Inday TrendingInday Trending
Ayoko Nga Sabing Magka-Anak!

Ayoko Nga Sabing Magka-Anak!

Magkasintahan pa lamang si Martha at Benny ay naging malinaw na para sa kanila na ayaw ng babaeng magbuntis at magkaroon ng sariling anak. Kahit pa labag ito sa kagustuhan ng lalaki ay agad pa rin siyang pumayag gawa ng labis na pagmamahal sa babae.

Ngunit tila nag-iba ang ihip ng hangin makalipas ang mahigit limang taon. Nang maimbitahan si Benny sa kanilang reunion ng mga dating kaklase, labis siyang nakantyawan tungkol sa hindi pagkakaroon ng anak. Kaya naman sinubukan niyang muli na itanong, at nagbabaka-sakali na baka mapapayag na niya ang misis.

“Mahal? Martha?” pambungad na paglalambing ni Benny.

“Bakit, mahal?” malambing din namang sagot nito.

“May itatanong sana ako, huwag kang magagalit ha? ‘Yong mga kaklase ko kasi dati, masasaya sila dahil lumalaki na ang mga anak nila…” pinutol na ni Martha ang pagsasalita ng asawa nang maramdaman ang gusto nitong sabihin.

“Ano ba, Benny?! Hanggang ngayon ba kukulitin mo ako sa pag-aanak? Hindi ba simula’t sapul alam mong ayoko? Uulitin ko pa ba ang mga dahilan ko?” tanong ng inis na babae.

“Nagbaka sakali lang naman…” wika nito.

“Uulitin ko ha?! Una, kasi ayokong mag-alaga ng bata! Pangalawa, hindi ko kakayanin ang responsibilidad, nakakapagod!” anito.

Hindi na sumagot pa si Benny upang hindi na humaba ang usapan. Tuluyan na niyang tinanggap na kailanma’y hindi na siya magkakaroon ng sariling anak, kaya naman ibinaling na lamang niya ang atensyon sa kanyang mga pamangkin.

Lumipas ang napakaraming taon at malungkot na namuhay ang mag-asawa. Kung noong una ay palagi silang masaya sa piling ng isa’t-isa, hindi mapigilan ni Benny na paminsan-minsan ay magpahaging sa desisyon ng kanyang asawa. Gayunpaman, kailanman ay hindi niya nagawang mangaliwa sa kabila ng labis na kabiguan at kalungkutan.

Isang umaga, nagising na lamang si Martha na may napakabigat na dinadala sa kanyang puso. Ang araw na iyon ay ang ika-58 na kaarawaan ng kanyang asawang si Benny. Agad siyang bumangon upang ipagluto ng paboritong pansit ang asawa, ngunit halos mabiyak ang kanyang puso nang makita ang lagay ni Benny.

“Benny? Mahal?! Benny! Gising, utang na loob! Huwag kang magbiro ng ganiyan,” umiiyak na paki-usap ni Martha sa hindi na humihingang asawa.

Kahit anong pagyugyog niya sa asawa ay hindi ito dumidilat. Kaya naman hindi na siya nag-atubiling tumawag ng ambulansya at nanghingi ng tulong ng mga kapitbahay. Pero kahit maagang dumating ang tulong, wala na silang nagawa upang masagip ang buhay ni Benny dahil ayon sa doktor ay inatake raw ito sa puso.

Halos mabaliw si Martha dahil halos buong buhay niya ay nasanay na siyang kasama sa bahay ang mister, ngayon ay mag-isa na lamang niyang haharapin ang mga natitirang taon ng kanyang buhay.

Isang gabi, bago sinubukang matulog ni Martha ay kinuha niya ang litrato ng asawa at kinausap ito habang yakap-yakap ang isang unan na paboritong yapusin ng namayapa niyang asawa.

“Mahal? Bakit ganoon? Napaka-aga mo akong iniwan. Pangako mo sa akin noon ay sasamahan mo ako hanggang sa dulo, ngunit bakit naman ganito? Pakiramdam ko ay ayaw ko nang mabuhay. Dahil ano pang silbi?”

Patuloy na umiiyak si Martha habang pinagmamasdan ang larawan ng asawa hanggang siya ay makatulog. Halos gabi-gabi na niya itong ginagawa upang mapalagay ang kanyang loob.

