Inday TrendingInday Trending
Kung Ano ang Itinanim, Siya Ring Aanihin

Kung Ano ang Itinanim, Siya Ring Aanihin

Kahit sampung taon nang kasal at nagsasama ang mag-asawang si Jane at Daniel ay mas pinili nilang isa lamang ang maging anak. Hindi man sila parehong nakapagtapos ng pag-aaral ay alam nila na mas mahihirapan sila sa buhay kung mas marami ang kanilang mga supling.

Nagtatrabaho bilang isang construction worker si Daniel habang labandera naman ang misis niyang si Jane. Kaya naman sapat-sapat lang ang kita nilang mag-asawa sa araw-araw nilang pagkain at sa pagpapa-aral sa nag-iisang anak na si Ken.

Kahit pa hirap sa buhay, maganda ang naging pagpapalaki ng dalawa sa kanilang anak. Ang maliit nilang tahanan ay puno ng pagmamahal at kalinga ang samahan nilang tatlo. Ngunit isang araw ay tila sinubok ng tadhana ang kanilang maliit na pamilya.

“Daniel! Bilisan mo! Si Ken, sumusuka ng dugo. Anong gagawin ko?!” tarantang sigaw ni Jane sa kanyang mister.

“Ha? Bakit?! Anak! Anak!” sigaw ni Daniel habang patuloy na dumuduwal ang anak. Namumutla na rin ito at mukhang malapit nang mawalan ng malay.

Itinakbo ng mag-asawa ang kanilang anak sa pampublikong ospital. Isinugod naman agad si Ken sa emergency room upang mabigyan ng agarang lunas. Nang lumabas ang doktor, agad lumapit ang mag-asawa upang maki-balita.

“Kumusta po ang anak ko? Ano po ang nangyari sa kanya?”

“Huminahon po kayo. Sa ngayon ay ayos na po ang kalagayan niya. Tama pong dinala niyo siya agad sa ospital upang matingnan. Ngunit kinakailangan niya ng agarang operasyon dahil isang bukol ang nakita naming lumalaki malapit sa kanyang utak. Kapag hindi naagapan ay maaari itong maging dahilan ng pagkawala ni Ken,” paliwanag ng doktor.

Nanlambot ang mag-asawa nang malamang nasa isang daang libong piso ang kakailanganin sa pagpapagamot. Ni hindi nila alam kung saang lupalop ng mundo hahanapin ang ganoong kalaking halaga.

Lingid sa kaalaman ni Jane, nakabuo na ng plano si Daniel sa kanyang isip. Hindi niya ito ipinaalam sa misis niya dahil alam niyang tututol ito dito. Kahit alam niyang mali, wala na siyang ibang paraan na maisip upang makalikom ng malaking halaga.

Nagising si Jane na wala na sa tabi ang asawa. Bagkus ay nag-iwan ito ng isang sulat sa tabi ng higaan ng kanilang anak sa ospital.

“Mahal, may pupuntahan lamang ako. Pagkabalik ko, nawa’y maging sapat na ang ating pera sa pagpapagamot kay Ken. Mahal na mahal ko kayo.”

Nanindig ang mga balahibo ni Jane. Kahit hindi niya alam, nagkaroon na ng ideya ang misis sa balak gawin ng mister. Sinubukan niya itong tawagan at hanapin ngunit hindi siya nagtagumpay.

Habang labis na nag-aalala si Jane, sa kabilang banda ay kabadong pumasok sa isang grocery store si Daniel. Alam niyang magiging sapat na ang pera sa kahera nito upang makabuo ng isang daang libong piso. Nagdala siya ng baril na ipinamana pa sa kanya ng yumaong ama na dating pulis, at isang piraso ng tela na kanyang itatakip sa mukha niya.

Takot na takot si Daniel dahil kailanma’y hindi naman pumasok sa isip niya na magagawa niya ang pagnanakaw. Ngunit desidido na siyang gawin ito para sa kapakanan ng kanyang pinakamamahal na anak.

Itinaon niya na pasara na ang grocery store, at isang pilay na lalaki na lamang ang nagbabantay. Alam niyang hindi ito makakalaban sa kanya kaya’t kahit papaano ay nabawasan ang kaba na kajyang nararamdaman.

Pagkapasok, agad niyang isinuot ang tela sa kanyang mukha at dumiretso sa kahera.

