hindi siya pinagbigyan ni Jeff.

“S-Sorry, pare. Wala akong maipapahiram sa iyo. Sakto lang din ang pera ko,” sagot nito.

Pagdating sa bahay ay nagpupuyos sa galit si Toby.

“Tandaan mo, Gina, mula ngayo’y huwag na huwag kang makapunta-punta diyan kina Jeff ha?” singhal niya sa asawa.

“B-bakit, Toby? Sa tono ng pananalita mo’y parang galit ka sa kaibigan mo?” naguguluhang tanong ng misis niya.

Ngitngit na ngitngit na ikinuwento niya kay Gina kung bakit.

“Nanghihiram lang ako ng pera, hiniya na ako sa opisina,” aniya.

“Eh, saan mo naman gagamitin ang pera? Kakasahod mo lang nung isang araw ‘di ba?”

“A, eh, m-may paggagamitan sana ako. may balak akong bilhin kanina sa mall. Kulang na kasi ang dala kong pera kaya naisip kong mangutang muna sa kanya at babayaran ko rin siya bukas, pero hindi niya ako pinagbigyan at sinermunan pa ako ng g*gong iyon! Ang yaman niya tapos walang pera? Ang sabihin mo’y talagang ubod ng kuripot at napakadamot ng Jeff na iyon! Pwe!” pagpapalusot niya. Hindi niya sinabi kung saan talaga gagamitin ang hihiraming pera. Nagdahilan na lamang siya upang hindi siya malagot sa asawa niya.

Isang gabi, ‘di inasahan ng mag-asawa na papasukin sila ng mga magnanakaw sa kanilang bahay. Kahit may guwardiya sa subdivision at CCTV ay nalusutan pa rin sila ng mga ito. Natangay ang halos isang milyon nilang pera sa caja de hierro at mga alahas. Pati mga mamahaling gamit sa loob ng bahay nila ay tinangay ng mga kawatan. Dahil hindi marunong mag-impok ang mag-asawa sa bangko at sa bahay lang nila itinatago ang mga pera nila ay natiktikan tuloy sila ng matitinik na magnanakaw at tiba-tiba pa sa kanila ang mga ito. Sa himbing ng pagkakatulog nila ay hindi nila namalayan na nasalisihan na sila. Mabuti nga at hindi sila sinaktan ng mga ito. Malinis ang ginawang pagnanakaw at pagtakas ng mga kawatan kaya nang magising ay halos manlumo sila lalo na si Toby.

Ngunit ilang araw pa lang ang nakakalipas ay muli na naman silang sinubok ng pagkakataon, sumumpong naman ang sakit na ulcer ni Toby dahil sa kakainom niya ng alak kaya naisugod siya sa ospital at kailangang maoperahan sa lalong madaling panahon subalit dahil kagagaling lang nila sa kamalasan ay walang-wala silang pera na gagamitin sa operasyon.

“Magpunta ka kina mama at papa, sa mga kapatid ko’t mga pinsan. Manghingi muna tayo ng tulong sa kanila. Magpunta ka rin sa opisina, manghiram ka ng pera kina Pareng Manny, Pareng Wendell at sa iba ko pang kasamahan doon,” wika ni Toby sa asawa niya.

Iyon nga ang ginawa ni Gina. Humingi siya ng tulong sa mga kaanak at kaibigan ng mister niya.

‘Di nagtagal ay naisagawa rin ang operasyon kay Toby. Nagfifty-fifty pa nga ang lagay niya sa operating room pero sa awa ng Diyos ay nalagpasan naman niya iyon at naging matagumpay.

Nakakabawi na siya ng lakas nang malaman niya na kay Jeff pala nagmula ang perang ginastos sa operasyon niya.

“Ano ka ba, Gina? ‘Di ba nu’n pa’y sinabi ko na sa iyong huwag na huwag kang lalapit sa lalaking iyon?” inis niyang tanong.

“Sinunod ko ang payo mo. Nilapitan ko ang magulang, kapatid at mga pinsan mo pero dahil kapos din sila ay kaunti lamang ang naipahiram nila sa akin. Malaking halaga ang kinailangan sa operasyon kaya humingi ako ng tulong sa mga kaibigan mong sina Manny, Wendell at iba mo pang kasamahan sa trabaho ngunit lahat sila ang sinabi sa akin ay wala silang pera. Wala man lang ni isa sa kanila ang nag-abot ng tulong sa iyo. Aalis na sana ako sa opisina ninyo nang lapitan ako ni Jeff na nag-aalala sa kalagayan mo. Kusa siyang nagbigay ng pera para sa operasyon mo. Totoo ang pagdamay niya sa iyo, Toby. Nang malaman niya na grabe ang lagay mo’y isinama niya ako sa bangko at nagwithdraw siya ng malaking halaga at iniabot sa akin. Ang sabi ko’y babayaran natin ang perang ipinahiram niya ngunit tumanggi siya, ang sabi niya ay wala na raw tayong dapat alalahanin dahil bigay na raw niya iyon. At alam mo ba na nagbigay din siya ng kalahating milyon para mabawi natin ang mga gamit at ari-arian na ninakaw sa atin? Sobra-sobra ang ibinigay niyang tulong sa atin, Toby. Napakasuwerte mo sa kaibigan mong iyon. Tunay siyang maaasahan, tinulungan ka niya nang walang hinihinging anumang kapalit.”

Sa sinabing iyon ng kanyang asawa ay napa-iyak siya. Hindi siya makapaniwala na sa lahat ng itinuring niyang kaibigan ay si Jeff ang totoong nagmamalasakit sa kanya. Pinagsisisihan na niya ang mga masasakit na sinabi niya rito. Sa isip niya ay kuripot nga ang kaibigan sa walang saysay na mga bagay, pero napakagalante at maasahan ito sa oras ng pangangailagan.

Nang dalawin siya ni Jeff sa ospital ay humingi siya ng tawad sa kaibigan at tinanggap naman nito ang pagpapakumbaba niya. Tinulungan siya nito na muling makabangon hanggang sa nabawi nilang mag-asawa ang mga nawala sa kanila.

Tandaan na ang tunay na kaibigan ay makikilala sa pagkakataong hindi inaasahan lalo na sa panahon ng kagipitan.

More Stories