Biglang Iwas si Misis na Isama si Mister sa Trabaho; May Itinatago Pala Ito na Nakatakda Ring Mabunyag

Biglang Iwas si Misis na Isama si Mister sa Trabaho; May Itinatago Pala Ito na Nakatakda Ring Mabunyag

FamilyHeartbreakingStories

“Josie, sigurado ka bang hindi na kita ihahatid? Akala ko ba pwede akong magside-line dun sa boss mo? Sayang naman ‘yun,” wika ni Kit ang kinakasamang mister ni Josie.

“Okay na ‘yun, hayaan na natin sila dun. Maghanap ka nalang ng ibang trabaho sa ibang food delivery, may motor ka na naman. Para lang hindi nila masabi na nakasandal na tayong mag-asawa sa kanila,” iritableng sagot ng babae sa kanya.

“May problema ba? Bakit parang ngayon ay mainit lagi ang ulo mo sa trabaho?” tanong muli ni Kit dito.

“Wala lang, busy lang ako at maraming iniisip. Basta ikaw, hangga’t maaari ay humanap ka na ng trabaho, ha? Huwag ka munang dikit nang dikit sa akin sa trabaho ko,” matabang na balik muli ni Josie sa kaniya saka mabilis na umalis para sa trabaho.

Halos anim na taon na ring nagsasama sina Kit at Josie, nabiyayaan na rin sila ng dalawang anak. Ngunit simula nang magpandemya ay si Josie na ang nagtrabaho para sa kanilang pamilya. Nariyang nalubog sila lalo sa utang nang tinamaan ang lalaki ng COVID at nagsabay-sabay ang gastusin ngunit himalang nalampasan nila iyon sa loob lamang ng tatlong buwan.

Swerte nga raw para kay Kit ang bagong trabaho ng babae dahil bukod sa kaibigan ito ng kaniyang misis ay marami silang natatanggap na benepisyo. Nariyan ang mga pagkain at grocery na binibigay lamang kay Josie at higit sa lahat ay nakakuha sila ng motor sa sahod lamang lahat ng babae. Maluwag nga raw ang pasok ng pera sa kanilang mag-asawa.

“Pare, mukhang iwan ka yata ngayon ni misis dito sa bahay ah? May iba ka na bang raket?” tanong ni Edward kaibigan ng lalaki.

“Naku, ewan ko ba, napapadalas nga ang pag-iwas ni misis sa akin na isama niya ako sa trabaho niya. Ayaw na niyang magpahatid o ‘di naman kaya magpasundo. Baka mamaya nito ay may lalaki na ‘yung asawa ko,” iling ni Kit habang abala siya sa pagpupunas ng motor.

“Aba, pare, kung ako sa’yo ay sosorpresahin ko ‘yan at baka naiiputan ka na sa ulo. Kahit ba sabihin na nating siya ang may trabaho sa inyong dalawa ay hindi namang pwedeng naapakan ang pagkalalaki natin niyan. Tingnan mo rin,” sagot ni Edward sa kaniya. Hindi nagsalita si Kit dahil ang totoo niyan ay parehas lamang sila ng iniisip. Kaya naman kahit na alam niyang magagalit si Josie ay pinuntahan pa rin ng lalaki ang kaniyang misis. Nagmanman muna siya sa malayo at wala naman siyang napapansing umaaligid na lalaki sa kanyang asawa. Hanggang sa nilapitan na nga niya ito noong pauwi na.

“Boss Marvin! Magandang gabi,” bati ni Kit sa amo ni Josie na nakita niyang magsisindi ng sigarilyo sa labas. Ngunit nakakapagtakang hindi siya pinansin nito bagkus ay tiningnan lamang siya ng lalaki. Iba na kaagad ang naglaro sa isipan ni Kit at mabilis na kinompronta si Josie.

“Josie, anong mayroon? Bakit ganoon kung makatingin si Marvin sa akin? Siya ba ang dahilan kung bakit ayaw mong hinahatid at sinusundo kita? May relasyon ba kayo nung g*gong ‘yun?!” singhal agad na tanong ni Kit sa babae.

“Pwede ba, Kit, umuwi na lang muna tayo, marami na akong problema para maisip pa ‘yang binibintang mo!” baling din ni Josie rito.

“Hindi, magsabi ka sa akin ng totoo. Hindi pwede ‘yang ginaganyan mo ako! Porke ba ikaw nag-aakyat ng pera sa pamilya ay gaganyanin mo na ako?!” galit na sagot ni Kit at hindi talaga siya pumayag na hindi magsalita ang babae.

“Kailan ka ba magta-trabaho, Kit?” naiiyak na tanong ni Josie sa kaniya na labis na ikinagulat ng lalaki.

“Tapos ganyan ang ibabalik mo sa aking usapan? Anong gusto mong sabihin, Josie?” banas na tanong muli ni Kit dito.

“Gusto mo bang malaman ang totoo kong pinagdaraan? Nahuli lang naman ako ni Marvin,” mas lalo pang naiiyak na siwalat ni Josie at saka siya lumayo sa lalaki.

[email protected]!na, nahuli na ano?!” baling ng lalaki.

“Nahuli ako ni Marvin na nangungupit, na kumukuha ng pera sa mga binabayad ng customer sa restawran. Kasi napakaliit ng sahod ko bilang waitress o kahera o kung ano mang turing nila sa akin at hindi sapat ‘yun para mabuhay ko kayo. Lalo na’t may dalawang anak tayo at ayaw naman kita obligahin na magtrabaho dahil sa tuwing tinatanong kita, palagi mong sinasabi na humahanap ka lang ng tyempo. Kaso, Kit, nabulag ako, nasilaw ako sa ginhawa na pwede kong mabigay sa inyo. Kaya nga tayo nakabili ng motor, nakabayad sa mga utang – kasi nangungupit ako,” doon na inamin ni Josie ang lahat at doon na rin bumuhos ang luha at hinagpis ng babae.

“Hiyang hiya ako sa’yo at sa sarili ko kaya nga hindi na kita pinapapunta dun kasi hindi ko alam, Kit, hindi ko alam ang pumasok sa isip ko,” dagdag nito.

Hindi malaman ni Kit ang sasabihin dahil hindi niya akalain na magagawa ito ng asawa niya. Doon kaagad nagising ang lalaki sa kaniyang pagbabatugan at kapabayaan bilang haligi ng kanilang tahanan. Niyakap niya ang babae nang mahigpit at inuwi ito. Hindi na siya nagsalita ng kung ano pa man bagkus ay humanap siya ng trabaho at tinulungan niyang malinis ang pangalan ng misis.

Hindi naging tama ang ginawa ni Josie lalo na nga sa mata ng Diyos at sa batas, gayunpaman ay kaagad siyang pinatawad ni Kit at napagdesisyunan nila na sa tuwing magkakaroon sila ng problema lalo na sa pera ay palagi silang mag-uusap na dalawa. Sa huli, binayaran lahat ni Kit at Josie ang mga nakuha ng babae at nagsimula silang muli. Hindi na rin muling nagpabaya si Kit dahil alam niyang mas makakatulong sa kanilang pamilya kung dalawa silang maghahanapbuhay.

More Stories