“Holdap ito! Ilabas mo na ang lahat ng pera at iabot mo sa akin! Isa!” sigaw ni Daniel habang nakatutok ang baril sa ulo ng pilay na lalaki.

Nang makita ni Daniel ang labis na panginginig ng lalaki, at ang tahimik na pagbuhos ng luha nito ay tila ba napatigil si Daniel. Ibinaba niya ang pagkakatutok sa baril at nagsimula na ring umiyak.

“Pasensiya na po! Tama na. Aalis na po ako. Hindi ko pala kaya. Patawarin mo ako. Patawad!” iyak ni Daniel habang nakaluhod at humihingi ng tawad.

Agad kinuha ng pilay ang kanyang cellphone at tila may tinawagan. Tinanggap na ni Daniel ang kanyang kapalaran na makukulong na lamang siya dahil sa ginawang kapangahasan.

“Tatanggapin ko ho kung ipakukulong ninyo ako. Nararapat lang ho ito siguro sa akin…” wika ni Daniel habang patuloy na umiiyak. Tinanggal na rin niya ang kanyang tela na nakaharang sa kanyang mukha.

“Hindi, hijo. Hindi,” sagot ng pilay.

“Ho?” pagtatakang tanong ni Daniel.

“Hindi ko alam kung tama ang gagawin ko, pero nakikita ko ang sarili ko sa iyo noong bata pa ako. Tulad mo, sinubukan ko rin noon na nakawan ang isang tindahan dahil sa matinding pangangailangan. Dahil naman iyon sa aking ina na may sakit. Ngunit imbis na ipakulong niya ako ay tinulungan pa niya ako,” paliwanag ng pilay.

“Kaya tumayo ka na riyan. Ako na ang bahala sa pagpapagamot sa anak mo,” pagpapatuloy nito.

“Ta- talaga po? Bakit? Ano hong kapalit nito?” umiiyak na sagot ni Daniel.

“Kapalit? Isa lang. Magbagong-buhay ka. Gusto kong ipangako mo na kailanma’y hindi mo na susubukang manlamang ng kapwa dahil sa matinding pangangailangan.”

Agad nagpaliwanag at pumayag si Daniel. Matapos noon ay tunay ngang ginawa ng pilay, na nagngangalang Mario, ang lahat ng kanyang ipinangako. Bukod sa pagpapagamot kay Ken, pinangakuan niya pa ng isang maliit na negosyo si Daniel.

Gulat na gulat naman si Jane nang malaman na bayad na ang lahat ng utang nila sa ospital.

“Anong ginawa mo?! Paano?” tanong ni Jane sa asawa nang magpakita ito kinabukasan.

“Mahal! Mahabang kwento, pero isang lalaki na hulog ng langit ang tumulong sa akin. Halika sa labas at ipakikilala ko siya sa iyo,” wika ni Daniel habang hinahatak ang asawa palabas ng silid sa ospital.

Nanlaki ang mata ni Jane nang makita ang pilay na lalaki.

“Mang Mario?!” gulat nitong sigaw.

“Jane? Ikaw na ba ‘yan? Ang laki-laki mo na! Asawa mo ba itong si Daniel?” tanong nito.

“Magkakilala kayo?” wika ni Daniel.

“Oo naman! Naaalala mo ba ang kinwento ko sa’yo kagabi? Ang lalaking tumulong sa akin? Ang ama iyon ni Jane!” sagot ni Mario.

Gulat na gulat ang tatlo. Ang ama pala ni Jane ang lalaking tumulong kay Mario noon. Ngunit hindi na alam ni Mario na nang tumanda ang ama ni Jane ay naghirap ito dahil sa isang manggagantso. Mabuti na lamang at nakilala niya si Daniel at kahit papaano ay naibalik niya ang napakalaking pabor na ginawa ng ama ni Jane dati.

Matapos maipagamot at tuluyang gumaling si Ken, at binigyan ng negosyo ni Mario ang mag-asawa. Mula noon ay naging maginhawa na ang buhay ng tatlo. Nanumpa naman si Mario na kailanma’y hindi na uulit sa ganoong gawain.

Tunay ngang ang mabuting gawa ay walang ibang maibubunga kung hindi kabutihan din. Kaya naman bilang pasasalamat ni Daniel ay tumutulong na rin siya sa mga taong nangangailangan ng tulong ng kapwa.

Advertisement