Isang gabi, tila binisita ni Benny ang asawa sa kanyang panaginip.

“Martha, mahal kong asawa? Ramdam ko ang matinding lungkot na iyong nararamdaman. Pasensiya ka na ha? Hindi ko kasi sinasadya na maaga akong sunduin ng Maykapal. Huwag ka sanang magagalit, pero may sasabihin ako sa’yo. Pumunta ka sa address na ito, at baka doon mo matagpuan ang makakapag-pasaya sa iyo,” nakangiting wika ni Benny sa panaginip ni Martha.

Nang magising si Martha, nagulat siya nang makita ang isang kapirasong papel na mayroong address na nakasulat. Agad naman siyang nagbihis at pumunta sa lugar na iyon gawa ng matinding pagka-usisa.

Nang maibaba siya sa sasakyan ng kanyang kapatid, nanlaki ang mata niya nang makita ang lugar. Isa itong ampunan ng mga bata na nakapangalan sa kanilang mag-asawa.

“Benny and Martha’s Paradise”

Nakita ng mga kababaihan na tigabantay ang pagdating ni Martha, kaya’t nagmadali ang mga ito at nilapitan siya.

“Mam Martha! Maligayang pagdating po. Kami po ang namamahala sa iniwang ampunan na itinaguyod ng inyong namayapang asawa. Malaking-malaki ho ang pasasalamat naming lahat, lalo na ng mga bata rito na lumaking ulila. Kung hindi po dahil sa mister ninyo ay baka nasa lansangan na lang po silang lahat,” wika ng isang babae.

Gulat na gulat si Martha. Nalaman din niyang dalawampung taon na ang nakalipas nang itaguyod iyon ng kanyang asawa. Dinala rin siya sa isang silid at doon ay mayroong isang sulat na iniwan ni Benny.

“Mahal? Sana ay dumating ang araw na mababasa mo ito. Sana ay huwag kang magalit sa itinayo kong ampunan. Kung kikilalanin mo ang mga bata, labis kang matutuwa sa kanila. Mapapagaan nila ang loob mong nangungulila sa akin. Subukan mo lang, mahal. Hanggang sa muli, Benny.”

Hindi namalayan ni Martha na tumutulo na ang kanyang mga luha. Tulad ng sinabi ng kanyang mister, sinubukan niyang kilalanin ang mga batang nanunuluyan doon. Noong una’y inaakala niyang makukunsumi lamang siya sa mga bata, ngunit kabaliktaran ang kanyang naranasan.

Tulad nga ng sabi ng kanyang asawa, gumaan ang hinagpis na kanyang nararamdaman. Dahil dito ay inaraw-araw na niya ang pagdalaw sa ampunan. Hindi nagtagal ay tuluyan nang gumaan ang loob niya sa mga bata. Kung noon ay labis siyang naiinis sa mga batang nagtatakbuhan, ngayon ay tuwang-tuwa siya kapag nakikita niya ang mga itong naglalaro at nagtatawanan.

Muling kinausap ni Martha ang larawan ng asawa,

“Maraming salamat, mahal. Patawarin mo ako kung hindi kita binigyan ng pagkakataong mabigyan ng sariling anak. Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit nais mo tayong magka-supling. Sana ay mapatawad mo pa ako, dahil ngayon ay labis na ang aking pagsisisi sa aking mga desisyon. Pinapangako kong aalagaan ko ang mga batang inampon mo hanggang sa huling hininga ko. Ituturing ko silang sariling atin.”

Ginawa nga ni Martha ang kanyang sinabi. Tuwang-tuwa ang mga bata sa pag-aalaga sa kanila ng ginang, at naramdaman nila na tila ba si Martha na ang tunay nilang ina.

Simula noon ay inilaan na nga ni Martha ang mga natitirang taon sa kanyang buhay sa pag-aalaga sa mga bata. Dalawampung taon ang lumipas at binawian na rin siya ng buhay, ngunit ang mga taong inilagi niya sa ampunan ay maituturing niyang ilan sa pinakamasasayang taon ng kanyang buhay.

“Mahal? Ikaw ba ‘yan?” wika ni Martha.

“Oo, ako nga. Kay tagal kitang hinintay. Halika rito at habambuhay na tayong magsasama,” sagot ni Benny nang magkita na ang dalawa sa langit.

Advertisement