Inday TrendingInday Trending
Overtime Daw sa Trabaho

Overtime Daw sa Trabaho

Ngayong nakapagtapos na si Danica ng pag-aaral ay sunod naman niyang puntirya ang makapagtrabaho sa Maynila. Ayaw niyang sa probinsya nila manatili dahil bukod sa maliit ang sahod ay hindi niya nakakasama ang kapatid na si Ricardo.

“Danica, sigurado ka bang gusto mo dito sumama sa akin? Masikip ang tinitirhan ko rito saka isa pa kasama ko na sa bahay si Myline, ayos lang ba sa’yo iyon?” tanong ni Ricardo, ang nag-iisang kapatid ng dalaga.

“Ayos lang kuya, gusto ko rin naman na makapagbonding po tayo saka pangako ko po sa inyo na hindi ako magiging pabigat. Maghuhugas ako ng pinggan, maglalaba saka maglilinis ng bahay. Papakisamahan ko rin po si Ate Mina dahil alam kong mahal mo siya,” sagot naman ni Danica dito.

“Naku, matitiis ko ba ang lambing ng bunso kong iyan? Siya sige, sa susunod na lingo ay lumuwas ka na dito at sasamahan kita sa paghahanap ng trabaho,” saad ng lalaki at saka binaba ang telepono.

Halos pitong taon rin ang agwat ng dalawang magkapatid kaya naman mahal na mahal ni Ricardo si Danica dahil kwento pa niya’y siya daw ang humiling nito sa Diyos.

Akala niya dati ang pagkakaroon ng kapatid ang makakasagip sa nawawasak na nilang pamilya ngunit mali siya dahil hindi na talaga nagbago pa ang kaniyang ama at nakabuntis pa ito ng mas batang babae. Kaya naman nakipaghiwalay na noon ang kaniyang nanay at binuhay silang mag-isa sa pamamagitan ng pagiging kasamabahay sa ibang bansa.

Kaya mas pinili ng lalaki na asikasuhin na lang si Danica kaya napahinto siya sa pag-aaral at saka tumulong sa pinansyal na pangangailangan nilang tatlo.

“Mukhang ako pa ang magiging salta sa inyo ha, papatirahin mo na pala yung kapatid mo dito hindi ka man lang muna nagsabi sa akin. Parang hindi mo ako nobya,” galit na pahayag ni Mina, ang nobya ni Ricardo.

“Syempre hindi, balak ko naman sabihin sayo pero tinapos ko muna yung tawag namin. Huwag ka na magalit, mabait naman iyong si Danica at sigurado akong magkakasundo kayo,” saad naman ng lalaki.

Hindi na lang sumagot pa ang babae at hinayaan na lang niyang tumira doon ang kapatid ni Ricardo kahit na ayaw naman niya. Pakiramdam kasi ni Mina ay hindi siya makakilos sa bahay dahil may ibang tao, hindi niya magawa ang mga gusto dahil may kasama na siya kapag nasa trabaho si Ricardo. Kaya naman malamig niyang pinakikitunguhan si Danica kahit nga napakabait ng dalaga.

Lumipas ang isang taon at maganda naman ang naging trabaho ni Danica kaya nga lang nitong mga nakaraan buwan ay palagi na lang itong gabi kung umuwi.

“Alam mo babe, sa tingin ko lang ay nagsisinungaling na iyang kapatid mo sayo. Palagi na lang OT, umaalis ng 6 am dito tapos uuwi na ng 2 am. Araw-araw ganon, hindi normal yung ganyan,” wika ni Mina habang kumakain ang dalawa sa labas.

“Trabaho daw iyon, nagsabi rin naman siya kay mama sa group chat namin. Naawa na nga ako sa kapatid ko, sobrang sagad sa buto ang trabaho nila, mas tinalo pa nya ang call center agent,” sagot naman ni Ricardo sa nobya.

“Naniniwala ka talaga na overtime yung ganon? Tapos pag hihingian ko ng ambag sa bahay ay walang sahod? Sige nga, ano yun? Saka isa pa hindi normal ang everyday OT, para namang hindi ka nagtratrabaho,” baling pang muli ni Mina.

“May punto ka rin naman, anong gusto mong gawin natin?” tanong ni Ricardo dito.

“Ang akin lang naman ay baka umuwi na lang sa atin iyang buntis na, kaya naman sundan natin tutal malapit na rin naman ang opisina niya dito,” pahayag naman ng babae.

Sumang-ayon naman ang lalaki sa gusto ng babae kaya pinuntahan nila sa opisina si Danica, tatawagan pa lang sana nila ito nang makitang paalis na ang babae ngunit nakapagtext na mag o-overtime daw ulit siya.

“Sabi ko na sayo e, nagsisinungaling iyang si Danica sa atin,” wika ni Mina.

Sinundan nila ang kapatid ng lalaki hanggang sa pumasok ito sa isang bar. Tuwang-tuwa naman si Mina dahil sa wakas, magagalit na si Ricardo kay Danica at mapapa-alis na ito sa kanilang tinitirhan.

“Wow, OT sa bar!” bulalas ni Mina at nahalata niyang galit na si Ricardo. Gusto na sana niyang sugurin si Danica at hatakin ito pauwi ngunit natigilan silang dalawa nang umakyat sa entablado si Danica, saka ito kumanta kasabay ng banda.

Lumapit naman kaagad si Ricardo sa waiter at tinanong ito.

“Matagal na ba siya dito?” tanong ni Ricardo.

“Si Danica ba sir? Matagal na rin po namin siyang singer dito, magaling po ano?” sagot ng lalaki kay Ricardo.

Umupo ang dalawa at pinakingan ang kanta ni Danica, masama naman ang loob ni Mina dahil hindi niya nasira ang babae sa kanyang kuya. Hanggang sa napansin sila ni Danica na nanunuod sa kaniya at agad itong tumigil para puntahan sila.

“Bakit hindi mo sinasabi sa akin na dito ka pala nagpupunta at hindi naman talaga overtime ang ginagawa mo?” tanong ni Ricardo sa dalaga.

“Pasensya ka na kuya ha, nagiipon kasi ako para makabukod ako ng dorm. Alam ko kasing naiilang si Ate Mina sa akin sa bahay kaya nahihiya na lang akong umuwi doon,” sagot naman ni Danica.

“Wow, ako pa ang masama!” baling ni Mina.

“Hindi ate, huwag mo sanang masamain ang sinabi ko. Alam ko naman pong nahihirapan ka na kaya nga ako na lang ang mag-aadjust,” mahinang sabi ni Danica.

“Tama na iyan, matutunan niyong mahalin ang isa’t-isa dahil magiging pamilya din tayo pag nagkataon,” saad naman ni Ricardo at doon na natahimik pa si Mina.

Malungkot man ngunit hindi talaga sila nagkakasundo sa bahay, parating galit si Mina kay Danica na siyang napapansin ni Ricardo at tila sumosobra na ito. Hindi nagtagal ay naghiwalay ang dalawa.

“Kuya, kasalanan ko ba kaya kayo naghiwalay?” malungkot na tanong ni Danica sa kaniyang kuya.

“Hindi Danica, kung ngayon pa lang ay hindi niya kayo matanggap sa hindi ko malamang kadahilanan ay mas mabuting tinapos na namin ang lahat dahil ano’t-ano man ang mangyari ay kayo ang pipiliin ko,” sagot ni Ricardo at niyakap niya ang kapatid.

Sa huli, nanaig ang dugo sa tubig.

Advertisement